Kabanata V: Ilusyon

87 6 8
                                        

Linggo. Araw ng pagsisimba.

Noong mga bata pa kami ni Ate Maricris madalas kaming pagsabihan ni Mamang na dapat ay ilaan namin ang aming oras sa Poong Maykapal sa tuwing araw ng linggo. Magpasalamat kami sa lahat ng biyaya at humingi ng kapatawaran sa aming mga maling nagawa. Kung si Ate Maricris noon ay tuwang-tuwa kapag magsisimba kami nila Mamang at Papang taliwas naman ako sa kanya. Inis na inis ako kapag ginigising ako ni Mamang nang maaga para lamang makapagsimba.

Ang aga-aga pa ay mas lalo pa akong naiinis sa tuwing kinukumpara na naman ako ni Mamang kay Ate Maricris. Mabuti pa ang Ate Maricris mo kasi ganito, kasi ganyan. Nakakainis sobra. Kaya nga mas lalo pa ako noong tinatamad sa pagsisimba kapag dumarating sa puntong binubungangaan ako ni Mamang.

Abala ako sa pagsusuklay ng buhok ko nang pumasok si Ate Maricris sa loob ng kwarto ko.

"Ano ba, Tata? Mahuhuli na tayo sa misa!" inis nitong sabi sa akin habang pinagmamasdan ako mula ulo hanggang paa.

"Eh, mauna na kayo. Susunod na lang ako." Inis ko ring sambit sa kanya. Akala niya siguro na humupa na ang pagkainis ko sa kanya kagabi. Aba't nagkakamali siya. Kung santa santita talaga ako sa paningin niya eh, tototohanin ko na.

"Ano 'yang suot mo?" sita nito sa pananamit ko.

"Damit." Simpleng sagot ko at bumalik ako sa pagsusuklay ng buhok ko. Hinablot ni Ate Maricris ang hawak kong suklay. Ramdam ko ang pagkainis nito dahil sa pagsagot ko sa kanya ng pabalang.

"Nang-iinis ka ba, Tata?" tanong na naman nito sa akin.

Nagkibit-balikat lamang ako at inagaw ko sa kanya ang suklay ko saka ko siya tinalikuran. Mainis siya.

Napadaing na lamang ako sa sakit nang kinurot niya ako sa hita. "Iyan ba ang disenteng suot kapag nagsisimba, Tata? Naka-short? Mahiya ka naman." Galit na saad nito.

"Eh, kayo na lang ang magsimba hindi na ako sasama." Pagtataray ko sa kanya at ibinagsak ko ang katawan sa higaan.

Sige, mainis ka pa. Isip ko pa at tumagilid ng higa.

"Oh, ready na?" dinig ko ang boses ni Kuya Jude ngunit hindi ako nagpatinag. Umayos pa rin ako nang higa kahit hinihintay na nila ako.

"Kausapin mo nga 'yang si Krisanta. Sinisira niya ang araw ko," sambit nito.

Malakas ang pagkakasara ng pinto. Umaayon ang lahat sa akin ngayong araw na ito. 'Yon talaga ang gusto ko, ang mainis sa akin si Ate Maricris. Bumabawi lang ako dahil sa ginagawa niya kagabi. Akala niya siguro na ayos lang sa akin na sinesermonan niya ako palagi at ipinamumukha niya sa akin na wala akong karapatan para kontrolin ang buhay ko.

"Krisanta," banggit ni Kuya Jude sa pangalan ko saka nito ako tinapik-tapik ng mahina sa braso. "Bumangon ka na at magpalit ng damit. Magsisimba tayo." Sabi pa nito sa malumanay na tinig.

Lumakas na naman ang pagtibok ng puso ko. Kung ako lang sana ang minahal ni Kuya Jude at hindi ang kapatid ko, siguro masasabi ko na ang swerte-swerte ko sa buhay. Masarap siguro mag-alaga at magmahal ni Kuya Jude.

Walang hiya. Nakakatukso.

"Hindi na ako sasama. Maiwan na lang ako rito sa bahay." Sabi ko nang hindi gumagalaw mula sa pagkakatagilid ng higa.

Narinig ko ang mahinang pagbuga ng hangin ni Kuya Jude.

"Krisanta," mahinang usal nito ulit sa pangalan ko. Para na naman akong nakuryente nang maramdaman ko ang paghaplos ni Kuya Jude sa aking buhok. Ganitong-ganito ang naramdaman ko kagabi nang hawakan niya ang kamay ko. "Bangon na, Krisanta. Halika na."

Gumuhit ang ngiti sa labi ko. Ang sarap sa pakiramdam ng sinusuyo ka lalong-lalo na kung ang sumusuyo sa'yo ay ang taong gusto mo.

Dahan-dahan akong bumangon sa higaan. Nang humarap na ako kay Kuya Jude ay mas lalo pang lumakas ang pagtibok ng puso ko. Dahil nga ba sa kaba? O, sa kilig?

Napatingin ako sa pintuan ng kwarto. Sarado ito. Ngayon ko lang naisip na kaming dalawa lang ang nasa loob ng kwarto. Naglalaro na naman ang malikot kong isipan. Pakiramdam ko tumatagaktak na ang pawis ko.

"Aray," daing ko nang pitikin ni Kuya Jude ang noo ko. Imbes na mainis ako sa kanya ay hindi ko nagawa. Natunaw ang puso ko nang ngitian niya ako. Ganito ang ngiti niya sa akin noong una ko siyang makilala. 'Yong tipo ng ngiti na hindi mo makakalimutan.

"Magpalit ka na ng damit, ha?" wika nito sa akin at wala sa sarili naman akong tumango.

Bago pa lumabas ng kwarto si Kuya Jude ay hinaplos muna nito ang kanang pisngi ko saka mahinang tinapik. "Kumilos ka na," mahinang sambit nito.

Pakiramdam ko ay umakyat lahat ng dugo ko sa mukha. Mapapamura na talaga ako. Tangina. Hindi naman yata siguro nakakalimutan ni Kuya Jude na hindi na ako ang labing-dalawang taong gulang na high schooler na nakilala niya noon.

Ngunit, aaminin ko. Kinikilig ako sa mga simpleng bagay na ginagawa sa akin ni Kuya Jude. Nakakalimutan ko na kasal na siya at asawa siya ng kapatid ko.

Mapapalapit pa ako ng sobra kay Kuya Jude lalong-lalo na at nakatira lamang kami sa iisang bubong. Araw-araw kaming magkikita maliban na lamang kung papasok siya ng trabaho. Mas maganda siguro kung lagi ko siyang sasalubungin sa tuwing uuwi siya ng bahay. Kukumustahin siya kung naging maganda ba ang araw niya. Pagsisilbihan siya dahil alam kong pagod siya sa trabaho.

Ngunit, hay naku, wala akong karapatan para gawin lahat ng iyon. Hindi naman kasi ako si Ate Maricris na pagtutuonan niya ng pansin. Kaya hanggang ilusyon na lamang ako sa mga nais kong gawin.

Masama ang loob ko habang papalabas ng bahay. Bakit ba kasi nagtitiis ako rito na alam ko naman sa sarili ko na nasasaktan na ako? Iyong makita ko lang sila na naglalampungan sa harapan ko ay nakakainis na. Ano pa nga ba kung makita ko silang naghahalikan? Wala naman akong karapatan upang magreklamo dahil wala ako sa lugar. Nakikitira lang ako. Hindi na rin ito bahay ng kapatid ko dahil bahay na nilang mag-asawa ito. Saka heto ako, lihim na umiibig sa asawa ng kapatid ko.

"Mas lalo kang gumanda dahil sa suot mong iyan," bungad sa akin ni Kuya Jude nang makalabas ako ng bahay. Panigurado ay binobola lang niya ako. Isang puting t-shirt na may print na No One Cares at jeans lamang ang suot ko. Nasa'n ang dagdag sa ganda doon?

Napatirik pa ang mata ko nang makita ko ang kapatid ko na nasa loob na ng kotse. Highblood kaagad ako kay Ate Maricris. Nakakabwisit. Akala ko nagbago na siya dahil ramdam na ramdam ko ang pangungulila niya sa akin noong umuwi ako rito. Siguro, nagkamali ako, maling akala lang pala, plastik pa rin ang kapatid ko.

"Oh, huwag kang sumimangot Krisanta." Sambit ni Kuya Jude habang sabay kaming naglalakad patungong kotse. Hindi ako umimik, pinakiramdam ko lang siya.

Pinagbuksan niya ako ng pinto sa likod. Bago ako pumasok sa loob ay may sinabi muna ito sa akin. "Ngumiti ka na, Krisanta," bulong nito.

Pilit ko itong iwinaksi at kaagad na pumasok sa loob ng kotse. Nag-iilusyon lang ako. Nahihibang lang ako. Pinaglalaruan lamang ako ng damdamin ko dahil si Kuya Jude talaga ang laman ng puso ko.

Sinimulan ng paandarin ni Kuya Jude ang kotse. Habang tinatahak na namin ang daan patungong simbahan ay wala sa sarili akong napatingin sa rearview mirror ng kotse. Pagtingin ko do'n ay saktong tumingin naman si Kuya Jude. Ilang segundo lamang kaming nagkatitigan bago ako nagbawi ng tingin.

Napalunok na lamang ako ng sariling laway. Taimtim ako nanalangin upang humingi ng tawad dahil alam kong sa susunod na mga araw ay magkakasala na talaga ako. Hindi na magiging ilusyon ang lahat.

PangalawaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon