♪ CHAPTER ELEVEN ♪

3.3K 75 0
                                    

NANG maiparada ni Rakel ang kanyang kotse sa parking lot ng SE building at hindi muna siya umibis agad. Huminga muna siya nang malalim at kinalma ang nagririgodong puso.

Magiging maayos din ang lahat, magiging maayos din ang lahat, pagpapalakas niya ng loob sa sarili. Sinipat niya ang sarili sa rearview mirror. Nang makitang okay lang ang kanyang hitsura ay umibis na siya ng sasakyan at pumasok sa building.

Tatlong araw na ang nakalilipas mula nang ipagtabuyan siya ni MJ. Halos hindi siya lumalabas ng kuwarto. Hindi niya alam kung bakit ganoon ang naging epekto ng mga salita ni MJ sa kanya. It's been ten long years.

Alam niyang may galit ang lalaki sa kanya.

Ilang ulit niyang pinag-isipang tawagan si Miss Jessica para sabihin hindi na niya gagawin ang article pero nagdadalawang-isip din siya. Ayaw niya itong biguin, maging si Gilmore. She should act professional.

Kaya si Wallace na lang ang kanyang tinawagan para mahingahan nia sama ng loob. Pero hindi sinasagot ng nobyo ang kanyang tawag. Pulos voicemail lang ang sumasagot sa kanya. Minsan ay nakaramdam na rin siya ng tampo kay Wallace. Kung kailang kailangan niya ang nobyo dahil nagugulo na ang isip at sistema niya, saka pa niya hindi mahagilap.

Kaya wala na siyang nagawa kundi ang magsarili na lang.

Kaya tatlong araw muna ang kinailangan ni Rakel para hamigin ang sarili bago muling sumabak sa giyera.

Huminga nang malalim si Rakel at pumasok sa elevator. Pinindot niya ang buton sa palapag kung saan naroon ang rec room. Kanina ay tinawagan niya si Gilmore at sinabi ritong nais niyang interview-hin si MJ sa araw na iyon. Sinabi nitong tamang-tama dahil walang schedule ang banda at naroon lang sa SE building ang mga ito. Nagtaka pa siya nang sabihin nitong ilang araw na siyang hinihintay ni MJ para magpa-interview.

Pero agad ding sinawata si Rakel ng matinong bahagi ng kanyang isip bago pa man siya mag-ilusyon ng kung ano-ano. Hindi nga ba't bago sila naghiwalay ay sinabi niya ritong maki-cooperate ito kung nais nitong matapos agad ang trabaho niya roon?

Baka nga nang mismong oras na sinabi niya iyon ay nais na nitong magpa-interview agad-agad para lang hindi na sila magkita pang muli.

Binale-wala ni Rakel ang kirot sa puso sa naisip at ipinapatuloy na lang ang paglalakad patungo sa rec room.

Pagpasok ay nagulat siya nang walang naabutan doon kundi si MJ lang. At mukhang hindi nito napansin ang kanyang pagdating dahil nakapikit ito at abala sa pagtugtog ng gitara. Punong-puno ng emosyon ang mukha.

Ipapaaalam na sana niya rito ang kanyang presensiya pero hindi muna niya ginawa.

Awtomatikong umangat ang kamay ni Rakel at kinunan si MJ ng litrato gamit ang DSLR na laging nakasabit sa kanyang leeg. At nang matapos ay noon lang niya napagtanto kung ano tinutugtog ng binata...

"And now you're gone... Gone away. All I do is wait for you each and every day. Oh, I'm waiting for your love. Wond'ring where you are. Are you with another guy? Are you showing him the world?"

Kumabog nang husto ang dibdib ni Rakel nang biglang dumilat si MJ at tumingin sa kanya. Parang nanunuot sa kanyang kaluluwa ang mga titig nito habang patuloy sa pagkanta na tila para sa kanya ang kinakanta nito.

"Oh, I'm waiting for your love, wanna see your smile brighten up my day. Yes, I'm waiting for your love... Yes, I'm waiting for your love..."

Kahit na nang matapos kumanta si MJ at hindi pa rin umaalis sa kinatatayuan si Rakel. Tila napako na roon ang kanyang mga paa.

NIGHTINGALE TRILOGY book 1: AWIT KAY RAKEL (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon