♪ CHAPTER THIRTEEN ♪

3.3K 71 0
                                    

SUMAGAP ng hangin si Rakel at ibinuga iyon saka pinagsawa uli ang tingin sa tanawin sa labas ng bintana ng kanyang silid.

"Rakel!"

Bumaba ang tingin niya sa pinanggalingan ng tinig na iyon. "Sabel!" sigaw niya saka kinawayan din ang kaibigan. "Sandali, bababa ako riyan." Pagkatapos ay patakbo siyang lumabas ng kanyang silid.

Tama, naroon siya ngayon sa San Alfonso. Isang linggo na ang nakalilipas mula nang manood sila ng Les Miserables. At mula noon ay hindi na rin siya nagpakita pa sa Nightingale. Kinausap niya si Gilmore at sinabi niyang tapos na niyang interview-hin si MJ at sapat na ang ilang araw na nakasama niya ang binata para nakagawa siya ng magandang article tungkol sa binata. Sinabi ni Gilmore na hihintayin na lang nito ang draft niya sa email nito.

Mula rin noon ay hindi na sila nagkita pa ni MJ... na hindi niya alam kung nakabuti o nakasama.

Masyado na siyang na-stress sa trabaho kaya tinanggap niya ang payo ni Arra na mag-leave na lang muna. Nag-file siya ng three-day leave. At doon siya sa San Alfonso napadpad.

"Kailan ka pa dumating?" tanong ni Isabel nang makalabas na si Rakel ng tarangkahan nila.

"Kanina lang," sagot niya sa kaibigan. "Ibang-iba na 'tong bayan natin, ang dami nang nagbago," sabi niya nang maalala ang dinaanan kanina nang papunta siya roon. Berde pa rin ang palayan at naroon pa rin ang mga matatandang puno. Pero marami nang bahay na makukulay at yari sa bato, kung hindi man ay yari sa tiles. Mas lumapad din ang kalsada at sementado na.

"Siyempre, mula nang maging mayor si Mang Ignacio, pinaganda talaga itong bayan natin. At ikaw..." Hinagod siya ng tingin ni Isabel. "Ang laki na rin ang ipinagbago mo. Lalo kang gumanda."

Napangiti siya. "Hindi naman," nahihiyang sabi niya.

"Suuus! Ito, nahiya pa. Maiba ako, hanggang kailan ka ba rito? Mananatili ka rito hanggang sa piyesta, hindi ba?"

"Baka hindi na. Tatlong araw lang kasi ako rito, eh."

"Ah, gano'n ba? Sayang naman. Wala ka bang kasama? Do'n ka na sa amin mananghalian. At samahan mo na rin ako sa plasa. Itinatayo na nila 'yong perya roon. At may battle of the bands pa sa gabi."

"Sige," pagpayag niya.


"SALAMAT sa pagsama mo sa akin dito, ah?" sabi ni Isabel.

"Ah, sus wala 'yon," sabi ni Rakel na inililibot ang tingin sa paligid. Maraming tao sa plasa nang gabing iyon. Iyon kasi ang unang gabi ng perya. Mayroon ding gaganaping singing contest mayamaya lang sa stage.

Ilan sa mga kaklase ni Rakel ang nakasalubong niya. Iyong iba ay hindi na niya natatandaan kaya ipinakilala pa sa kanya ni Isabel.

At sa lakas ng ingay roon ay hindi pa rin nakaligtas kay Rakel ang tunog ng kampana na nagmumula sa simbahan. Napalingon siya sa simbahan at tila may kung anong humihila sa kanya patungo roon.

"Sabel, sandali lang, ah? May pupuntahan lang ako," paalam ni Rakel sa kaibigan na hindi inaalis ang tingin sa simbahan. Halos hindi na nakaabot sa kanyang pandinig ang sinabi ni Isabel. Kusang humakbang ang mga paa niya patungo sa simbahan.

Nag-init ang sulok ng mga mata ni Rakel nang makitang walang ipinagbago ang simbahan na iyon. At parang kahapon lang nang mangyari ang mga alaala sa pagitan nila ni MJ.

Humakbang ang mga paa ni Rakel at natagpuan na lang niya ang sarili sa tapat ng lumang tore—ang tore kung saan madalas nilang tambayan ni MJ.

Itinulak niya ang pinto niyon at nagulat nang makitang bukas iyon. Walang pagdadalawang-isip na umakyat siya sa tore. Marahil, kung pupunta uli siya roon, baka-sakaling maramdaman uli niya ang peace of mind na noon ay madalas niyang maramdaman kapag naroon siya kasama si MJ.

NIGHTINGALE TRILOGY book 1: AWIT KAY RAKEL (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon