Bahagyang napaigik si Ami nang maramdaman niya na parang may mabigat na bato ang nakadagan sa ulo niya. Mabilis na nagmulat siya ng mga mata para alamin kung nasaan siya.
Natigilan siya nang makita si Hunter habang kampanteng nakatayo ito sa hamba ng pinto at nakatingin sa kaniya. Nakapaloob sa bulsa nito ang mga kamay nito at daig pa nito ang nasa pictorial at nagpopose para sa isang magazine sa tindig nito ngayon. Tinangka niyang muling pumikit para magkunwaring matutulog ulit pero narinig niyang nagsalita ito.
“Huwag ka nang magkunwaring natutulog baka masobrahan ka na niyan bangungutin ka pa.” Anito.
Agad na namula ang mga pisngi niya sa narinig. Nanghahaba ang nguso na dahan dahan siyang bumangon kahit pakiramdam niya ay matutumba pa rin siya dahil sa kaunting pagkahilo.
“N-nasaan ako?” Naguguluhang tanong niya sa lalaki.
Nakapamulsa pa rin ito ng maglakad ito patungo sa kaniya at tumayo ito sa may paanan niya. Napakunot noo siya ng mapansin ang maliit na silid na kinaroonan niya. Kulay puti ang bawat paligid ultimo kurtinang naroon.
“Nandito ka sa company clinic namin.” Maikling sagot nito sa kaniya.
Napaawang ang mga labi niya at saka biglang bumuhos ang alaala sa isip niya kung saan aksidenteng tumama ang ulo niya sa pinto dahilan para mawalan siya ng malay.
“Senyorito, nandito na po ang ice bag.” Narinig niyang wika ng isang may edad na babae sa likuran ni Hunter.
Nilingon ito ng lalaki saka kinuha ang ice bag at nilapitan siya. Ang buong akala niya ay ibibigay nito sa kaniya ang ice bag pero nagulat na lang siya nang hawakan nito ang mga balikat niya at isandal nito ang likod niya sa headboard ng kama.
Dahil tulala ay hindi agad niya napansin nang idikit ni Hunter ang ice bag sa noo niya. Malakas na napahiyaw siya dahil sa pagkagulat niya. Dahil sa lakas ng sigaw niya ay halos matisod na ang isang nurse sa pagtakbo na hindi niya alam kung saan nanggaling at nilapitan sila.
“Okay ka lang po?” Nag aalalang tanong ng nurse sa kaniya.
Nagkaroon yata ng bara sa lalamunan niya at hindi niya magawang sumagot sa tanong ng babae.
“Don’t worry, she’s fine.” Wika ni Hunter dito.
Tumango ang nurse at muling umalis. Naaaliw na nilingon siya ng lalaki.
“Ang ingay mo, alam mo ba iyon?” Nakangising sabi nito.
Napalabi siya sa sinabi nito.
“Sino ba kasi ang may sabi sa'yo na lagyan mo ako ng ice bag sa noo? Hello! Nagulat kaya ako kasi ano—akin na nga!” Tinangka niyang bawiin ang ice bag dito pero iniwas lang nito iyon.
Wala na siyang nagawa kundi sumuko. Sa haba ba naman kasi ng kamay nito, baka lalong sumama ang pakiramdam niya kapag nakipagtalo pa siya.
Marahang idinikit ni Hunter sa ibabaw ng noo niya ang ice bag na ikinagitla na naman niya. Napasimangot na siya at tinapik ang kamay nito pero hindi ito natinag.
Napahalukipkip siya at nag iwas ng tingin. Nagmumukmok na bumulong siya sa hangin ng isang maikling panalangin.
“Lord, naging mabait naman ako 'di ba? Bakit nahihirapan ako ng ganito? Promise magpapakabait na ako hindi na ako mangungupit ng Oreo sa tindahan ni Nanay, basta ilayo mo lang ako sa kutong lupang nilalang na itey!”
“May sinasabi ka, baby?” Kunot noong tanong nito sa kaniya.
Kamuntik nang gumulong sa sahig ang puso niya sa narinig. Mahinang tinampal niya ang matigas na braso nito.
BINABASA MO ANG
HALF A HEART WITHOUT YOU (PUBLISHED UNDER PHR PUBLISHING)
RomanceNaging raket na ni Ami ang gumawa ng projects at thesis ng mga tamad na estudyante sa kanilang university. At isa sa mga suki niya ay ang napakaguwapo at kilalang commercial model na si Hunter Alexzaynder Majid. Isang araw ay nangailangan si Hunter...