HINDI malaman ni Ailyn kung ano ang dapat na maging reaksiyon niya habang naglalakad siya patungo sa opisina ng tiyuhin niya. Biglang tumawag ang matandang lalaki kay Ailyn kanina at pinagre-report siya sa opisina nito. Hindi siya mapakali dahil may nahimigan si Ailyn na kaba sa tinig ng tiyuhin niya nang tawagan siya nito kanina.
Nang marating ni Ailyn ang pinto ng opisina ay huminga muna siya nang malalim bago kumatok. Pipihitin pa lang sana ni Ailyn ang seradura nang maunahan siya ng nasa loob ng opisina. Bumukas ang pinto at naharangan ng isang malaking bulto ang paningin niya. Tumingala si Ailyn at napaatras nang makita kung sino ang nagbukas ng pinto. Ang una niyang naisip gawin ay tumakbo. Pero patalikod pa lang siya ay nahawakan na nito ang isang braso niya.
"You're not going to run away," sabi ng lalaki. May himig ng panganib at tinitimping emosyon ang tinig nito na kahit si Ailyn ay alam na hindi niya dapat bale-walain ang nagsalita. Lalo pa at damang-dama niya ang higpit ng pagkakahawak ng lalaki sa braso niya.
Huminga si Ailyn nang malalim at dahan-dahang lumingon. Ngayong maliwanag na ang paligid at halos ilang hakbang lang ang layo nila sa isa't isa ay mas malinaw na niyang nakikita ang mukha ni Riki Montemayor.
Hindi binigyan ng hustisya ng mga camera ang hitsura ni Riki dahil di-hamak na mas makapigil-hininga ang hitsura nito sa personal kaysa sa telebisyon. Mataas ang cheekbones at maganda ang kurba ng mga panga ng binata. kung aalisin ang balbas na nakapalibot sa baba at mga panga ni Riki ay tila isang maamong kerubin ang binata. Makapal ang mga kilay na ipinares sa kulay kapeng mga mata na may malalantik na pilikmata. Aristokrato ang ilong ni Riki at makurba ang mapupulang mga labi na mas mukha pang malambot kaysa sa mga labi ni Ailyn. Kaya naman pala kahit na gaano kasama ang reputasyon ni Riki ay marami pa ring nababaliw rito.
Umangat ang mga kilay ng binata. "Cat got your tongue? Bakit natatakot ka na ba sa 'kin? You should be because honestly, I'm on the verge of wringing your neck," mapanganib na sabi ni Riki kasabay ng paghigpit ng hawak nito sa braso ni Ailyn na pumukaw sa isip niya.
Umatras siya at pumiglas sa hawak ni Riki pero hindi tuminag ang binata. Matalim niya itong tiningnan. "Bitawan mo nga ako," asik ni Ailyn.
Umangat ang isang sulok ng mga labi ni Riki na tila ba iniinsulto siya nito. "At kung hindi, will you use your martial arts skill against me again? I'm sorry to disappoint you but I just wasn't prepared then kaya nagawa mo 'yon sa 'kin. Pero hindi na ngayon," mayabang na sabi ng binata. Mabilis na hinawakan ni Riki ang isa pang kamay ni Ailyn at marahas na inilagay ang mga kamay niya sa likuran niya.
Napaliyad at napangiwi si Ailyn sa sakit pero agad din iyong napalitan ng kakaibang pakiramdam nang tumama ang katawan niya sa matigas na katawan ni Riki. Hindi pinansin ni Ailyn ang sensasyong noon lamang niya naramdaman sa buong buhay niya. Sinalubong niya ng matalim na tingin ang naniningkit na mga mata ni Riki. Hindi itinago ng binata ang galit nito kay Ailyn. "I won't allow you to manhandle me again. You will pay for the humiliation I'm suffering now, I swear," gigil na sabi ni Riki.
May umusbong na inis sa dibdib ni Ailyn. Hindi siya papayag na takutin ng kung sino, lalo pa at kaya naman niyang makipagsabayan dito. Hindi siya ang tipo ng taong nagpapaapi, lalo na sa isang aroganteng lalaking gaya ni Riki. "Tingnan natin," sabi ni Ailyn. Bago pa maisip ni Riki kung ano ang gagawin niya ay agad na niyang iniangat ang isang tuhod at walang pagdadalawang-isip na pinatama iyon sa pagitan ng mga hita nito. Napahiyaw si Riki sa sakit at nabitiwan si Ailyn. Napaluhod sa sahig ang binata.
Dumistansiya siya rito at mayabang na namaywang. "Kung akala mo kaya mong gawin ang lahat ng gusto mo sa akin, nagkakamali ka. Dahil hindi ako nagpapatalo kahit kanino. Kahit sa 'yo pa," sabi ni Ailyn.
BINABASA MO ANG
THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY: RIKI AND THE BODYGUARD
RomanceDahil sa isang hindi magandang unang pagkikita ay na-involve ng husto si Ailyn sa magulong mundo ni Riki Montemayor, ang basagulerong prinsipe daw ng Sport's world. Labag man sa loob niya ay natagpuan niya ang sariling bodyguard nito. Doon nagsimula...