Chapter Nine

3.6K 149 5
                                    

NAKAPALUMBABA si Crayon habang nakikinig sa klase. Sa totoo lang, wala pa sa leksiyon ang diwa niya. Bukod kasi sa inaantok siya dahil ala-siete pa lang ng umaga no'n ay hindi rin mawala sa isip niya ang nangyari matapos umalis nina Logan at Donna sa rooftop ng gabi ng Kite and Lantern Festival ng Empire U.

Nanigas ang buo niyang katawan nang ma-realize niyang hanggang ngayon ay nakayakap pa rin si Riley sa kanya mula sa likuran. Pumihit siya paharap dito saka ito binigyan ng malakas na sampal sa pisngi.

"Bastos!"

Awtomatikong dumako ang kamay ni Riley sa namumula na nitong pisngi. "You're welcome, Crayon," sarkastikong sabi nito.

Hindi niya maiwasang makonsensiya. Aminin man niya o hindi, malaki talaga ang naitulong sa kanya ni Riley ng gabing iyon. Nailigtas nito ang pride niya na unti-unting inaapakan no'n ni Paige, at naikubli pa niya ang sakit na nararamdaman niya mula kay Logan.

Pero hindi pa rin siya makapaniwalang hinayaan niya ang sarili niyang mapalapit ng gano'n sa binata. She even let him hug her!

Niyukyok niya ang ulo niya sa mesa. "Nakakahiya ka, Crayon," bulong niya sa sarili.

Naputol lang ang pagkondena niya sa sarili niya nang marinig niya ang malakas na katok sa pinto ng classroom nila at ang impit na tilian ng mga kaklase niyang babae.

Narinig niyang tumikhim ng malakas ang professor nila. "Anong kailangan mo sa klase ko, Mr. Domingo?"

Mr. Domingo?

Nag-angat siya ng tingin. Napasinghap siya nang makitang nakatayo si Riley sa pinto na may dalang naka-Styrofoam na kape at paperbag. Sa amoy pa lamang niyon ay alam na niyang muffins ang nasa loob ng paperbag.

"Pasensiya na Sir," paumanhin ni Riley sa professor niya pero sa kanya ito nakatingin. "Nagpunta lang ho ako rito para dalhan ng almusal si Ms. Crayon Anne Pacia."

"Almusal? Sa kalagitnaan ng klase ko?" hindi makapaniwalang tanong ni Mr. Salves.

"Sir, look at your students. Mag-a-ala siete pa lang ng umaga ay nandito na sila. Nasa batas ng Empire na kapag tatlong oras ang klase, kailangan niyong bigyan ng thirty-minute break ang mga estudyante," katwiran ni Riley.

Mr. Salves huffed. "Okay, class. I'm giving you a thirty-minute break. I'll be back," bilin nito bago lumabas ng silid.

Naghiyawan ang mga kaklase niya sa tuwa. Lumapit naman si Riley sa mesa niya, inilapag ang kape at muffins sa harap niya, saka walang habas na umupo sa bakanteng silya sa tapat niya.

Kumunot ang noo niya. "Riley! Anong ginagawa mo?"

Nagkibit-balikat ito. "Nakita kita pagdating mo ng school kanina. You obviously look sleepy, at mukhang hindi ka pa kumakain kaya dinalhan kita ng almusal."

"Hindi mo kailangang gawi –"

"Magsisimula na ang klase ko," sansala nito sa sinasabi niya habang nakatingin sa relong-pambisig nito. Pagkatapos ay sa kanya naman ito tumingin. "Ubusin mo ang lahat ng binili ko para sa'yo. Babalik ako mamaya."

Tumayo si Riley at masuyong pinisil ang pisngi niya bago ito lumabas ng classroom. Wala na siyang nagawa kundi ang sundan ito ng tingin habang inuulan naman siya ng tanong ng mga kaklase niya kung nililigawan ba siya talaga ni Riley.

"Of course not!" singhal niya sa mga kaklase niya na lalo lang siyang tinukso.

Pinatunayan ni Riley na talagang may balak itong pasakitin ang ulo niya dahil nang tanghali ng araw din na iyon, habang nag-i-interview siya ng players sa tennis court para sa article niya, ay bigla na lang siyang nakarinig ng tilian ng mga babae sa paligid niya. Kinalabit siya ng isang dalagita sa tabi niya at may kung sinong tinuro sa second floor ng College of Fine Arts building.

A Rocker May Get Tongue-tied (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon