Kabanata I: Welcome Home

296 10 2
                                    

Nineteen years old ako nang maglayas ako sa bahay ng kapatid kong si Ate Maricris. Sobrang badtrip ako sa kanya noon. Talak dito, talak doon. Nakaka-badtrip talaga. Lagi niya naman akong tinatanong kung bakit ako nagkakagano'n ngunit nanatiling tikom ang bibig ko. Ayokong sabihin sa kanya ang dahilan kung bakit inis na inis ako sa kanya. Naisip ko noon na siguro maglalayas na lamang ako para hindi na ako mainis sa tuwing makikita ko siya.

"Dito lang po kuya," sambit ko. Tumigil ang sinasakyan kong tricycle sa tapat ng pulang gate. Mahigpit akong napahawak sa itim na strap ng backpack ko. Medyo kinakabahan din ako. Kinuha ko na rin ang dala kong gitara at nag-aabot ng pamasahe sabay labas ng tricycle.

Sa wakas, tatlong taon din ang lumipas, heto ako at nakatayong muli sa tapat ng pulang gate. Hindi pa rin nagbabago ang bahay ni Ate Maricris gano'n pa rin ang hitsura nito simula noong maglayas ako.
Ngunit napapaisip din ako kung kamusta na ba siya ngayon.

Tatlong taon ko rin siyang hindi nakasama. Sa mga mahahalagang okasyon: birthday, pasko, at new year. Wala ako sa tabi ni Ate Maricris para ipagdiwang namin ang mga iyon.

Nagdadalawang-isip ako kung kakatok ba ako. Iniisip ko kasi kung ano ang magiging reaksyon ni Ate Maricris kapag makita niya ang pagmumukha ko. Siguro magtatatalak na naman ito katulad ng dati. Sermon yata ang aabutin ko ngayon. Ang lakas ng loob kong maglayas noon tapos babalik-balik ako dito makalipas ang tatlong taon. Masyado na yatang makapal ang mukha ko para humarap pang muli sa kapatid ko.

Nabalik ako sa realidad ng biglang bumukas ang gate. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko si Ate Maricris. Muntik ko nang mabitawan ang hawak-hawak kong gitara dahil sa kaba.

"Tata?" mahinang usal ni Ate Maricris sa pangalan ko. Parang gulat na gulat ito nang makita niya ako. Siguro magugulat nga ito dahil nagpakita na ako sa kanya sa loob ng tatlong taon nandito ulit ako.

Walang salitang lumabas mula sa bibig ko. Nakatitig pa rin ako sa kapatid ko at naghihintay sa susunod niyang gagawin sa akin. Inaabangan ko ang pagsampal niya sa akin. Tama, sampal nga. Alam kong bagay lang sa akin na sampalin ako ni Ate Maricris. Sabi pa nga siya sa akin noon lumalaki na raw ang ulo ko. Mukhang nakakalimutan ko na yata na ako ang black sheep sa pamilya namin.

Akala ko sasampalin ako ni Ate Maricris ngunit mali pala ang inaakala ko. Nabigla ako sa kanyang ginawa. Niyakap niya ako nang mahigpit. Mahigpit na mahigpit. Isang yakap ng pangungulila ng ilang taon. Iyon ang naramdaman ko nang yakapin ako ni Ate Maricris.

"Kamusta ka na Tata? Na-miss kita." Parang naiiyak na wika nito. Gumuhit ang ngiti sa labi ko. Kahit siguro pagbalik-balikatarin ko pa ang mundo mananatili pa ring mabait ang kapatid ko kahit naging pasaway ako sa kanya.

"Okay lang naman ako, Ate. Na-miss din kita," sinserong sabi ko at kaagad ko naman siyang niyakap pabalik.

"Maligayang pagbabalik kapatid ko." Sambit pa nito. Niyakap niya ulit ako nang mahigpit at hinaplos-haplos nito ang buhok kong lampas balikat ang haba.

Inanyayahan niya akong pumasok kami sa loob ng bahay. Ang gaan lang sa pakiramdam na kahit nagloko ako ay tinanggap pa rin ako ng kapatid ko.

Makalipas ang tatlong taon ay makakapasok na ulit ako sa bahay na ito kung saan naging sakit sa ulo ako ni Ate Maricris. Hindi ko nga alam kung bakit magkaiba ang ugali namin. Siya ay santa habang ako naman ay santa-santita. Black sheep nga ako, hindi nga ako nagkakamali.

"Oh, heto ang susi ng kwarto mo. Hindi ako pumasok diyan simula no'ng maglayas ka," natatawang sabi nito sabay abot ng susi. "Siguro maalikabok na ang kwarto mo."

Tinanggap ko naman ang susi at inikot-ikot ko ito sa aking daliri. "Ayos lang, Ate. Ako na ang bahala."

"Sige," simpleng wika nito. "Ipaghahanda muna kita nang makakain."

Tumango ako at naglakad na ito palayo sa akin. Ibinalik ko ang atensyon ko sa pintuan ng kwarto ko. Hanggang ngayon ay nakadikit pa rin dito ang mga stickers ko na danger, keep out, dead end, ang buong pangalan ko na Maria Krisanta Baltazar, at kung ano-ano pang mga kalokohan na pinaglalalagay ko.

Tama nga siguro ang sabi sa akin ni Ate Maricris noon. Isip bata nga ako kaya pasaway ako.

Nang mabuksan ko na ang pintuan ay tumambad sa akin ang iilang mga damit ko na nagkalat sa ibabaw ng higaan. Oo nga pala't nag-drama muna ako noon habang inilalagay ko sa loob ng bag ko ang iilang mga damit ko. Maayos pa rin naman ang iilang mga gamit ko sa loob, ang kaso lang ay maalikabok na talaga. Mukhang maglilinis ako mamaya matapos akong kumain.

Inilibot ko pa ang paningin ko sa loob. Hindi nga pumasok si Ate Maricris ng kwarto ko. Hindi kasi nagalaw ang mga posters na nakadikit sa dingding. Ayaw na ayaw niya kasi sa mga posters ko kaya gusto niyang ipatanggal ito sa akin. Wala naman siyang magagawa dahil iniidolo ko ang mga bandang iyon na nasa posters ko. Mga bandang Nirvana, Korn, Linkin Park, Disturbed, Flyleaf at marami pang iba.

Napahikab na lamang ako. Naging mahaba rin ang byahe ko papunta rito. Pagod lang siguro ako dahil sa byahe. Nagpasya akong humiga at kunin ang aking gitara. Sa mga ganitong oras masarap mag-senti. Masarap kalimutan muna ang iilang mga bagay na tumatakbo sa aking isipan.

Magsisimula na sana akong tumugtog ng gitara nang biglang may kumatok sa pintuan. Nginitian ako ni Ate Maricris kaya bumangon ako mula sa pagkakahiga.

"Tata, nakahanda na ang pagkain mo. Halika na." Sabi nito sa akin at inilapag ko na sa higaan ang aking gitara.

Nang papunta na ako sa kusina nadaanan ko ang mga wall frame na nakasabit sa dingding. Napatingala ako doon para tignan ang mga larawan. May larawan pa rin ako doon. Isang patunay na kahit bwisit na bwisit na sa akin si Ate Maricris ay mahal na mahal niya pa rin ako. Ngunit may isang larawan do'n na nagpabalik sa akin ng milyong alaala.

"Oh, may naalala ka sa mga pictures natin diyan?" masayang tanong sa akin ni Ate Maricris.

"Kinasal ka na pala." Wala sa sariling sabi ko habang nakatingin sa wedding picture nila Ate Maricris at ng asawa niya.

Naramdaman ko ang pag-akbay ni Ate Maricris sa akin at ipinakita nito ang suot niyang wedding ring.

"Akala ko nakita mo na kanina ang wedding ring ko," natatawang wika nito. "Oo, kinasal na ako Tata. Pasensya ka na kung ngayon ko lang naipaalam sa'yo."

Huminga ako ng malalim habang nakatingin pa rin sa wedding ring na nasa daliri niya.

"Ayos lang, Ate. Naglayas kasi ako. Kasalanan ko 'yon." Mahinang sambit ko.

Dahan-dahan kong tinanggal ang pagkaka-akbay ng braso niya sa akin. "Kain na ako, Ate."

Bumuntong hininga ako at nagsimulang maglakad patungong kusina. Akala ko nakalimot na ako ngunit hindi pa pala. Sana... sana hindi na ako nagpasya pang bumalik dito.

PangalawaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon