Chapter Seven

571 17 2
                                    

NAGING maayos ang mga sumunod pang mga araw sa buhay nina Apryl at Ivan. Daig pa ang magkasintahan sa sobrang sweet na pinapakita nila sa isa't isa. Napansin ito ng Tita niya. Pero hindi naman ito nagpakita ng disgusto sa pagiging malapit nila ni Ivan. Bagkus mas gusto pa nga raw nito si Ivan kesa kay Alex. Ito na nga raw ang magiging presidente ng fans club ng loveteam nila. Natawa lang siya ng maisip iyon.

Kinagabihan ay naglakad uli sila sa tabing-dagat. Tanging liwanag ng mga bituin sa kalangitan lang ang nagbigay liwanag sa buong paligid. Mula doon sa dalampasigan ay tanaw naman nila ang mga ilaw ng mga mangingisda na animo'y mga alitaptap sa dagat sa dami. Nang marating nila ang paborito nilang spot ng dagat kung saan doon diumano natagpuan si Ivan ay sabay silang naupo.

"Aalis ako bukas. Pupunta ako sa bayan para humingi ng tulong," sabi ni Ivan na nakatanaw sa malawak na karagatan.

"Itutuloy mo ba talaga ang plano mo?" nakakunot-noong tanong niya dito.

"Hindi ko alam. Naguguluhan ako," anang nito na napasubsob sa mga palad nito. "Baka sa gagawin ko bukas, ito ang dahilan para malayo ako sa'yo. Ikaw? Kapag sinabi mong itutuloy ko, tutuloy ako bukas. Kapag pipigilan mo ako, hindi ako tutuloy."

Hindi siya sumagot bagkus ay isinandal niya ang kanyang ulo sa balikat nito at nagkasyang panoorin ang mga ilaw ng mga mangingisda sa dagat. Siya man din ay naguguluhan. Ayaw niyang malayo din ito sa kanya. Pero, ayaw rin niyang ipagkait dito ang pagkakilanlan nito sa tunay nitong pagkatao. Lalo na sa isiping may pamilyang naghihintay dito sa pag-uwi nito.

Katahimikan ang namayani sa kanilang dalawa. Mayamaya ay hinawakan siya nito sa kamay at pinisil iyon.

"Apryl?" untag nito sa kanya.

"Bakit?"

"Paano kong..."

"Paano kong ano?"

"Paano kong darating dito si Alex at papilian ka sa pagitan naming dalawa?"

Hindi agad siya nakasagot. Nagulat siya sa tanong nito. Ni hindi niya naisip ang posibilidad na iyon na mamili siya sa pagitan nina Alex at Ivan. Hindi niya alam ang isasagot sa tanong nito. Dahil sa kasalukuyan ay nalilito sa kanyang damdamin. Simula nang tumuntong siya sa Camiguin ay hindi na nagparamdam sa kanya si Alex.

Biglang umiba ito ng puwesto at umupo sa harap niya. Tinitigan siya nito ng husto sa mata.

Sinalubong niya ang titig nito. Mga titig na nagtatanong pa rin at naghihintay ng kanyang kasagutan.

"Hindi ko alam, Ivan. Nalilito ako," kapagkuwan ay sagot niya sa tanong nito kanina.

"Ibig bang sabihin n'yan, mahal mo rin ako?"

Iniwas niya ang pakipagtitigan dito. Ayaw niyang makita nito ang nag-iinit niyang mukha. "Let's not talk about this."

"I want to hear it, Apryl. Please."

Bumuntong-hininga siya. "Ivan... Hindi ko alam. Nahihirapan ako. Alam mong ikakasal na ako kay Alex. I-enjoy na lang natin ang company ng isa't isa habang magkasama pa tayo dito. And after this, kalimutan natin ang isa't isa na parang hindi tayo magkakilala."

Nakita niyang may gumuhit na pait mula sa anyo nito.

"I know. But, all I want is to hear it from you na may nararamdaman ka rin sa akin. Pagkatapos n'on, wala na akong hihilingin pang ano man sa'yo."

Heart Memories ***Published - under  Lifebooks***Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon