XIII

12.4K 546 74
                                    

CHAPTER 13
Secret Room

•Auriel•


Matagal naming tinitigan ang letrang 'K' na nasa salamin bago bigla na lang kumilos si Canary at inilapat ang likod ng baraha niya eksakto sa simbolo. Kagaya ng nangyari kay Cerberus ay nagpixilate ang salamin at naglaho.


Kung hindi namin kasama si Canary, siguradong hindi namin nalaman ang gagawin. Eksperto talaga siya sa mga ganitong online game.


Bumungad sa 'min ang isang kwarto, hindi ang daan palabas sa laro. Laglag balikat akong naglakad papasok. Umasa pa kasi ako.


Ito siguro ang secret room na isa sa mga hint.


Mabilis na tumakbo si Canary sa isang shelf na puno ng mga boteng may lamang likido. Tinulungan ko namang makaupo si Stephan sa silyang naroon.


Katatamtaman lang ang laki ng silid na walang ibang laman kundi isang lamesang may ilang upuan at mga istanteng gawa sa salamin kung saan nakalagay ang mga 'di pa tukoy na likido at mga sandata.


“Luciel, ayaw mo bang magtingin-tingin muna?” suhestiyon ko sa katabi na nakatayo lang. Nakita ko kasing nag-iikot ikot na si Xander.


“I'll stay where I am,” matipid niyang sagot na ipinagtaka ko.


“Stephan, inumin mo 'to. Napindot ko na ang 'use'.” Bitbit ni Canary ang isang boteng may pulang likido.


“Ano 'yan dugo? Hindi ako bampira.”


“Sira-ulo! Gawin mo na lang!” Pilit na ipinahawak ni Canary ang boteng wala nang takip kaya hindi na nakatanggi si Stephan.


Nandidiring saglit na pinagmasdan ng lalaki ang nasa kamay. “I used to kill people, but drinking their blood was never my—”


“Ang dami pang satsat.” Kinuha ulit ni Canary ang bote at mabilis na ipinasak sa bibig ni Stephan. “Drink or die!”


Nakita kong umalon ang adams apple ng katabi. Nakapikit pa siya habang hindi maipaliwanag ang itsura na napalitan din naman agad pagkatapos ng ilang segundo.


“Whoa!” Tumayo si Stephan at nagtatalon. “It didn't taste like blood at all.”


“Ano'ng nangyari?” mangha kong tanong nang mapansing wala na ang sugat niya sa balikat.


“Dito tayo.” Nakatayo na si Canary sa tapat ng istante kung saan niya kinuha ang bote. “Ang tawag sa nakikita n'yo ngayon ay potions. Ang ipinainom ko kanina kay Stephan ay tinatawag na healing potion o healing pot.”


Hindi niya na kinailangang ipaliwanag nang buo ang tungkol sa pulang likido dahil sa pangalan pa lang ay malinaw na kung para saan 'yon.


“Sa ngayon, iilang piraso lang na healing pots ang naririto. Pero sigurado akong may iba pang uri ng pots na maaaring nasa iba pang secret room.”


Halos mabitiwan ko dahil sa gulat ang boteng hinawakan nang may lumitaw na tatlong magkakahiwalay na bilog kung saan nakalagay ang mga salitang use, store at details.

K-Game (Korosu Game)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon