III

17.2K 777 14
                                    

CHAPTER 3
Forget Getting Out

•Auriel•


Akala ko ang malaki at nagliliwanag na mansyon sa gilid ng bundok na natanaw ko kanina sa yate ang pinakanakakagulat at pinakanakakamanghang pwede kong makita ngayong gabi, nagkamali pala ako.


Dahil inisip kong guni-guni ko lang ang narinig na ingay galing sa loob ng cabin, para akong nakakita ng multo nang biglang lumitaw mula ro'n at eleganteng naglakad ang isang babaeng may suot na gintong maskara.


“Pucha, sino 'yan?”


Kung hindi ko siguro narinig si Stephan ay iisipin kong delusyon ko lang ang babaeng nakakawit na ang braso kay Xander.


Wala kaming kaalam-alam na kanina pa kami may ibang kasama.


Napawi lang ang pagkatulala ko nang magradyo ang lalaking humihingi ng invitation mula sa 'min. “Kung wala kayong imbitasyon hindi kayo pwedeng umalis na lang basta,” baling na nito pagkatapos i-report sa superyor niya ang nagaganap.


“Ngayon ko lang nalaman na kailangan din pala ng invitation para makaalis sa isang party,” biro ni Stephan na nasundan ng pag-angil ni Canary sa kanya.


Nagraradyo na ulit ang lalaki na napatingin lang nang pumuwesto sa harapan niya ang babaeng may gintong maskara habang akay pa rin ni Xander. “Huling tanong, nasaan ang imbitasyon—” Kitang-kita ko kung paano nanlaki ang mga mata nito nang bahagyang iniangat ng babae ang tumatabing sa kanyang mukha.


Ano kaya ang nasa ilalim no'n na naging sapat para mapipilan ang sundalo ng Bryceton empire? Hindi na rin nito naituloy ang pagbuka ng bibig dahil walang pakialam siyang dinaanan lang ng misteryosang babae.


Tulalang itinaas ni Stephan ang magkabilang braso na kinapitan naman namin ni Canary nang walang sinasabi. Pare-pareho kaming nagugulat na lang sa mga nangyayari.


Pagkababa galing sa yate ay ipinagbukas pa kami ng pinto ng sundalo kanina. Ilang limousine ang sadyang nakaabang para maghatid ng mga bisita sa mansyon.


“VIP's,” bulong nito sa chauffeur na nagmadaling ayusin ang sarili bago pumuwesto sa tapat ng pinto ng sasakyan.


Ni hindi ko narinig magsalita ang babaeng may gintong maskara pero ganito na agad ang epekto ng presensiya niya sa kanila.


Nakayukod lang ang chauffeur hanggang sa komportable na kaming nakaupo sa loob. Wala pa yatang limang segundo ay umandar na ang sasakyan.


Sa loob ay walang sinuman ang umiimik. Palipat-lipat ang matalas na tingin ni Canary kay Xander na nakapikit, pero hindi masabi kung nag-iisip at sa babaeng wala pa rin kaming ideya kung sino, na nakatitig naman sa labas ng bintana. Sa upuang nakaharap sa 'min sila nakapuwesto kaya kahit ako ay nakabantay sa pwede nilang ikilos.


“So Xan, mind telling us who she is?” Si Stephan lang talaga ang may lakas-loob na bumasag sa ganito katensyonadong katahimikan.


Saktong nagtama ang mga mata namin ni Xander nang magmulat siya. Wala sa 'min ang nag-iwas hanggang sa magsalita na siya. “Our one way ticket.”


Halatang hindi satisfied si Canary. Napabuntong-hininga pa nga siya pero mas pinili niya ang manahimik. Kahit ako, gustong malinawan pero mas lamang ang tiwala ko kay Xander kasehodang hindi niya nabanggit noong una pa lang ang tungkol sa one way ticket niya na 'to.


Ibinalik ako ang atensyon sa babaeng hindi natinag sa prenteng pagkakaupo. Para bang wala siyang naririnig kahit siya pa ang laman ng usapan.


Ilang minuto lang ay umiibis na kami mula sa magarang sasakyan at papasok na sa mala-palasyong bahay ng mga Bryceton.


“What party are we attending again?”


“Bryceton empire's founding celebration,” walang anumang sagot ni Xander bago igiya papasok ang babaeng kaagapay niya.


“I'll be dam—” Muntik nang mapasigaw si Stephan na mabuti na lang at naagapan ng kamay ni Canary. Tinakpan nito ang bibig niya. Nagkatinginan pa kaming tatlo bago nakapagsalita ulit ang lalaki. “This isn't a mission anymore, this is just pure suicide.”


Alam kong hindi na niya intensyon ang magpatawa. Tiyak na karamihan ng taong nakikita namin sa loob ay mga big shot ng underground government. Bukod sa kani-kanya nilang mga bodygurad na umaaligid, litaw na litaw rin ang mga sundalo ng Bryceton na pagala-gala.


“Welcome to another extension of hell, ladies.” Naiiling kaming inakay ni Stephan papasok.


Bawat hakbang ko ay napapahigpit ang hawak ko sa bulgari clutch bag na ibinigay sa 'kin ni Xander kanina. May ilang laman 'yon na makakatulong sa 'min mamaya.


Pagkapasok, magarbong bulwagan na nababalutan ng mga gintong dekorasyon ang bumungad sa 'min. Napasipol pa nga ang katabi ko dahil katulad ko ay batid niya na purong ginto at hindi pininturahan lang ang mga haligi.


Punong-puno ng taong nakamaskara at nagtatawanan ang paligid. Idagdag pa ang napakarangyang atmospera. Sa kilos nila hindi mo iisiping kasapi sila ng isang walang sini-sinong sindikato.


Saka lang namin napansin na nawala pala si Stephan sa tabi namin nang nakabalik na siya. “Kailangan natin nito.” Inabutan niya kami ng tig-isang cocktail glass.


“Kailangang kailangan,” giit ni Canary bago namin sabay-sabay na lagukin ang laman ng sari-sariling baso.

“Kulang pa!” reklamo ko.


Sa gagawin kasi namin ngayon, kahit yata makaubos kami nang ilang bote ay hindi sasapat para hindi kami panghinaan ng loob.


Mabilis na hinablot ni Stephan ang boteng nasa tray ng dumaan na waiter at sinalinan ang baso ko. “Nagdala sana ako ng espada kung alam ko lang na ganito.”


“Hindi kaya matagal nang alam ni Xander kung nasaan si Luciel? Hinihintay niya lang ang pagkakataong 'to para madali tayong makapuslit.” Isinatinig ni Canary ang hinala bago inisang lagukan ang kasasalin lang ding alak sa baso niya.


“Pwede niya namang sabihin sa 'tin agad noon para sama-sama tayong nakapagplano. He left us in the dark... so dark, I'm blinded.”


“Baka hindi niya ipinaalam para iwasan ang mga pwede nating maging tanong tungkol sa babaeng kasama niya,” singit ko saktong namataan si Xander na hinahagkan ang kamay ng babaeng may gintong maskara bilang paalam.


Papalapit na sa kinatatayuan namin ang lalaki ay hindi ko pa rin inaalis ang mga mata sa babaeng iniwan niya sa gitna ng mga tao. Bigla na lang din 'tong nawala pagkatapos salubungin ang titig ko ng ilang segundo.


Walang paalam na kinuha ni Xander ang hawak ko at nilagok ang natitirang laman no'n. “Ready?”


Nagpabuga ako ng hangin kasabay ng alanganing tingin sa kanya. “Pwede pa ba akong uminom ng mga tatlong baso?”


K-Game (Korosu Game)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon