♪ EPILOGUE ♪

5.3K 127 8
                                    

HUMINGA nang malalim si Rakel. "Ang ganda ng langit ngayong gabi," wika niya na nakatingala sa langit. Naroon siya sa rooftop ng bahay nina MJ at kasama ng binata. Doon sila dumeretso pagkatapos ng album launch nito.

"Rakel."

Napabaling siya kay MJ. Tumingin din ito sa kanya. Nagtama ang mga mata nila.

Nang hindi ito nagsalita ay ngumiti siya. "'Buti naman at kinausap mo na ako ngayon. Akala ko, aabutin pa ako ng sampung taon uli, eh. Ako naman ang pahahabulin mo," sabi niya.

Bumakas ang guilt sa mukha ng binata. "Sorry kung hindi kita magawang harapin. Ang totoo, nakita kitang kasama si Wallace sa isang restaurant noong isang linggo. Magkayakap kayo at masayang nag-uusap. Ang akala ko, kinalimutan mo na ako at bumalik ka na sa kanya. Labis akong nasaktan. Inakala ko na kaya kinakausap mo ako ay dahil ayaw mo lang akong paasahin. Na hindi totoo ang mga nangyari sa atin sa San Alfonso."

"Hindi totoo 'yan, MJ. Gusto kitang kausapin dahil gusto kong linawin ang tungkol sa atin. Gusto kong sabihin sa 'yo na mahal kita at malaya na akong ihayag 'yon sa buong mundo. Mahal kita, MJ."

Ngumiti ito at kumislap ang mga mata gaya ng mga bituin sa langit. "Mahal din kita, Rakel. Hindi ako magsasawang iparamdam sa 'yo na hindi mo pagsisisihan ang mahalin ako. Ah, teka... naalala mo pa ba 'yong sinabi ko sa 'yo noon..."

"Sabay tayong mag-aral ng kolehiyo, sabay tayong magtapos at sabay nating abutin ang mga pangarap natin, Rakel. Ikaw bilang isang journalist, at ako bilang isang singer. Kapag naabot na natin ang mga pangarap natin, magiging maayos na ang lahat. Pagkatapos... P-puwede na kitang pakasalan."

Nag-init ang mga pisngi niya nang maalala niya ang pangako nito noong nasa tore ng simbahan sila.

"Rakel," pukaw ni MJ sa kanya.

Napaangat siya ng tingin dito. "Sabay tayong nakapag-aral at nakapagtapos ng kolehiyo. Pareho na nating naabot ang mga pangarap natin. Ikaw bilang journalist, ako bilang isang singer." Tila nahihiyang ngumiti si MJ sa kanya. "Puwede na kitang pakasalan, tama?"

Tumango siya.

Inilahad nito ng kamao sa kanyang harap at dahan-dahan nitong binuksan iyon. Iniladlad nito ang bracelet na may iba't ibang trinket. G-clef, quarter note, eighth note...

Kinuha nito ang kaliwang braso niya at isunuot doon ang bracelet. Kuminang iyon nang matamaan ng liwanag ng ilaw. May mga mumunting bato rin iyon na tila mga bituin sa langit nang gabing iyon.

"Ang ganda," ani Rakel na buong-hangang nakatingin sa bracelet.

"Sa ngayon, 'yan pa lang ang puwede kong ibigay. Tatalupan ako nang buhay ng mga kabanda ko kapag nag-asawa agad ako," ani MJ na may himig ng biro ang tinig.

Natawa si Rakel at napaangat ng tingin sa binata. Gaya ng mga bituin sa langit, nagniningning din ang mga mata nito.

"Pero ipapangako ko sa 'yong palagi kang magiging parte ng buhay at tagumpay ko. Hindi ko na uli hahayaang mawala ka pa sa tabi ko."

Hinaplos niya ang isang pisngi nito. "Hindi ko na rin hahayaang mawala pa sa tabi mo. Pangako."

Ngumiti ito at hinagkan siya sa mga labi.

wakas

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 20, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

NIGHTINGALE TRILOGY book 1: AWIT KAY RAKEL (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon