IV

17.2K 721 15
                                    

CHAPTER 4
Still Capable


Sineryoso ni Xander ang sinabi ko at hinayaan nga akong uminom. Bukod sa pinapanood niya 'ko habang nilalagok ang alak siya na rin mismo ang nagsasalin ng laman sa baso hanggang sa makatatlo na 'ko.


Pumikit ako saglit. Pagmulat ko ay buo na ang desisyon kong halughugin ang buong isla para lang makita si Luciel kung kinakailangan. “I'm ready!”


Tiningnan lang ni Xander sina Canary at Stephan na sabay pang tumango bago naglakad papunta sa karamihan ng tao. Kaming dalawa naman ay nagsimula na ring humakbang palabas. Hindi kami pwedeng dumaan sa mismong grand staircase kung saan nakaposisyon ang sampung sundalo ng Bryceton empire. Kailangang makahanap kami ng ibang daan.


Pasimple kaming nagsuot sa gubat na nakapalibot at hinanap ang pinakaliblib na parte ng mansyon. Kahit hanggang dalawang palapag lang ang gusali, hindi masasabi na maliit lang 'yon. Lalo na't napakalaking lupa ang sakop ng kabuuan nito.


Mula sa mayabong na halamang pinagkukublian namin ni Xander ay kitang-kita ko ang limang lalaking nakatayo, may ilang hakbang mula sa isa't isa. May mga armas sila at halatang alertong nagmamasid.


Dinig na dinig ko ang dagundong sa loob ng dibdib ko. Nabubuhay ang kakaibang uri ng kaba na huli kong naramdaman sa loob ng K-High. Ang klase ng kabang pwede kong ikamatay kapag nilamon ako.


Pagkatapos huminga ng malalim ay susugod na sana ako kundi lang hinawakan ni Xander ang kamay ko at muli akong hinila paupo.


“Bakit?” tanong ko na hindi nito sinagot.


Nanatili lang siya sa puwesto na para bang may inaabangan. Lumipas ang ilang segundo, bigla akong nakarinig nang mahinang tunog bago ako nagulat na lang dahil sa biglaang pagtayo at pagtakbo ni Xander papunta sa mga kalaban. “Sugod na!”


Kahit lito sa nangyari, mas pinili kong kumilos at asikasuhin ang mga kalaban bago pa sila makapagpaputok na pwedeng kumuha sa pansin ng iba pang bantay pati na ng mga bisita.


Sinipa ko agad sa sikmura ang unang sundalong nalapitan dahilan para bahagya itong mapayukod sa sakit. Iglap lang ay nagawa kong makatapak sa tuhod nito at makasampa sa kanyang batok bago mahigpit na inipit ang ulo niya gamit ang dalawa kong hita. Sinadya kong ibagsak ang sarili sa damuhan kasabay no'n ay sinigurado kong mababali ang ilong ng kalaban sa lakas nang pagkakahampas niya sa lupa. Wala na 'tong malay nang batuhin ko sa mukha ng hawak na clutch bag ang isa pang sundalong balak siyang saklolohan.


Nakaluhod kong iwinasiwas ang isa kong paa na tumama sa binti ng paparating at nakapagpabagsak dito. Bahala na kung masira man ang dress na suot ko. Tumayo agad ako at pabagsak na pinatama ang siko ko sakto sa sikmura ng nakahandusay kaya napangiwi 'to bago panawan ng ulirat.


Hinihingal akong napabangon nang iabot sa 'kin ni Xander ang kamay niya. Habang tumatayo, sinipat ko ang tatlo pang kalaban na nakabulagta na rin sa lupa.


Ngayon na lang ulit ako nakipaglaban ng ganito. Pinaghalong tuwa at kaba ang nararamdaman ko. Tuwa dahil kaya ko pa rin palang ipagtanggol ang sarili.


Ang lima ay humihinga pa naman. Hindi nga madaling kalimutan ang mga natutunan namin sa K-High pero hindi ibig sabihin no'n ay mabubuhay na kami ayon sa nakasanayan. Wala nang sinuman sa 'min ang may balak pang pumatay.


K-Game (Korosu Game)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon