Part 20

3.2K 113 4
                                    

Kahit tila gulat pa rin ay magalang na binati ng kanyang staff si Simon Ker na gumanti rin ng bati.

Tumikhim si Roy, karelyebo niya sa pagiging chef at naging kaklase niya sa culinary school. Matagal na silang magkaibigan. "Well, ako na muna rin ang gagawa sa parte mo, Reira."

Matamis siyang ngumiti. "Salamat Roy." Naramdaman niyang natigilan si Simon Ker sa kanyang tabi kaya tiningala niya ito. Napansin niyang titig na titig ito kay Roy. Hindi niya mabasa ang ekspresyon sa mukha ng binata kaya nagtatakang tinapik niyang muli ang braso nito. Noon lang siya niyuko ni Simon Ker.

Ngumiti si Reira, "So, ito ang working kitchen namin sa Tisay's Restaurant," proud na bulalas niya. Hinatak niya ito sa bawat equipment nila at ipinaliwanag ang gamit ng mga iyon isa-isa. Sa tuwing tinitingnan niya si Simon Ker ay bakas na ang interes sa mukha nito. Hanggang nagkaroon ng aliw na ngiti sa mga labi nito at sa mukha na niya nakatingin, hindi na sa mga itinuturo niyang gamit sa kusina. Noong una ay binabalewala iyon ni Reira. Pero nang matingin siya sa paligid at makitang curious na sinusundan sila ng tingin ng tatlong lalaking kasama nila roon ay uminit na ang kanyang mukha.

"May ipapakita pa ako sa iyo," sabi niya at hinatak si Simon Ker patungo sa isang nakasarang pinto sa kabilang dulo ng kusina. Halos nadinig ni Reira ang gulat na singhap ng kitchen staff nila. Palibhasa ay mas lalong wala siyang isinasama sa lugar na pupuntahan nila ng binata. Ewan ba niya. Gustong gusto niya talaga ipakita iyon kay Simon Ker.

Lumabas sila ng pinto at napunta sa likod na bahagi ng bakuran nila. "Saan tayo pupunta?" curious na tanong ni Simon Ker.

"Makikita mo," hindi lumilingon na sagot ni Reira. Hawak pa rin niya ang braso nito. Natigilan siya ng marahan nitong kinalas ang kamay niya mula sa braso nito. Napalingon siya. "Oh. Sorry –" Bumikig sa lalamunan niya ang sasabihin nang magtagpo ang mga paningin nila ni Simon Ker.

"Hindi kasi ganiyan," sabi nito sa mababa at nakakaakit na tinig. Nagliparan ang mga paru-paro sa sikmura ni Reira nang marahang pinalapat ni Simon Ker ang kanilang mga kamay. Bumaba ang tingin niya nang paglingkisin nito ang kanilang mga daliri. He squeezed her hand and it felt like he squeezed her heart too. "Now this is better," kuntentong sabi pa ng binata at bahagya siyang hinigit kaya napalapit siya rito. "So? Saan mo ako dadalhin?"

Napakurap si Reira at napatikhim. "Sa secret hideout ko."

Umangat ang mga kilay ng binata pero may sumilay namang ngiti sa mga labi. "Show me."

Kaya muli niya itong hinatak. Dinala niya ito sa isang nakahiwalay na tila malaking bodega sa panlabas na anyo na nakatayo sa isang panig ng likod bahay nila. Yumuko si Reira para kunin sa loob ng nakapasong halaman ang susi saka binuksan ang pinto. Kinapa niya ang switch ng ilaw at bumaha ang liwanag sa loob.

"Woah," bulalas ni Simon Ker nang makapasok sila. Iginala nito ang paningin. "Is this a time machine or something? Para tayong bumalik sa panahon ah."

Natawa si Reira. "Siguro parang ganoon na nga. Ito ang kusina ng pamilya ko noong dito pa nakatira sila lolo at lola. Bago pa man nila mapatayo ng ganoon kalaki ang bahay namin. Si lolo Ambo daw mismo ang nagtayo nito," kwento niya habang iginagala rin ang tingin sa paligid.

Makaluma ang lahat ng bagay na makikita roon. Walang kahit anong bagay roon na ginagamitan ng kuryente maliban lang sa mga ilaw. Pugon at lutuan na gawa sa bato. Malaking lamesa at ilang silya na gawa sa narra. Iba't ibang laki ng mga palayok at mga sandok na gawa sa kahoy.

Humarap si Reira kay Simon Ker at matamis na ngumiti. "Noong bata pa ako hanggang sa paglaki ko ay mas madalas pa ako dito kaysa sa kuwarto ko. Kahit ang parents ko noon kailangan pa mahulaan ang password bago ko pinapayagan pumasok dito. Kapag malungkot ako o may malalim na iniisip ay dito ako nagpupunta at nagluluto ng kung anu-ano. This place is my soul and my heart, Simon Ker."

A WISH FROM CHRISTMAS PAST (a holiday story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon