Part 10

3.3K 109 2
                                    

PAGDATING ni Reira sa labas ng bar and restaurant kung saan daw sila magkikita ni Noemi at ng lalaking ka-blind date niya ay parang gusto na niyang umatras. Kalokohan yata na pumayag siya sa gusto ng kanyang kaibigan. Kahit pa taimtim niyang dasal na magkaroon ng love life at ipinag-si-simbang gabi pa nga niya para matupad ang wish niya ay tama ba talaga ang gagawin niya? Paano kung hindi sila magkasundo ng lalaking iyon? O paano kung hindi pala ang lalaki ang itinakda ng Diyos para sa kaniya at magkamali siya ng pili dahil nainip siya sa paghihintay na matupad ang wish niya?

Aatras na sana siya pero narinig na niya ang boses ni Noemi mula sa likuran niya. "I'm glad you're here. Nasa loob na si Albano," bulalas ng babae nang makalapit sa kaniya.

Tensiyonadong napahinga ng malalim si Reira at pilit na ngumiti. "Okay. Let's do this," bulalas niya.

Natawa si Noemi. "Relax ka lang. Just be yourself. Malaki ang tiwala ko sa iyo at sa charm mo. Tara." Hinawakan nito ang kanyang braso at hinatak siya papasok sa bar and restaurant.

Maganda ang ambiance ng kainan na iyon. Mukhang pang after-office hang out talaga. Malalaki ang mga lamesa na cubicle style ang pagkakahati kaya may privacy ang bawat grupo at puwedeng mag-usap at magtawanan na hindi makakaistorbo sa iba. May pamaskong dekorasyon ang mga pader at lamesa at may pumapailanlang na mahinang tugtog ng latest pop songs na Christmas remix.

Giniya siya ni Noemi sa dulong cubicle kung saan may nag-iisang lalaki na nakaupo patalikod sa kanila. Kumunot ang noo ni Reira at napatitig sa ulo ng lalaki na may makapal at itim na itim na buhok at pababa sa malapad nitong mga balikat na tanging naabot ng kanyang tanaw. Habang naglalakad sila palapit ay patindi ng patindi ang pakiramdam niya na pamilyar ang bulto ng lalaki. At nang sa wakas ay nakita na niya ang profile ng lalaki ay namilog ang kanyang mga mata.

"Albano!" tawag ni Noemi.

Lumingon ang lalaki sa direksyon nila at nakumpirma ni Reira na ito ay walang iba kung hindi si Simon Ker. Halatang gulat din ang binata nang makita siya. Katunayan ay ilang sandaling nagkatitigan lamang sila.

"Ahm, bakit ganiyan ang hitsura niyong dalawa? Magkakilala ba kayo?" basag ni Noemi sa katahimikan.

Himbis na sagutin ang babae ay hindi inalis ni Simon Ker ang tingin sa kaniya at nagsalita, "Anong ginagawa mo rito?"

"At ikaw?" manghang tanong rin ni Reira.

Kumunot ang noo ng binata at bumaling kay Noemi. "This is supposed to be an officemates dinner, right?"

Noon tumimo kay Reira ang sitwasyon at hindi niya pa rin mapigilan ang pagkamanghang nararamdaman. Ang tinutukoy ni Noemi na officemate at pinapa-date sa kaniya ay si Simon Ker!

"Actually, no. This is not an officemates dinner," sagot ni Noemi. Hinatak siya ng kaibigan niya at napasinghap siya nang iupo siya ng babae sa tapat ni Simon Ker. Pagkatapos ay pilyang ngumiti. "This is actually a blind date."

"What?!" lukot ang mukhang bulalas ni Simon Ker at akmang tatayo pero maagap itong napigilan ni Noemi sa balikat.

"Albano, naapektuhan na ang lahat sa office ng pagiging gloomy at moody mo. Kailangan mo mag-relax. Kailangan mo ng makakausap at makaka-date. And here, is my friend Reira. Perfect for someone like you. Kaya kalimutan mo na ang ex mo na hindi maintindihan kung gaano ka ka-busy at palagi kang pinapapili kung siya ba o ang trabaho mo ang mas mahalaga. Hindi mo kailangan ng ganoong girlfriend. You need someone like my friend here who will cheer you up since it is Christmas and all of us want you to be happy," litanya ni Noemi na kung ibenta siya kay Simon Ker ay parang broker na nag-aalok ng house and lot.

A WISH FROM CHRISTMAS PAST (a holiday story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon