♪ CHAPTER FOURTEEN ♪

3.7K 75 0
                                    

NAPATAKBO si Rakel patungo sa gilid ng batis sa sobrang tuwa. Pagkatapos ay sumigaw siya nang malakas na malakas. Wala siyang dapat isipin kung may makakarinig sa kanya, dahil wala. Naroon sila sa gilid ng batis na nasa likod ng dating bahay nina MJ. Doon siya dinala ng binata. Kanina nang sabihin nitong doon siya dadalhin, sinabi ni MJ na nais lang daw nitong balikan ang mga lugar na mahahalaga para dito. Mula nang umalis ng San Alfonso ang binata sampung taon na ang nakararaan, iyon pa lang ang unang beses na nagpunta ito roon. At dahil parte na ito ng Nightingale, hindi raw nito sigurado kung babalik pa ito roon... wala na rin naman daw itong dahilan na bumalik doon. At tiyak na sa US na rin titira ng binata kasama ng banda kung sakali.

Nalungkot si Rakel nang marinig na aalis si MJ ng bansa. Hindi niya alam kung bakit nakaramdam ng pangungulila sa kaalamang iyon. Pero siyempre, hindi niya iyon ipinahalata sa binata.

"Ano'ng ginagawa mo?" Nanlaki ang kanyang mga mata nang malingunan si MJ na naghuhubad ng pang-itaas.

"Maliligo," simpleng sagot nito. Pagkatapos ay lumusong na ito sa tubig.

Napaigik pa siya nang matalsikan siya ng tubig.

Saglit itong lumubog sa tubig pagkatapos ay lumutang din mayamaya. "Ikaw, ano pang ginagawa mo riyan? Halika na!" yaya ni MJ. Lumangoy ito patungo sa kinababagsakan ng tubig ng talon. "Ah, ang sarap," sabi nito nang tumapat sa bumabagsak na tubig. Pumikit pa at hinagod paitaas ang buhok.

Noon lang naging conscious si Rakel sa katawan ni MJ. Hindi masasabing perfect bod ang katawan ng binata. Apat lang ang abs nito at hindi gaanong malaki ang mga dibdib pero matitigas ang mga iyon. Napatunayan na niya iyon nang ilang beses na siyang sumandig doon. Lean si MJ. Halatang hindi nagdyi-gym pero matitigas ang muscles nito. High school pa lang sila ay matigas na ang katawan ni MJ dahil sa pagtatrabaho. Kayumanggi dati ang balat ni MJ pero ngayon ay medyo pumuti na. kung dati noong high school sila ay manly na ang katawan nito, lalo na ngayon.

Bigla ay nakaramdam si Rakel ng pag-iinit ng katawan habang nakatitig sa katawan ni MJ.

Shit, kailangan ko rin yatang maglublob para luminis ang inaagiw na utak ko.

Kaya hinubad na rin niya ang sandals at lumusong sa tubig.


NATIGILAN si MJ nang biglang lumusong si Rakel sa tubig. At pag-angat ng katawan nito ay bumakat ang malulusog na dibdib nito sa puting damit na suot.

Putsa! Nag-react agad ang kanyang katawan.

Hindi maaari. Niyaya niya roon ang dalaga para akitin ito. Hindi nga ba't inaasahan na niyang magkikita sila ni Rakel doon. Kaya nga siya nagpunta sa San Alfonso ay dahil nabalitaan niya mula kay Gilmore nang pasimple niyang kumustahin ang dalaga, ang sabi ni Gilmore, ayon daw sa editor in chief ni Rakel ay nag-three-day leave ang dalaga at nagtungo sa probinsiya. Alam ni MJ na sa San Alfonso lang naman pupunta ang dalaga kaya agad-agad siyang nagpunta roon.

Nang tanungin siya ni Rakel kanina kung ano ang ginagawa niya roon, sinabi na lang niyang binisita niya ang pari sa simbahan nila na totoo naman nang kaunti dahil binisita nga niya si Father Martin bago siya umakyat sa tore.

Ngayon, mukhang saglit lang umepekto kay Rakel ang pang-aakit niya rito nang mapansin niyang nakatitig ito sa kanyang katawan kanina. Dahil ngayon ay siya na ang naaakit sa dalaga. Mabilis siyang nagpunta sa batuhan kung saan iniwan ang damit at tsinelas niya.

"O, saan ka pupunta? Tapos ka na maligo?" nagtatakang tanong ni Rakel sa kanya.

"Oo tapos na. Tara na. Maginaw. Baka mapulmonya ka pa," sabi niyang hindi ito tinitingnan. Mabilis niyang isinuot ang damit. "Kung ayaw mo pa, iiwan na kita diyan," sabi niya.

NIGHTINGALE TRILOGY book 1: AWIT KAY RAKEL (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon