"Anyway, sa totoo lang sa tingin ko naman ay may pag-asa ka kay Riki. Kaso nga biglang sumulpot ang ex-girlfriend niya kaya nabalik sa babaeng iyon ang lahat ng atensiyon ni Riki. Pero hindi ibig sabihin niyon ay pag-aari pa rin ni Marietta ang buong puso ni Riki," sabi pa ni Winnie.
Umiling si Ailyn. "Hindi mo kasi nakita ang reaksiyon ni Riki nang dumating si Marietta, Winnie."
"Eh, di kung ganoon paano mo maipapaliwanag ang biglang pagbabago ng ugali ni Riki mula nang dumating ka sa buhay niya? Paano mo maipapaliwanag ang paghalik niya sa 'yo? Doesn't that mean anything?"
Hindi nakasagot si Ailyn sa tanong na iyon. Ayaw niyang umasa. Pero lalo pang sumama ang pakiramdam niya nang sagutin ng isip niya ang tanong ni Winnie—malamang wala.
Napaigtad si Ailyn nang tumunog ang cell phone niya. Text message lang iyon kaya hindi naman niya talaga kailangang tingnan agad. Ngunit dahil nais niyang may gawin ay iyon ang ginawa niya. "Galing kay Jeremy," ani Ailyn nang makita ang pangalan ng manager ni Riki sa screen ng cell phone niya. Binasa niya ang text messege at napakunot-noo siya sa nabasa roon. "Pupunta raw si Jeremy dito ngayon dahil may kailangan daw kaming pag-usapan. Ano naman kaya iyon?" Tumayo si Ailyn. "Sige, Winnie, babalik na ako sa apartment ko. Tiyak mayamaya lang nandito na si Jeremy," paalam niya sa kaibigan.
"Bakit hindi na lang kayo dito mag-usap?" suhestiyon ni Winnie.
Napatingin si Ailyn sa babae. Mukhang kaswal lang ang ekspresyon sa mukha ni Winnie pero kilalang-kilala niya ang kaibigan niya para hindi maghinala sa motibo nito. "Gusto mo na namang makiusyoso para may maisulat ka, 'no?"
Pamisteryosong ngumiti si Winnie. "Isa iyan sa mga rason."
Tumaas ang isang kilay ni Ailyn. "At ano naman ang iba pang rason?"
Lumawak ang ngiti ni Winnie. "Ang pinakamatinding rason ay dahil kay Jeremy," prangkang sagot nito.
Napamaang siya. "Si Jeremy?"
Tumango si Winnie. "Because I think I'm in love with him."
Tuluyan na siyang napanganga. "Ha? Kailan pa?" hindi makapaniwalang tanong ni Ailyn. Ang kaibigan niyang ubod nang weird at si Jeremy na ubod nang seryoso? Hindi niya maisip na magkakasundo ang dalawa. Kailan pa nagkaroon ng pagkakataong maging malapit ang mga ito para ma-in love si Winnie kay Jeremy?
"Noong nagpunta siya sa apartment mo para sunduin si Riki. Habang nasa loob kayo ni Riki ng kuwarto mo, nagkaroon ako ng pagkakataon na matitigan at makausap si Jeremy. At kahit pulos tango at isang pangungusap lang palagi ang sagot niya sa mga tanong ko, na-realize ko na gusto ko siya. At habang lumilipas ang mga araw ay hindi siya nawawala sa isip ko. Kaya nasisiguro ko sa 'yo na in love ako sa kanya," ngingisi-ngising paliwanag ni Winnie.
Hindi pa rin inalis ni Ailyn ang pagkakatingin sa babae. "N-nang ganoong kabilis? Sigurado ka?"
"Oo naman. Sa tingin ko ganoon din ang nangyari sa 'yo. The difference is that I acknowledged my feelings easily. Hindi gaya mo na itinanim na sa isip na hindi ka puwedeng ma-in love kay Riki dahil sa maraming dahilan," sabi pa ni Winnie.
Wala nang naisagot pa si Ailyn dahil sa totoo lang, may punto si Winnie. Sa huli ay napabuga na lamang siya ng hangin at sumalampak uli sa sofa. "Ano'ng balak mong gawin?" tanong niya sa kaibigan niya.
Ngumisi si Winnie. "Ipaparamdam ko kay Jeremy na interesado ako sa kanya at sa pagkakataong hindi niya inaasahan sasabihin ko sa kanya ang nararamdaman ko. Surprise attack!" masiglang sabi ng babae.
Natawa si Ailyn. Kung sana lang ay kagaya siya ni Winnie na malakas ang loob. Pero may mababago ba kung sakali? Malamang wala dahil kahit siguro sabihin niya kay Riki na mahal niya ito ay si Marietta pa rin ang pipiliin ng binata. Kaya sapat na kay Ailyn ang kung ano mang koneksiyong mayroon siya kay Riki. Mas mabuti na iyon kaysa bigla na lang sabihin ng binata sa kanya na ayaw na siya nitong makita oras na aminin ni Ailyn ang damdamin niya. Hindi pa niya kayang tuluyang malayo kay Riki.
HINDI alam ni Ailyn kung matatawa o maaawa siya kay Jeremy nang umupo ang lalaki sa couch sa sala ni Winnie. Katabi ni Jeremy ang kaibigan niya at halatang naiilang ito sa mga titig ng huli. Nakailang tikhim na rin ang lalaki at bahagya pa nitong niluwagan ang kurbata nito.
"Ano ba ang pag-uusapan natin, Jeremy?" tanong ni Ailyn.
Tumingin sa kanya si Jeremy at bahagyang tumikhim. "Well, this is something really private so I don't think it is appropriate to talk about it here."
"Naku, okay lang sa akin na dito kayo mag-usap, Jeremy. Magaling akong magtago ng sekreto at saka malay mo baka makatulong pa ako sa inyo," hirit ni Winnie.
Kinagat ni Ailyn ang ibabang labi para pigilang mapangiti. "Oo nga naman, Jeremy. Natulungan na niya tayo dati noong tungkol kay Helena, natatandaan mo? Makakatulong din siya sa atin ngayon."
Ilang sandaling tila nagdalawang-isip si Jeremy bago sa wakas ay tumango. Binuksan ng lalaki ang attache case na dala nito at may inilabas doong mga papel na inilagay nito sa center table sa harap nila. Agad na nakilala ni Ailyn ang mga iyon—ang mga larawan ni Riki na nanggaling sa anonymous letter sender at may mga nakakatakot na sulat sa likod. "Kailangan nating malaman kung sino ang nagpapadala ng mga ito. Riki is starting to be bothered by this," sabi ni Jeremy.
Alam ni Ailyn kung bakit. Dahil nag-aalala si Riki para kay Marietta. Pilit niyang pinalis ang bigat sa dibdib niya at itinutok ang buong atensiyon sa mga larawan. "Dapat malaman natin kung sino-sino ang mga posibleng gumagawa nito. Ano ba ang pagkakapareho ng mga ito?" tanong ni Ailyn.
Ilang segundong katahimikan ang nagdaan bago nagsalita si Winnie. "I know." Napatingin sila ni Jeremy sa babae. Si Winnie naman ay nakatingin pa rin sa mga larawan. "Lahat ng mga larawan na 'yan ay kuha na may kasamang babae si Riki. At lahat ng mga larawang 'yan ay lumabas sa balita at Internet. Ibig sabihin, malaki ang posibilidad na ang motibo ng nagpapadala nito ay selos. So the sender is definitely a female. Hindi rin natin masasabing sinusundan niya palagi si Riki dahil ang mga larawan na 'yan ay madali namang makuha sa Internet. Maybe she's an obsessive fan or something," paliwanag ni Winnie.
"Obsessive na babae na alam ang address ni Riki," sabi naman ni Ailyn.
"Alam naman ng halos lahat kung saan siya nakatira," ani Winnie.
"Ang building lang kung saan nakatira si Riki ang alam ng karamihan. Hindi kung saan mismong floor o room sa loob ng building. The letters are always found in his mailbox. Nakausap ko na ang courier ng building ni Riki at palagi naman nilang sinasabi na kapag nag-aakyat sila ng sulat sa pad ni Riki ay wala naman daw kasamang sulat na gaya ng mga ito. Madalas ay pulos bills lang ang sulat na iniaakyat nila. Mahigpit din sa building na iyon kaya ang mga nakakapasok lang sa floor ni Riki ay ang mga gaya niyang nakatira doon, mga kasambahay, at iba pang nasa listahan sa reception," paliwanag naman ni Jeremy.
"So, ang suspek ay babae na obsess kay Riki at alam kung saan siya eksaktong nakatira. Probably one of the people who have access to his floor. Ibig sabihin malaki ang posibilidad na nakakasalamuha ni Riki ang nagpapadala ng mga ito. Puwedeng hindi niya kilala pero baka nakakasalubong niya o nakakasabay sa elevator," pag-aanalisa uli ni Winnie.
"Okay. Babalik ako sa building at hihingin ko ang listahan ng mga taong may access sa floor na 'yon. At least, alam nating babae ang nagpapadala nito. This is it for now," sabi ni Jeremy na sinimulang ibalik sa attache case nito ang mga larawan, pagkatapos ay tumayo na ang lalaki.
"Aalis ka na?" tanong ni Winnie rito na tumayo na rin.
"Yes. I have so much to do," sagot ni Jeremy. Tumingin kay Ailyn ang lalaki. "Oo nga pala. Kailangan ka ni Riki bukas nang umaga. Ang sabi ni Riki ay nagyayaya si Marietta na maglaro ng tennis. Sasama ka sa kanila sa tennis club kung saan miyembro si Riki. Hangga't hindi pa natin nakikita ang nagpapadala ng mga sulat na ito ay mananatili ka pa ring bodyguard niya."
Napatitig si Ailyn kay Jeremy. "Ibig mong sabihin kapag nahuli na natin ang may gawa ng mga iyon ay tapos na rin ang tungkulin ko bilang bodyguard niya?" tanong niya.
Marahan tumango si Jeremy. Tila iyon suntok sa sikmura ni Ailyn ngunit itinago niya ang reaksiyong iyon sa isang malakas na buntong-hininga at ngiti. "Mabuti naman kung ganoon."
Ilang segundong tiningnan lang siya ni Jeremy bago tumango. "I have to go now."
"Ihahatid na kita hanggang sa pintuan, Jeremy," ani Winnie na kumapit pa sa braso ng binata at inakay ito palabas. Nang mawala ang dalawa sa paningin ni Ailyn ay mabilis na nawala ang ngiti niya at mahinang bumuntong-hininga. Malapit na talagang matapos ang mga araw na nakikita niya si Riki. Kaunti na lang at babalik na sila sa kani-kanilang mundo. Makakalimutan na siya ng binata.
BINABASA MO ANG
THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY: RIKI AND THE BODYGUARD
RomanceDahil sa isang hindi magandang unang pagkikita ay na-involve ng husto si Ailyn sa magulong mundo ni Riki Montemayor, ang basagulerong prinsipe daw ng Sport's world. Labag man sa loob niya ay natagpuan niya ang sariling bodyguard nito. Doon nagsimula...