Talaarawan ni Florence
Disyembre 22, 1960
Napakabilis pa rin ng kabog ng aking dibdib. Sa aking palagay ay hindi ako makatutulog ngayong gabi.
Ngayong gabi'y nasaksihan ko ang pagbaba ng isang anghel. Katunaya'y nahawakan ko ang mukha niya, nakausap, nahagkan ang mga kamay, nayakap. Ah, Sita, bakit ba sa tuwina ay pinararamdam mo sa akin ang masarap na masakit na pagsisikip ng aking dibdib?
Sa totoo lamang ay hindi ko nais lumabas sa araw na ito. Lalo na at sa simbang gabi kaninang umaga'y nakita ko na namang katabi ni Sita ang binatang ilang araw ko nang nakikitang kasama niya. Oo nga't kanina'y nakita kong sa wakas ay sumusulyap na sa akin si Sita. Subalit sa tuwina'y ako naman ang napapaiwas ng tingin sapagkat ayokong makita niya ang hindi magandang nararamdaman ko para sa binatang katabi niya. Na dapat ay ako.
Katulad sa nakaraang dalawang araw ay nais ko lamang magkulong sa aking silid sapagkat hindi maganda ang aking pakiramdam. Subalit pagsapit ng gabi ay kinatok ni Ambrosio ang pinto ng aking silid hanggang sa mapilitan akong pagbuksan siya.
"Magbihis ka at may pupuntahan tayo," nakangising bungad ng aking kaibigan.
Sa simula'y tumatanggi akong sumama subalit mapilit siya kaya ako'y napilitang magbihis at sumunod sa kaniya palabas ng bahay. "Saan tayo pupunta?" wika ko.
Nilingon ako ni Ambrosio at malawak na ngumiti. "Sa plaza. Manonood ng dula." Napailing ako. Wala akong gana manood ng kung anong dula. Subalit muli nang tumingin sa daan ang aking kaibigan at tahimik na kaming naglakad patungo sa plaza.
Napakaraming tao nang kami ay makarating doon. May isang entablado malapit sa simbahan na naiilawan ng malalaking lampara. Sa paligid ay nagkalat ang mga nagtitinda ng kung anu-ano. Maraming tao ang nakatayo paharap sa entablado. Marahil ay hinihintay magsimula ang dula. Ang nangyari'y hinatak ako ni Ambrosio hanggang marating namin ang gilid ng entablado. Mas malinaw daw kaming makapapanood sa bahaging iyon.
Maya-maya pa'y nagsimula na ang dula. Kahit napipilitan ay pilit kong inangat ang aking tingin upang manood. Lumaba sa entablado ang isang lalaki at babae na nakabihis bilang si Joseph at Maria. At noon ako tila namalikmata habang nakatitig sa mukha ng babaeng bahagyang natatakpan ng asul na tila belo. Si Sita! Si Sita ang gumaganap na Maria!
Manghang napalingon ako kay Ambrosio. Na ngiting ngiti naman habang nakatingin sa akin. Pagkuwa'y bumulong siya sa akin. "Ang sabi ni Sita'y siguruhin ko raw na manonood ka ng dula. Nais ka niyang makausap pagkatapos. Ako ang bahalang umabala sa kanyang mga magulang at sa kung sino pang mga tao na nais siyang makausap habang kayo'y magkasama."
Napatitig ako sa aking kaibigan, hindi makapaniwalang tutulungan niya akong makita si Sita.Umangat ang mga kilay ni Ambrosio nang marahil ay mapansin ang aking pagkamangha. "Hindi mo ba siya nais makita?" Ako'y napakurap at agad na sumagot nang oo, aba'y gustong gusto ko. Natawa si Ambrosio sa aking reaksyon at tinapik ako sa balikat. Pagkuwa'y naging seryoso ang anyo nang muli siyang magsalita. "Ipinagkakatiwala ko sa iyo ang aking kababata. Huwag mong sisirain ang tiwala at pagkakaibigan natin, Florence."
Ako'y sumeryoso rin at muling tumingin sa entablado, partikular sa mukha ni Sita. Nahigit ko ang aking hininga sapagkat tila lumolobo ang aking dibdib sa tuwing siya ay aking nakikita. "Wala akong gagawin na makasasakit sa kaniya. Hindi ko kaya," usal ko.
"Mabuti kung gayon," sagot ni Ambrosio na kahit hindi ko nakita ay alam kong nakangiti.
Pagkatapos niyon ay tahimik naming pinanood ang dula. Napagtanto ko na ang gumaganap na Joseph ay ang binatang ilang araw ko nang nakikitang nakadikit kay Sita tuwing simbang gabi. At si Sita... napakaganda niya, kay lamyos ng tinig sa tuwing binabanggit ang linya. Bagay sa kaniya ang papel na Maria.
BINABASA MO ANG
A WISH FROM CHRISTMAS PAST (a holiday story)
Historical FictionMagkaibang magkaiba sina Reira at Simon Ker. Si Reira ay positibo, lumaki sa isang masaya at mapagmahal na pamilya at pasko ang paboritong holiday. Habang si Simon Ker naman ay ubod ng sungit, may hindi magandang alaala ng kanyang kabataan at ayaw s...