Journal Entry # 4:
Fated To See You Again
(Paolo)
~+*+*+*+*+*+*+*+*+~
“‘Yung totoo,” mariing sabi ko. Alam kong hindi dapat ganito ang ipinapakita ko kay Papa, pero hindi na ako nakatiis. Apat na taon ‘yun eh. Apat na taon. Apat na taong pagtitiis sa dilim. Ni hindi ko alam kung nasaan siya, kung anong nangyari sa kanya... kung buhay pa ba siya.
Bumuntong-hininga si Papa. “Nasabi ko na ang lahat ng dapat kong sabihin sa iyo, Paolo.”
“Apparently, what you have to tell me is not the whole story,” I insisted.
Tiningnan niya ako nang seryoso. “Itigil mo na ito, Paolo. Ano pa ba ang gusto mong mangyari? Hindi pa ba sapat na nakita mo na siya? Na alam mong nasa mabuti siyang kalagayan?”
“Nasa mabuting kalagayan? Pa, hindi niya ako nakikilala!”
“Kung ano mang kalagayang kinaroroonan niya ngayon, Paolo, para sa mas ikabubuti iyon ng lahat. Tama na. Itigil mo na ito. Si Imee na lang ang pagtuunan mo ng pansin. Hindi ba’t siya naman ang kasintahan mo ngayon? Tama lang na sa kanya mo ibaling ang atensyon mo imbes na kay Mei—kay Yumi. Imbes na kay Yumi Diaz.”
Tiningnan ko siya nang matagal at pagkatapos ay tumalikod na ako para umalis.
Hindi. Wala akong pakialam kung ano pang sabihin niya. Apat na taon ‘yun eh. Akala niya ba eh madali para sa akin ang apat na taong iyon? Akala niya ba ay ganoon kadaling kalimutan ang nag-iisang babaeng minahal ko? Na hanggang ngayon ay mahal ko pa rin?
Ang babaeng hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ang tungkol sa nararamdaman ko…
~+*+*+*+*+*+*+*+*+~
Pinagmamasdan ko siya sa malayo. Palagi niyang kasama ang tatlong kaibigan niya. Dalawang babae at isang lalaki. Pamilyar ang lalaking kasama niya, pero sigurado akong hindi ko siya kilala.
Napapangiti ako sa tuwing nakikita ko siyang tumatawa. Mahilig pa rin siyang tumawa. At kapag tumatawa siya, malakas pa rin. Totoo ngang walang kahinhin-hinihin kapag tumatawa siya. Pero ayos lang. Iyon ang natural niya. At hindi siya nahihiyang ipakita iyon.
Ang kanyang mga ngiti… kahit kalian ay otomatikong nagpapangiti pa rin sa akin. Ngingiti lang siya, gumagaan na ang pakiramdam ko.
Mukha siyang masaya. Kitang-kita naman iyon sa mga mata niya… sa mga tawa… at sa mga ngiti. Kitang-kita ko iyon. Masaya siya.
Tama nga kaya si Papa? Na nasa mabuting kalagayan siya? Na mas mabuting wala siyang naaalala? Na mas mabuting hindi niya kami ako nakikilala?
Napakunot ang noo ko. Ako lang ba ang hindi niya nakikilala? Sina Denzel kaya? Si Cymone?
Bigla akong nanlamig. Si Cymone… alam na kaya niya? Pero parang hindi pa eh. Tahimik pa siya ngayon. Hindi pa siya gumagawa ng gulo. Siguro nga ay hindi niya pa alam. Maaaring hindi pa sila nagkikita.
Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Gusto ko talaga siyang lapitan. Pero paano? Makikilala niya ba ako kapag nilapitan ko siya? Paano kung makilala niya ako? Paano pala kung siya mismo ay ayaw nang makaalala? Paano kung siya mismo ay… piniling makalimot?
Hindi ko alam. Ang alam ko lang, nakikita kong masaya siya. At ayokong kuhanin mula sa kanya ang kasiyahang iyon sa pamamagitan ng pagbabalik ng mga ala alang mukhang tuluyan nang nawala sa memorya niya.
Dahil ganoon ko siya kamahal…
~+*+*+*+*+*+*+*+*+~
(Denzel)
BINABASA MO ANG
The Rainbow Saga (Book One): The Lost Journals
Adventure“Weaving a rainbow… weaving fate.”