♪ CHAPTER THREE ♪

4K 77 3
                                    

"UHM..." HINDI mahagilap ni Rakel ang dila dahil hindi rin niya mahagilap ang isasagot sa tanong ni MJ. Alangan namang sabihin niyang gusto niyang malaman ang problema nito ang siya ang papawi ng kalungkutan nito? Hindi yata niya magagawa iyon.

"Kung wala kang sasabihin, umalis ka na. Istorbo ka sa pahinga ko." Nang akmang itatakip na muli ni MJ sa mukha ang nakabuklat na notebook ay mabilis niya itong pinigilan.

Para siyang napapaso sa pagkahawak sa kamay ng binata. Nakapapasong gusto niya iyong bitiwan pero tila may magnet ang balahibo ni MJ na ayaw kumalas ng kanyang kamay rito.

Tumingin si MJ sa kamay niyang nakahawak dito.

Nahihiyang binawi ni Rakel ang kamay.

"Ano'ng kailangan mo?" ulit nito sa tanong kanina.

"K-kabisado mo na ba 'yong script natin?"

"Wala akong panahon sa ganyan," ani MJ na itinakip ang notebook sa mukha.

Nagpanting ang mga tainga ni Rakel. Ganoon lang? Ganoon ba talaga kawalang pakialam si MJ sa pag-aaral nito? Gusto sana niyang tulungan ang kaklase pero dapat ay tulungan din nito ang sarili.

Marahas na inalis niya ang notebook sa mukha ni MJ.

"Ano ba! Ano ba'ng problema mo?" mariing sabi nito sa mahinang tinig. Hindi malakas ang boses nito pero halata ang pagkairita. Napabalikwas pa si MJ.

"Ikaw? Ano'ng problema mo? Kung wala kang pakialam sa pag-aaral mo, bahala ka. Pero group project ito. Hindi lang grades mo ang nakasalalay rito. Kung gusto mong bumagsak, 'wag ka nang madamay ng iba. Maging sensitive ka naman sa paligid mo paminsan-minsan!" singhal ni Rakel saka tumayo at iniwan ang binata. Hinihingal pa siya habang naglalakad.

Buwisit siya! Hinding-hindi ko na talaga siya kakausapin kahit kailan. Ni hindi ko siya tatapunan ng tingin. As if he doesn't exist. Bahala siya sa buhay niya! Grrrrrr!!!!


KUMUYOM ang mga kamay ni MJ habang pinapanood ang palayong pigura ni Rakel. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang kanyang pakiramdam pagkatapos siyang singhalan ng dalaga. Pakiramdam niya, nais niyang lamunin na lang nga lupa dahil sa mga sinabi nito sa kanya. Sanay na si MJ na may sinasabing negatibo sa kanya ang ibang tao, at wala na siyang pakialam doon. Natuto na siyang maging manhid sa paulit-ulit na pangungutya sa kanya ng iba. Walang-wala pa iyon sa sakit na kanyang naramdaman na dahilan kung bakit siya naging pariwara.

Pero iba si Rakel. Iba ang epekto ng dalaga sa kanyang pagkatao. Mula pa noong una niya itong makitang pumasok sa classroom nila, kakaiba na ang dating nito sa kanya. Hindi nga niya alam kung bakit hindi niya maalis ang tingin kay Rakel.

At ang unang nasabi niya sa dalaga: Cute. Iyon naman kasi ang tingin niya rito. Cute si Rakel, lalo na kapag namumula ang mga pisngi. Those innocent look in her eyes, ah. Ibang klase.

Tila may kung anong nasaling ang dalaga sa kanya, lalo na ngayong inaway siya nito. Iyon na nga ang unang pagkakataon na nag-usap sila pero sininghalan pa siya ng kaklase.

Insensitive? Siya? Tila nais niyang baguhin ang tingin ni Rakel sa kanya. Na hindi siya gaya ng iniisip nito.

Napakurap si MJ at tinuktukan ang sarili. Ano ba ang kanyang iniisip? Matagal na siyang walang pakialam sa sinasabi ng iba, kaya ano ang pakialam niya kung insensitive ang tingin ni Rakel sa kanya? Hindi dapat siya paapekto.

Muli siyang humiga at bumalik sa pagkakatulog.


NATIGILAN si Rakel sa paglalakad palabas ng eskuwelahan nang makita ang isang pigura ng lalaking nakasandal sa isang puno na malapit sa gate ng eskuwelahan nila at nakapamulsa.

NIGHTINGALE TRILOGY book 1: AWIT KAY RAKEL (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon