Talaarawan Ni Florence
Disyembre 20, 1960
Umiiwas sa akin si Sita. Natitiyak ko. Nagsimula kahapon, nang habang hinihintay ko siya sa kusina'y nagulat ako na sa kanyang pagdating ay kasama niya ang ina. Pagkuwa'y hindi rin ako nagkaroon ng pagkakataong makatabi siya sa simbahan at sa tuwing sinusubukan kong huliin ang kanyang tingin mula sa distansyang nakapagitan sa ami'y ni minsan ay hindi siya tumingin sa aking direksyon.
Sa sandaling iyon pa lamang ay nabahala na ako. Hindi ako sanay na hindi nakikita ang ngiti ni Sita kahit sandali lamang. Matapos ang umagang iyon ay maghapon akong nagtangkang makalapit sa kaniya. Subalit sa tuwina, ilang hakbang pa lamang ako sa kusina ay may tao nang lumalabas mula roon at tinataboy ako palayo. Ilang beses akong nagpabalik-balik hanggang sa ako'y hindi na nakatiis at nagtanong na sa sumunod na babaeng lumabas ng kusina kung nasaan si Sita.
Sandaling nagalinlangan ang babae, sumulyap sa kusina bago muling humarap sa akin at mahinang nagsalita, "Wala rito si Sita. Siya'y maagang pinauwi ng kanyang ina. Hindi niya gustong nagkikita kayo ng kanyang anak."
Ikinabigla ko ang kanyang sinabi. "Bakit?" ang tangi kong nausal. Umiling lamang ang babae at nagmamadaling bumalik sa kusina. Ako'y naiwang nakatayo roon na naguguluhan.
Hindi ko alam kung gaano katagal akong nakatayo lamang roon, nakatitig sa direksyon ng kusina. Nang ako'y makapagdesisyon na tumalikod at bumalik sa aking silid ay nagitla ako nang makitang nakatayo sa paanan ng hagdan si Ambrosio.
Nahuli ko ang mataman niyang titig bago umangat ang mga kilay at nagsimulang maglakad palapit sa akin. "Nais mo bang maglakad-lakad sa labas, Flor?" tanong sa akin ni Ambrosio.
Tumiim ang aking mga labi sapagkat nakikita ko sa mga mata ng aking kaibigan na may alam siya sa nangyayari. Na hindi ko naitago salungat sa aking inakala ang namamagitan sa amin ni Sita. Huminga na lamang ako ng malalim at tumango. Gumanti ng tango si Ambrosio. Pagkuwa'y nagpatiuna siyang maglakad palabas ng bahay. Ako'y sumunod, tensiyonado at nakakuyom ang mga kamao.
Kami'y naglakad sa lupain ng pamilya ng aking kaibigan. Mahabang sandaling tahimik lamang kaming naglalakad, iginagala ang tingin sa malawak na palayan ng mga Cunanan.
"Kababata ko si Sita," biglang usal ni Ambrosio. Ako'y napatingin sa kanya subalit bago ako makaapuhap ng sasabihi'y nagpatuloy sa pagsasalita si Ambrosio, nakatingin pa rin sa aming tinatahak na daan at hindi sa akin. "Nagkaisip akong kilala ko na siya. Dalawang taon o tatlong taong gulang ako sa aking pagkakatanda. Siya lamang ang nag-iisang bata na hinahayaang manatili sa aming bahay mula pa noon kaya naman naging kalaro ko siya at naging malapit kami sa isa't isa. At nang kami ay nagsimulang lumaki ay nanatili kaming malapit sa isa't isa. Nang halos lahat ng mga kalalakihan na kaedad namin ay nagsimulang umakyat ng ligaw sa kaniya ay ako ang nagtataboy sa mga nababatid kong paglalaruan lamang siya."
Huminto sa paglalakad si Ambrosio at sa pagkakataong iyo'y humarap sa akin. Seryoso ang ekspresyon sa kanyang mukha at matiim ang tingin nang salubungin niya ang aking mga mata. "Hindi ako manhid Flor. Ako'y may napapansin subalit nanatili akong tahimik, nakikiramdam, nag-oobserba."
Ako'y huminga ng malalim subalit hindi ko binawi ang aking tingin. "Gusto ko si Sita, Ambrosio," determinadong wika ko.
"Alam kong gusto mo siya, Flor. Sa iyong palagay ay hindi ko ba mapapansin ang tinging ipinupukol mo sa kaniya sa tuwing malapit siya lalo na tuwing tayo'y nasa simbahan para dumalo sa misa? Subalit hindi iyon ang nais kong malaman. Bilang kaibigan mo'y nais kong maging tapat ka sa akin, Flor. Seryoso ba ang nadarama mo para kay Sita? Iniibig mo ba siya?"
BINABASA MO ANG
A WISH FROM CHRISTMAS PAST (a holiday story)
Historical FictionMagkaibang magkaiba sina Reira at Simon Ker. Si Reira ay positibo, lumaki sa isang masaya at mapagmahal na pamilya at pasko ang paboritong holiday. Habang si Simon Ker naman ay ubod ng sungit, may hindi magandang alaala ng kanyang kabataan at ayaw s...