Chapter Four

697 12 6
                                    

NAGISING si Apryl sa mahinang tapik ng konduktor sa balikat niya. Tumingala siya dito at ngumiti. Tiningnan niya ang kanyang wristwatch. Mag-aalas-singko na pala ng umaga.

"Saan ka bababa, Miss?" tanong ng konduktor sa kanya. Medyo may hitsura din ito. Tantiya niya nasa mga biente singko pa ito.

"Pasensya ka na ha? Siguro'y kanina mo pa ako ginigising," aniya. Saan na ba tayo?"

"Sa Magsaysay pa."

Naisip niyang sa Camiguin siya pupunta. Sa Tita Sidra niya. "Sa Balingoan lang ako."

Pagkasabi niya ay agad binutasan nito ang ticket at inabot sa kanya. Pagkabigay nito sa kanya ay dumukot naman siya ng pera sa bulsa niya para magbayad ng kanyang pamasahe. Limang daang piso ang inabot niya.

Nginitian niya ito. "Keep the change na lang."

"Sure ka? Mahigit dalawang daan pa ang sukli mo," paniniguro nito sa kanya.

Tumango lang siya at naidlip muli.

Ilang sandali lang ay ginising na naman siya ng konduktor.

"Miss, nasa Balingoan na tayo."

"Ah... Eh... Salamat ha? Naku kung hindi mo ako ginising baka lumagpas pa ako. Salamat talaga," sabi niya at bumaba agad siya pagkahinto ng bus sa terminal bitbit ang kanyang bag.

Naglakad siya papunta ng pier. Medyo marami-rami ng tao doon na papunta ng Camiguin. Agad siyang pumila para makabili ng ticket at makasakay ng unang biyahe ng barge papuntang Camiguin. Nang makabili na ng ticket ay agad siyang sumakay sa barge.

Naghanap siya ng maupuan ng makaakyat na siya sa barge. Doon siya pumuwesto sa malapit sa teheras katabi ng isang ale na karga ang anak nito. Nakatitig sa kanya ang bata. Tantiya niya mga nasa walong buwan pa ito. Tumawa ito sa kanya na tila gusto nitong makipaglaro sa kanya. Hinawakan nito ang braso niya at nakaramdam siya ng tuwa doon. Saglit niyang nakalimutan ang kanyang problemang tinakasan.

Naramdaman niyang umusad na ang barge.

MABILIS ang mga sumunod na pangyayari. Dumating na si Apryl sa pier ng Binoni. Pagkababa niya ay agad niyang pinakyaw ang isang motorsiklo na nakaparada doon. Pakyawan kasi ang uso doon. Nais niyang makalayo doon agad baka may makakilala sa kanya. Tiyak sa mga oras na iyon ay nasa TV na ang mukha niya at isa na siya sa mga wanted na pinaghahanap ng batas. For sure nagbigay na 'yung babae na nakakita sa kanya ng litrato niya at nakabalandra na tiyak ang kanyang mukha sa mga diyaryo at TV.

Nadatnan niya ang kanyang Tita Sidra na nakahiga sa duyan habang nagbabasa ng libro. Mag-isa lang ito doon sa bahay niya na nasa tabing dagat. May maliit na resort din ito doon at iilang mga cottages na pinauupahan.

"Mano po Tita," anang niya na ikinagulat nito.

"Diyaskeng bata ere! Napasugod ka?" tanong nito sa kanya na halata ang pagkagulat ng makita siya. "Halika pumasok tayo sa bahay."

"Kumain ka na ba?" tanong uli nito sa kanya ng makapasok na sila sa loob ng bahay nito.

Umiling siya.

Hinila siya nito papunta sa kusina ng bahay nito. Pinaupo siya doon at pinaghain ng pagkain sa mesa.

Mabilis ang kanyang pagkain. Parang ilang araw siyang hindi nakakain. Nakatingin lang sa kanya ang Tita Sidra niya. Nang matapos kumain ay uminom agad siya ng tubig.

"Salamat po Tita," sabi niya.

"Ngayon magkwento ka at napasugod ka dito. May problema ba?" tanong nito sa kanya.

Heart Memories ***Published - under  Lifebooks***Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon