Talaarawan Ni Florence
Disyembre 16, 1960
Today, I fell in love.
Hindi ko maiwasang mapailing at matawa sa aking isinulat. Katunayan ay hindi ko mapaniwalaan na ako'y sumusulat sa isang talaarawan. Subalit hindi ko mapigilan na ilabas kahit sa panulat ang aking nararamdaman. Ngayon ang unang pagkakataon na tila nais sumabog ng aking dibdib sa sari-saring emosyon. Sapagkat sa araw na ito ay nahulog ang aking puso para sa isang binibini na nagmamay-ari ng tila-anghel na mukhang noon ko lamang nasilayan sa aking buhay. Magpasahanggang ngayon ay nakikinita ko pa rin ang kanyang maamong mukha sa aking gunita. Na tila ba siya'y nakatayo pa rin sa aking harapan.
Paano nga ba naganap ang lahat? Paano nga ba ako nakarating sa sandaling ito ng aking buhay na kahit kailan ay hindi na mawawaglit sa aking isipan?
Sa aking palagay ay marapat na simulan ko ang aking salaysay sa kaibigan kong si Ambrosio. Kami'y parehong nag-aaral sa kolehiyo. Ateneo De Manila. Siya ay nagpapakadalubhasa sa pagnenegosyo. Ako nama'y sa Politics And Governance. Iyon ang nais ng aking mga magulang para sa akin. Nais ng aking ama na ako'y sumunod sa kanyang yapak na may posisyon sa Gobyerno. Isa siyang Diplomatiko. Mataas ang posisyon sa alta sosyedad. Palaging nasa ibang bansa. At sa tuwina ay palaging isinasama ang aking ina.
Katulad na lamang sa buwang iyon. Magpapasko subalit umalis pa rin sila upang magtungo sa Amerika. Mag-isa lamang ako sa aming bahay sa Maynila, ang tanging kasama ay mga kasambahay.
Iyon ang dahilan kaya marahil inalok ako ni Ambrosio na magbakasyon sa kanilang probinsya hanggang sa araw ng kapaskuhan. Batid kong nagmamagandang loob si Ambrosio. Kaya naman tinanggap ko ang kanyang paanyaya. Subalit hindi ko inaasahan na mayroong mangyayaring makabuluhan sa pagsama ko sa kaniya. Ako'y naiinip at marahil ay bahagyang malungkot. Iyon lamang ang dahilan kaya ako sumama kay Ambrosio.
Tubong Maynila ang aming angkan kaya naman wala akong masasabing probinsya na uuwian na gaya ng aking kaibigan. Bukod doon ay pagtungo sa ibang bansa ang paraan ng aking pamilya upang iselebra ang kapaskuhan kapag hindi abala sa ibang bagay ang aking mga magulang. Hindi sumusunod sa tradisyon sa ating bansa ang aking mga magulang. Labis silang naaakit ng banyagang kultura at hindi pansin ang sa ating bansa. Maging ang aking edukasyon ay banyaga at sa aming tahanan ay Ingles ang wikang ginagamit.
Namangha ako na iba sa kinalakhan ko ang selebrasyon ng kapaskuhan sa probinsya nila Ambrosio. Sa aming pagdating pa lamang ay aking nakita ang mga dekorasyon sa bawat tahanan. Maging ang mga kalsada ay may nakasabit na mga makukulay na parol. Sa nakabukas na pinto at bintana ng ilang mga bahay ay umaalpas ang mga awiting pamasko mula sa radyo. The atmosphere was festive.
Higit na magarbo nang kami ay makarating sa malaking bahay nila Ambrosio. Matatagpuan iyon sa dulo ng bayan at pinakamalaki sa lahat ng aming nadaanan. Hindi iyon kataka-taka, sapagkat pagmamay-ari ng pamilya ng aking kaibigan ang pinakamalaking lupain sa bayan na iyon.
Maligaya ang mga magulang at mga kamag-anak ni Ambrosio sa aming pagdating. Sagana ang hapagkainan sa pinakamasarap na pagkain na natikman ko sa aking buhay. Sabay-sabay nais makipag-usap ng mga tao sa amin. The crowd and the festivity overwhelmed me. Kaya naman laking pasalamat ko nang matapos ang hapunan at ako'y nakapagpahiga na sa silid na inilaan para sa akin.
Higit na mas maaga kaysa sa nakasanayan ko sa Maynila. Kaya pala'y maaga talaga nagpapahinga ang mga tao sa kabahayang iyon. Lalo na tuwing Disyembre. Kinabukasan ng madaling araw diumano ang simula ng Simbang Gabi at tradisyon ng mga tao sa bayan na iyon na kompletuhin ang siyam na araw ng misa. Hindi ko na lamang binanggit na iyon ang unang pagkakataon na ako'y magsisimbang gabi.
BINABASA MO ANG
A WISH FROM CHRISTMAS PAST (a holiday story)
Historical FictionMagkaibang magkaiba sina Reira at Simon Ker. Si Reira ay positibo, lumaki sa isang masaya at mapagmahal na pamilya at pasko ang paboritong holiday. Habang si Simon Ker naman ay ubod ng sungit, may hindi magandang alaala ng kanyang kabataan at ayaw s...