Pagsapit ng lunes ay ako na lamang ang naiwang mag-isa sa bahay dahil nasa trabaho ang dalawa. Wala ang mag-asawa kaya magagawa ko kung ano ang mga bagay na gusto kong gawin. Nakakatamad naman kasi kung tumunganga lang ako rito buong maghapon.
Pumasok ako ng kwarto upang kunin ang electric guitar ko. Magwawala ako kung magwawala. Maglalabas lang ako ng mga nakakabaliw na emosyon na pinipilit kong kalimutan simula pa kahapon.
Hindi ko pa rin makalimutan ang mga tingin ni Kuya Jude sa akin kahit saglit lang. Ang pagsuyo niya at ang pagngiti niya sa akin na nagpapatibok naman ng husto sa puso ko. Ang saglit ko lamang na mahawakan ang kamay niya sa loob ng simbahan. Ang mangarap na sana ako na lang... ako na lang ang minahal niya.
Sino naman ba kasi ang hindi mababaliw sa mga pinaggagagawa niya sa akin kahapon? Kung para kay Kuya Jude ay walang kahulugan 'yon sa kanya pwes, para sa akin ay bibigyan ko na 'yon ng kahulugan.
Natigil na lang ang saglit na pagmumuni-muni ko nang tumunog ang cellphone ko. May tumatawag. Tinignan ko kaagad ang caller ID at tumambad dito ang pangalan ni Kuya Jude.
Nanginginig ang kamay kong sinagot ang tawag nito. Totoo ba 'to? Tumatawag talaga si Kuya Jude?
"Hello, Krisanta?"
Napalunok ako ng laway nang marinig ko ang malalim niyang boses na musika sa aking pandinig.
"H-Hello, kuya." Sagot ko naman. Narinig ko naman ang pagbungisngis niya sa kabilang linya kaya gumuhit ang ngiti sa labi ko.
Walang hiya. Kinikilig ako. Sabi ko sa aking isipan.
"May ginagawa ka ba?" tanong niya sa akin.
Nahampas ko ng malakas ang unan na nasa tabi ko. Mahabaging langit. Masyado niya akong pinapakilig.
"Ah, w-wala... naman." Nagkandautal-utal na ako sa pagsagot. Napalunok ulit ako ng laway. Napaisip ulit ako kung saan patungo ang usapan naming ito.
"Ah, Krisanta," sambit nito sa pangalan ko. "Makikisuyo sana ako."
Nagdiwang ang puso ko. Tungkol saan?
"Ano 'yon, kuya?" mahinang tanong ko sa kanya. Pinipigilan ang sarili na baka maghihiyaw na ako sa tuwa.
"Nakalimutan ko kasi ang baon ko sa may kusina. Uhm, pwede mo bang dalhin dito sa opisina?" wika nito.
Napatayo ako mula sa pagkakaupo. "Sige, kuya. Dadalhin ko kaagad diyan. Magmamadali ako baka nagugutom ka na." Madaliang sagot ko sa kanya.
Nabigla ako sa inasal ko. Napansin ba ni Kuya Jude na mukhang ang saya-saya ko?
Biglang natahimik si Kuya Jude sa kabilang linya pati na rin ako ay natahimik.
Napatakip na lamang ako ng bibig. Gaga ka talaga Tata, sambit ko sa sarili. Maya-maya pa ay narinig ko ang mahinang pagtawa ni Kuya Jude sa kabilang linya.
"Para kang bata," natatawang wika niya.
Lihim na rin akong tumawa at simpleng pinitik ko ang sariling noo.
"Alam mo naman siguro kung saan ako nagtra-trabaho 'di ba?" tanong ulit nito sa akin.
"O-Oo," nauutal ko pa ring sagot habang tumatango.
"Okay," sabi nito, "hintayin kita, Krisanta."
At, pinatay na niya ang tawag habang ako ay natutulala pa rin habang nakatitig sa cellphone ko. Kinapa ko ang aking dibdib. Ganito ba talaga kalakas ang tibok ng puso ko?
Suot ang isang simpleng white t-shirt na may print na Imagination, maong pants, at itim na sneakers. Nalula ako sa taas ng building kung saan nagtra-trabaho si Kuya Jude bilang isang manager ng kompanya. Ilang taon na rin ang lumipas simula noong una akong tumungtong sa lugar na ito. Patay na patay talaga ako kay Kuya Jude noong magsimula na akong magkolehiyo. Kaya noong maka-graduate na siya at magkatrabaho panay pa rin ang pag-iimbestiga ko tungkol sa mga pangyayari sa kanyang buhay.
Dala-dala ang lunch box ni Kuya Jude na binalot ko pa ng pink na tela ay pumasok na ako sa loob ng building. Panay ang masid ko sa paligid. Namamangha ako sa mga nakikita ko. Parang masisilaw ako sa mga taong nakakasabay ko rito sa loob. Pakiramdam ko ay hindi ako nababagay sa lugar na ito. Mga propesyonal ang naririto, may mga narating na sa buhay habang ako... wala pa. Nananatili pa ring nakatapak ang mga paa sa lupa.
Paano kaya kung tinapos ko na lamang ang pag-aaral ko at hindi ako naglayas? May narating na rin ba ako ngayon katulad ni Ate Maricris?
Hindi. Napailing-iling ako. Tinigil ko ang pag-iisip ng kung ano-ano. Mahal ko ang musika. Dadalhin ako ng musika sa mga lugar na gusto kong puntahan.
"G-Good morning po, Ma'am." Bati ko sa isang babae na nakasabay ko sa elevator. Bakit ba kasi nakalimutan kong itanong kay Kuya Jude kung nasaan ang opisina niya?
Nginitian naman ako ng babae. "Good morning 'din."
Simple akong bumuntong hininga at nginitian ko siya pabalik. "Pwede po bang magtanong? Kilala niyo po ba si Jude Sebastian Creer?" nahihiyang tanong ko sa kanya.
"Ah, oo, kilala ko siya," nakangiting sagot niya. "Manager siya rito sa kompanya."
Pilit pa rin akong ngumiti at tumango-tango. "Eh, ano Ma'am, pwede po bang malaman kung nasaan ang opisina niya?" tanong ko ulit.
Bumaba ang tingin niya sa dala kong lunch box. "Asawa ka ba ni Sir Jude? Samahan ko na lang kayo, Ma'am." Sabi nito.
Napahigpit ang hawak ko sa dala kong lunch box. Tama ba ang dinig ko? Napagkamalan niya akong asawa ni Kuya Jude?
Kinapa ko na naman ang dibdib ko. Kalma ka lang Tata. Kalma ka lang.
"Ako nga pala si Mindy." Pagpapakilala niya sa akin sabay abot ng kamay niya.
Tinanggap ko naman ito. "Ako naman si Krisanta."
"Nice to meet you, Krisanta," nakangiting wika nito.
Binitiwan na niya ang kamay ko pagkatapos naming magpakilala sa isa't isa. Kinagat-kagat ko na lamang ang labi ko. Nasa 5th floor na kami ng gusali. Hanggang saang floor pa ba ito patungo?
"Ilang taon ka na, Krisanta? Mukha kasing ang bata mo pa." Humahagikhik na wika nito. "Pasensya ka na kung matanong ako."
Tumawa naman ako. "Hindi. Ayos lang, Mindy. Twenty-two pa lang ako."
"Wow. Ang bata pa pala ng asawa ni Sir Jude." Manghang sambit nito at humagikhik na naman. "Lunch ba 'yan ni Sir Jude? Ano ang ulam niya?" usisa nito.
Natawa na naman ako ngunit parang may nagsasabi sa akin na bakit hindi ko sinasabi ang totoo na hindi ako asawa ni Kuya Jude.
"M-Menudo... yata?" kabadong sagot ko. Eh, hindi naman ako ang naghanda ng lunch box na ito kundi si Ate Maricris... ang totoo niyang asawa.
"Yata?" takang tanong ni Mindy. "Bakit yata? Hindi ka ba sigurado?"
Humalakhak na lamang ako upang hindi mahalata na nagsisinungaling ako. "Joke lang 'yon, Mindy. Menudo ang ulam niya ngayon."
Sana nga menudo, sabi ko sa isipan.
Ting!
Bumukas na ang elevator. Sabay kaming lumabas ni Minday at hinatid niya ako sa opisina ni Kuya Jude.
"Oh, Krisanta, hanggang dito na lang. Sana pumunta ka pa ulit dito." Masayang wika nito. "Bisita ka ulit sa mga susunod na araw, ha? Nag-enjoy akong kausap ka."
Ngumiti na lamang ako. Hindi na yata kasi ako makakabalik dito. Last na yata ito.
"Sige ba," sambit ko at kaagad nang umalis si Mindy.
Kasalukuyan akong nakaharap sa pintuan ng opisina ni Kuya Jude. Kumatok ako ng pinto habang mahigpit ang pagkakahawak ko sa lunch box na dala ko.
"Pasok," wika ni Kuya Jude mula sa loob at binuksan ko na ang pinto.
Pagkapasok ko sa loob ay bumungad sa akin ang nakangiting si Kuya Jude na nakaupo sa kanyang swivel chair.
"N-Nandito na ako," nauutal kong sambit at ipinakita ang dala kong lunch box.
"Nandito ka na nga." Sabi naman nito na hindi natatanggal ang ngiti sa kanyang labi.
Hinigpitan ko na naman ulit ang pagkakahawak sa lunch box.
Ang sarap sa pakiramdam na nginingitian ako ni Kuya Jude ng ganito na para bang sabik na sabik siyang makita ako.

BINABASA MO ANG
Pangalawa
Ficción GeneralBlack sheep. Second choice. Music is life. Iyan si Maria Krisanta Baltazar o mas kilala sa tawag na Tata. Siya ang tinaguriang black sheep ng pamilya at palaging pumapangalawa sa kapatid niya. Lagi na lamang siyang pumapangawala sa lahat ng bagay da...