chapter 1

1.9K 27 0
                                    


MADILIM na ang paligid at mukhang uulan pa. Papalakas na ang hangin na ramdam ang dalang ulan. Maya maya pa, kumidlat. Ang talim at ang kasunod na kulog, dumadagundong. Napangiwi si Stephanie. Nangingilabot na siya.

"Uhh, guys, should we really be doing this?" tanong niya sa mga kasama.

"Sabi mo gusto mong makakita ng tutoong multo, di ba? Tapos ngayon takot ka naman pala." Si Millie ang sumagot. Leader ito ng isang org sa school nila na ang mission vision ay ang makipagtsikahan daw sa mga multo. Spirit questors, that what the group call themselves. Interesado sanang sumali si Steph. Hilig kasi niya ang mga ganoong bagay. Pero ayaw siyang tanggapin. Iyong may mga special talent lang daw ang puwedeng maging member. Ang talent na iyon, ang pagkakaroon ng third eye.

Walang ganoon si Steph at wala rin namang ganoong ipinagbibili kaya sorry na lang siya. Interesado lang siya sa mga multo, kapre, tikbalang at kung ano-ano pang may kuneksiyon sa kadiliman pero ang kakayahang makipag-usap sa naturang mga nilalang, kahit nga ang ma-sense lang ang mga ito, wala siya. May isa pa siyang wala. Ang kakayahang maging cool. Iyong grupo ng spirit questors, pawang miyembro ng in crowd sa school nila. Ang lider, si Millie, ang pinaka-maganda sa mga ito. Sabi nga ng kaibigan ni Steph na si Betsy, kuning-kuning nga lang daw ang ipinapakitang interes ng grupo nina Millie sa multo. Pa-mysterious effect lang daw ang mga ito para ma-intrigue at ma-attract ang mga boys.

Hindi siya pinapansin nina Millie kaya laking gulat niya nang kanina, habang nakaupo siya sa lilim ng nag-iisang punong balete sa campus at nagbabasa online ng tungkol sa bagong listahan ng scariest places on earth ay may tumapik sa balikat niya. Si Sally, best friend at dakilang alalay ni Millie. VP ito ng grupong mahilig mangulit ng mga kaluluwang ligaw at isa sa numero unong umi-isnab-isnab sa kanya.

"Pupunta kami mamaya sa Educ building." Kung magsalita si Sally ay parang ibinibigay nito ang petsa ng pagdating ng four horsemen of the Apocalypse. Itim na mantilya na lang ang kulang at mapagkakamalan na itong sugo ng kadiliman.

"Educ building?" Na-excite agad siya, at kinilabutan din. Alam nilang lahat ang reputasyon ng gusaling iyon. Pugad ng mga kaluluwang ligaw. Ang dami ng kuwento tungkol sa Educ building. Kung tutoo o urban legends lang ang mga ito, mahirap masabi. Iyong iba kasing nagkukuwento, hindi naman kagaya nina Millie na pabebe o kaya ay papampam.

Isa na si Manong Guard na kabiruan nina Steph. Madalas itong magkuwento ng tungkol sa babaeng nakaputi na nakikita raw nitong naglalakad sa hallway sa dis oras ng gabi. Minsan daw nitong sinubukang sundan iyon dahil duda raw nito ay estudyante lang itong kulang ng thrill sa buhay pero sa matinding panghihilakbot nito, sa dulo ng pasilyo ay bigla itong nawala. As in right before Manong Guard's eyes.

"Mamayang seven kami pupunta. Be there if you really want to be a member of the group." Pagkasabi niyon ay mabilis ng umalis si Sally.

Papatulan ba niya? Sandaling napaisip si Steph. Ano ba ang mawawala sa kanya kung sasama siya. Nagyaya siya ng mga friends pero lahat ng mga ito, may curfew. Kapag hindi nakauwi bago sumapit ang alas otso ay sermon daw ang tiyak na aabutin.

Sige, kahit mag-isa na lang siya. Nandoon naman sina Sally.

Now, the witching hour has arrived. Nakikiayon pa ang panahon. Nagbabadya ang ulan na may kasamang kulog at kidlat. Ang lakas maka-horror. Wala na halos tao sa campus kapag ganoong oras. Kung mayroon man, nandoon ang mga iyon sa Law building. Iyong mga nagma-masters naman, nasa kani-kanyang mga classrooms na.

"O, ano Steph, tayo na?" yaya ng nakangiting si Millie. "I know you love these kind of things."

"Ah, eh..." Medyo nagda-dalawang isip siya. Kaya ba niya? Paano kung himatayin siya?

Love in a Game by Kayla Caliente (published) (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon