Kabanata II: Musika

200 9 2
                                    

Tahimik lang akong kumakain habang si Ate Maricris naman ay nasa harapan at nakatingin sa akin. Ipinaghanda niya ako ng adobong baboy, isa sa pinaka-paborito kong ulam. Saktong-sakto lang dahil mukhang malalim na naman yata ang iniisip ko ngayon. Nabigla lang kasi ako kanina nang makita ko ang wedding picture ng kapatid ko at ng asawa niya. Hindi na dapat siguro ako magtaka dahil tatlong taon akong nawala sa paningin ng kapatid ko. Kasalanan ko naman kasi dahil naglayas ako kasi kung hindi ako naglayas ay masasaksihan ko pa sana ang pag-iisang dibdib nilang dalawa.

"Hindi na itim ang buhok mo ngayon Tata," basag nito sa katahimikan. Napahinto ako sandali sa pagkain at tumingin sa kapatid ko. Tama nga siya, hindi na kulay itim ang buhok ko ngayon kagaya noong hindi pa ako sinasapian ng kalokohan upang maglayas.

"Hindi ba bagay ang pula?" pang-aasar ko sa kanya at nilaro-laro ko ang buhok kong nakalugay. "Isa na akong musikero ngayon Ate Mar kaya nagpakulay ako ng buhok."

Napabusangot ang kapatid ko dahil sa sinabi ko. Nangalumbaba ito at tinignan ako sa mga mata. "Hay naku Tata, hanggang ngayon talaga ay hindi ka pa rin nagbabago. Puro usapang rock na lamang ang nasa isipan mo at ngayon nagpakulay ka pa ng buhok. Ano ba kasi ang mayro'n diyan sa pagkanta na 'yan na hindi mo maiwan-iwan? Kung tinapos mo na lang ang pag-aaral mo eh, mayroon ka na sanang magandang trabaho ngayon."

Lihim akong natawa ngunit sa kaloob-looban ko ay naiisip ko na naman na hindi niya ako naiintindihan. Alam ko kung ano ang gustong iparating sa akin ng kapatid ko. Naglayas na nga ako at bumalik eh, hindi pa rin ako tuluyang nagbago. Gano'n talaga si Ate Maricris, gusto niyang tumulad ako sa kanya na nakapagtapos ng pag-aaral at may narating sa buhay. Ngunit, hindi ako katulad ng kapatid ko, iba ang gusto ko, iba ang gustong gawin ko, at iba ang pananaw ko.

Kaya nga mas paborito nila Mamang at Papang si Ate Maricris kaysa sa akin dahil responsable ito, madiskarte, mabait na anak, matalino... kumbaga complete package na. Habang ako naman ay wala, walang may narating kahit isa, nananatiling anino at pangalawa lamang sa kapatid ko.

Napailing ako at sumubo. Kahit kailan talaga ay hindi magiging pareho ang gusto namin sa buhay. Saka, wala siyang magagawa do'n. Buhay ko ito at ako ang pipili ng buhay na tatahakin ko.

"Ate, masayang kumanta. Masayang mag-perform sa harap ng maraming tao. Saka, aasenso naman siguro ako kahit hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral. Sipag at tiyaga lang ang kailangan ko at may mararating din ako." Sabi ko pa sa kanya at nginitian ko siya.

Pansin kong parang nag-iba ang awra ni Ate Maricris at bigla itong tumayo mula sa pagkakaupo.

"Sa loob ng tatlong taong hindi mo pagpapakita sa akin, may narating ka ba sa pagkanta mo Krisanta?" tanong ng kapatid ko na pilit pinapakalma ang sarili. Alam kong nagsisimula na itong magalit sa akin. Naiintindihan ko naman siya kung ano ang gusto niyang iparating ngunit iba ang gusto ko dahil hindi ako tulad niya.

Tumigil ako sa pagkain. Nawalan ako ng gana. Kung sasagutin ko pa ang kapatid ko ay baka mag-away na naman kami kagaya ng dati. Ayokong sapian na naman ako ng kalokohan ko at maglayas na naman ako.

"Tapos na ako," simpleng sabi ko at iniligpit ko ang pinagkainan ko. Papalabas na sana ako ng kusina ngunit pinigilan niya ako at hinawakan sa may pulsuhan.

"Ano ba ang ginagawa mo sa buhay mo?" mariing tanong nito sa akin. Hindi ko siya sinagot. Tinignan ko lang siya sa kanyang mga mata hanggang sa napunta ang atensyon ko sa wedding ring niya na nasa kanyang daliri.

"Kailan ka pa kinasal?" pag-iiba ko sa usapan. Hindi ko alam kung bakit nararamdaman ko na naman ito. Dapat ay matagal na itong nawala dahil matagal ko nang kinalimutan ang pakiramdam na ito.

"Huwag mong iniiba ang usapan, Tata. Sagutin mo ako," sambit pa ni Ate Maricris.

Dahan-dahan kong tinanggal ang kanyang kamay na nakahawak sa akin at nginitian ko na lamang ito. "Pagod ako, Ate Mar. Magpapahinga muna ako." Paalam ko sa kanya at kaagad na akong lumabas ng kusina.

Nadaanan ko na naman ang kanilang wedding picture. Nanikip na naman ang dibdib ko. Siguro sa susunod na dadaan ako rito ay hindi na dapat ako titingin pa sa wedding picture nila. Maaalala ko na naman ang mga alaala noon na dapat ay kinalimutan ko na.

Nagpunta ako sa loob ng kwarto ko at tuluyan ko nang isinara ang pinto. Ibinagsak ko sa higaan ang katawan ko kahit alam kong maalikabok pa ito. Mamaya na lang siguro ako maglilinis kapag hindi na ako tinamad. Hindi naman kasi ako pagod, nagsinungaling lang ako sa kapatid ko upang maiwasan ko ang pagse-sermon niya. Baka mag-init na naman ang ulo ko at may masabi ako sa kanya na hindi ko dapat sabihin.

Tinignan ko ang oras sa wristwatch ko. Malapit nang mag-alas dos ng hapon. Hindi muna ako nagpalit ng damit, mamaya na lang siguro katapos kong maglinis ng kwarto.

Kinuha ko ang aking gitara at nagsimula akong tumugtog. Stress reliever ko ang musika. Nakakalimutan ko lahat-lahat ng sama ng loob, problema, at lahat ng mga negatibong iniiisip ko. Para akong lumulutang sa hangin kapag kumakanta ako. Pakiramdam ko ay nasa alapaap na ako at masayang ninanamnam ang bawat liriko't musika ng kanta. Mahal na mahal ko ang musika. Ito ang unang pag-ibig ko kaya't hindi ko ito dapat sinusukuan.

"Twenty-five years and my life is still..." Simula ko sa pagkanta. Bigla akong natawa at napatigil sa pagtugtog ng gitara ng maalala ko ang unang linya ng What's Up? ng 4 Non Blondes.

Hindi dapat twenty-five ang unang linya ng kanta, dapat twenty-two kasi ito ang edad ko ngayon. Isang twenty-two year old na babae na may pulang buhok na lampas balikat ang haba ang walang malay pa rin sa mundo.

"And so I cry sometimes when I'm lying in bed..." Kanta ko pa at sinabayan ko pa ito ng pagtugtog ng gitara. Ito nga dapat, tamang senti lang sa mga ganitong oras. Musika lang ang mundong mayroon ako at dito umiikot ang mundo ko. "Just to get it all out what's in my head and I... I am feeling a little peculiar."

Siguro kaya hindi ako naiintindihan ng kapatid ko dahil wala siyang hilig sa musika. Kasi kung may hilig siya sa musika ay maiintindihan niya ako kung bakit ako nagkakaganito.

"And I say, hey, hey, hey, hey..." Patuloy ko pa at kaagad akong bumangon mula sa pagkakahiga. Tumayo ako sa itaas ng higaan at nagsimula akong maglulundag. "Hey, hey, hey. I said hey, what's going on?"

Musika. Musika ang naging kasama ko sa loob ng tatlong taong pag-iisa ko. Sa tatlong taong binubuo ko ang pagkatao ko at ang nawasak kong puso.

"Twenty-five years and my life is still. Trying to get up that great big hill of hope. For a destination." Pagtapos ko sa kanta at tuluyan na akong bumagsak sa higaan.

PangalawaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon