chapter 3

3.3K 68 0
                                    


NADATNAN ni September ang mommy niya sa kusina. Nakatalikod ito sa kanya at hindi yata namalayan ang pagdating niya. Galing siya sa kuwarto ni Lolo Tero. Noong isang araw pa ito nakauwi galing sa ospital. Isinugod ito roon dahil na-stroke na naman daw ito. Kung dati ay nakakalakad-lakad pa ang lolo niya, sa pagkakataong iyon ay naapektuhan daw ang parte ng utak nito na kumo-control sa motor skills nito. Kailangan daw ng agarang physical therapy kung gusto nilang magkaroon ng pag-asang makalakad pa ito. Kaya lang, pera ang kailangan. Ang laki na nga ng nagastos nila sa pagkaka-ospital nito. Halos masaid ang savings nila. Kaya hindi na nagulat si September nang makitang lulugo-lugo ang mommy niya.

"'My..." Hinawakan niya ito sa balikat.

Mabilisang nagpunas ng mukha ang mommy niya. Hula niya, umiiyak ito.

"O, kumusta ang lolo mo?" tanong nito, medyo namimiyaos pa ang boses.

"Okay naman, 'my. Natutulog siya nang iwan ko. Binilinan ko na si Claire ng gagawin niya." Naupo siya sa silyang kalapit ng sa mommy niya. "Ikaw, 'my, okay ka lang ba?"

"O-oo naman," anito. Pero sa itsura nito ay nahuhulaan ni September ang tutoo. Hindi ito okay. "Kaya lang kasi...bayaran na ng tuition ng kapatid mo sa makalawa. Mag-e-exams na sila kaya pag hindi nakabayad..." Hindi nito naituloy ang sasabihin. Nanganib yatang mabasag ang boses nito.

"May konti pa naman akong naitatabi, 'my. Iyon na muna ang ipambayad niya," presinta ni September. Hindi iyon galing sa savings niya, sa tutoo lang. Ang balak niya ay babawasan na lang muna ang kapital na pinapaikot niya para sa business nila ni Mariz. Pero hindi na kailangang malaman iyon ng mommy niya dahil tiyak na tatanggi ito sa alok niya.

"Sigurado ka ba diyan? Ang ibig kong sabihin baka ikaw naman ang magipit," anito.

"Hindi 'yan, 'my. Think positive daw dapat, di ba? Kaya dapat isipin mo siksik, liglig at umaapaw ang grasyang darating sa 'kin," biro niya.

"O siya, sige, wala akong choice kundi tanggapin ang alok mo. Pero 'wag kang mag-alala, ibabalik ko rin agad ang pera mo kapag nakaluwag-luwag ako."

"Okay lang, 'my kahit abutin ng forever."

"Salamat, anak." Inabot nito ang kamay niya at pinisil iyon sa pasasalamat.

Pinilit ngumiti ni September kahit pa iniisip niya na baka nga abutin ng forever bago sila makaluwag-luwag. Maraming gastusin at hindi makasabay iyong income nila. Sigurado kapag naka-graduate na ang kapatid niya ay baka makahinga-hinga na sila. Kaya lang ay matagal pa iyon. Bakit nga ba kasi walang namimigay ng isang milyong piso?

"O sige, mauna na 'ko at may mga aasikasuhin pa 'ko," paalam ng mommy niya saka ito tumayo na.

"Ibibigay ko na lang mamaya iyong pang-tuition," pahabol niya.

Bumaling ito sa kanya saka ngumiti. Napabuntonghininga naman si September nang mag-isa na siya sa kusina. Masakit sa ulo ang mag-isip ng tungkol sa pera lalo na kung wala siya niyon. Iyong pagte-therapy ni Lolo Tero, mukhang hanggang pangarap na lang muna. Kada-session ang bayad sa PT at hindi naman singkong duling lang ang singil ng mga ito. Kung hindi rin lang maitutuloy-tuloy iyon ay hindi rin magiging epektibo. Saan nga ba kasi pinupulot ang salapi?

"Aaaay kabayong kirat!" Ang lalim ng iniisip niya kaya nang mag-ring ng pagkalakas-lakas ang cellphone niya ay nagulat pa siya.

"O, Mariz, anong meron? Sana pera," sagot niya sa kaibigan.

"'Musta ka ba?" tanong nito.

"Buhay pa naman. Wala nga lang datung."

"Gusto mong uhh, magkape?"

To Love a Robot by Kayla Caliente (published) completedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon