Ilang ulit na sigurong napahinga ng malalim si Ami at parang pinipiga ang puso niya habang nakapangalumbaba siya at malalim na nag iisip at pinagmamasdan ang masugid niyang manliligaw na si Cliff. Sa kauna unahang pagkakataon sa buhay niya ay may nanligaw sa kaniya, may nag iisang living thing na nakapansin sa ganda niya at hindi nangilag sa pagiging suplada niya.Dapat ay matuwa siya, dapat ay ipagmalaki niya iyon. Pero may problema, hindi niya gusto si Cliff. Hindi living thing ang tingin niya rito kundi isang kutong lupa! Papaano niya magagawang matuwa habang nakikita niya ang baduy na porma nito? Papaano siya kikiligin kung kahit ang lola niya -kung nabubuhay pa ito at sumalangit nawa ang kaluluwa ng mahal niyang lola- ay hinding hindi magugustuhan si Cliff, kung sakaling nabuhay sa iisang panahon ang mga ito.
Pinagmasdan niya si Cliff. Makapal na salamin, tuod na buhok, makulay na polo na daig pa ang abstract painting pagdating sa mga kakaibang disenyo, saang parte siya tutubuan ng kilig para rito? Sa lahat ng nerd ay si Cliff ang mayroong lakas ng loob na manligaw ng babae at hindi niya maituturing na swerte na siya ang pinili nitong pormahan.
Hindi naman sa nagmamaganda o nagmamalaki si Ami. Simple at ordinaryo lang siya at aminado siya na kung ikukumpara siya sa mga magaganda at maladiyosang babae sa LeeTanCo University ay tiyak na talo na siya. Pero kahit ano yatang mangyari ay hindi talaga siya natutuwa sa sitwasyon niya ngayon.
"Google ka ba?" tanong ni Cliff. Kanina pa panay ang banat nito ng walang kamatayan na pick up lines.
"B-bakit?" Naguguluhang tanong niya.
"Kasi na sa'yo na ang lahat ng hinahanap ko eh." Nakangiting sagot naman nito. Napansin niya na pinagdikit nito ang mga daliri na parang natetensiyon ito sa hindi niya malaman na dahilan. Sa halip na matuwa ay nagusot lang ang ilong niya at ibinaling ang pansin sa ibang panig ng cafeteria na kinaroroonan nila.
Sa totoo lang ang sarap nitong ipasagasa sa motor habang nakangisi ito. Bakit hindi na lang kaya magpaconvert ito sa non living thing from living thing para matahimik na siya?
"Tatakbo ka ba sa eleksiyon?" Tanong ulit nito.
"Bakit?" Tabingi ang ngiti na balik tanong niya sa lalaki.
Kailan pa ito natutong bumanat ng mga corny na pick up line? Patawarin sana siya ng nanay niya dahil simula't sapul ay walking library na ang tingin niya sa anak ng kaibigan nito."Kasi botong boto sa'yo ang parents ko eh." Nagniningning ang mga matang wika nito. Pilit na ngumiti siya at ibinalik ang tingin kay Cliff.
Iyon ang problema. Ang mga magulang nila ay matalik na magkaibigan. Botong boto daw sa kaniya ang mommy nito ayon dito pero hindi niya naalalang sinabi ng kaniyang ina na boto din ito sa binata para sa kaniya.
"Pakisamahan mo na lang." Iyon ang madalas na bilin ng kaniyang ina sa tuwing naiinis siya sa walang tigil na panunuyo sa kaniya ng anak ng kaibigan nito.
Hindi siya umimik at muling nag iwas ng tingin dito. Iilan pa lang ang estudyanteng naroon sa Cafeteria ng university dahil bandang alas otso palang mahigit ng umaga. Sa Cafeteria niya naisipan na tumambay kanina para na rin makapag almusal siya. Maagang umalis ang mga tao sa bahay nila at wala siyang oras na magluto kaya doon na lang siya nagpasiyang kumain pero wala pa siyang sampong minuto sa pwesto niya ay dumating na si Cliff at agad na nag umpisa na sa panunuyo sa kaniya.
Hindi sinasadyang nagawi ang mga mata ni Ami sa isang grupo ng mga kalalahikan na kumakain sa isang sulok ng cafeteria. Panay ang tawanan at asaran ng mga ito habang kumakain habang ang mga babaeng nasa paligid ay nakanganga lang habang pinagmamasdan ang bawat kilos ng mga lalaki sa grupo.
Parang mga artista.. naiiling na sabi niya sa sarili.
Daig pa niya ang nakapunta sa Hollywood habang nakatingin siya sa mga gwapong lalaki. May kamukha ni Channing Tatum, Taylor Lautner, Zac Efron at Logan Lerman. Hindi rin nakaligtas sa mga mata niya ang singkit na lalaking kahawig ni Lee Min Ho. Pakiramdam niya kapag nakakakita siya ng kagaya ng mga ito na ubod ng gwapo ay wala siya sa totoong mundo, nasa langit siya!
BINABASA MO ANG
HALF A HEART WITHOUT YOU (PUBLISHED UNDER PHR PUBLISHING)
RomanceNaging raket na ni Ami ang gumawa ng projects at thesis ng mga tamad na estudyante sa kanilang university. At isa sa mga suki niya ay ang napakaguwapo at kilalang commercial model na si Hunter Alexzaynder Majid. Isang araw ay nangailangan si Hunter...