Napapailing na lang si Ami habang naglalakad siya palabas ng campus nila. Kanina pa niya napapansin na pinagtitinginan siya ng mga estudyante. Napakamot na lang siya sa ulo ng maalala ang buong araw niya. Wala naman masyadong nangyari ngayong araw maliban sa mga kababaihan na malapit na siyang hamunin nang sapakan kung hindi lang dumating ang isang professor nila. Dapat siguro ay maging alerto siya sa buong paligid dahil baka mamaya ay may lumilipad na sapatos o kaya ay paso at tamaan siya.
“Pahamak kasing Hunter na iyon eh.” Naiinis na turan niya habang patuloy lang siya sa paglalakad.
Pakiramdam niya ay may mga taong gustong sumipa sa kaniya dahil ganoon na lang kung irapan siya ng mga ito.
Kalma ka lang!
Pilit na inignora niya ang mga ito.
“Siya ba? Siya iyong sinasabi nila na girlfriend ni Hunter? Bakit ang chaka?” Nakataas ang kilay na tanong ng isang magandang babae na nakasalubong niya sa kasama nito.
Napatiim baga siya sa narinig at pilit na kinalma ang sarili. Hindi siya pwedeng makipag away dahil baka maapektuhan ang scholarship niya.
Napabuntong hininga na lang siya at hindi na pinansin pa ang mga ito. Kanina pa niya naririnig ang hindi magagandang komento ng mga tao para sa kaniya at kung magsasalita siya ay gagawa lang iyon ng gulo. Para sa isang kagaya niyang scholar ay hindi siya maaaring masangkot sa anumang away dahil baka maging dahilan pa iyon para matanggal siya sa schoolarship niya. Hindi siya kagaya ng mga ito na nakahiga sa salapi at kayang paikutin ang pera para lang hindi maparusahan.
Mabigat ang mga hakbang na nilampasan na niya ang mga ito. Ngunit hindi pa man siya nakakalayo ay nakita na niya ang grupo ni Georgina palapit sa kaniya. Tantiya niya ay nasa walo ang mga ito, nasa likod ang pito habang sa unahan ay ang kilalang spoiled brat na si Georgina. Tinangka niyang umiwas pero huli na ang lahat. Nanlilisik ang mga matang tiningnan siya ng babae bago nilapitan.
Shit!
Ngayon lang siya nakaramdam ng ganoon na parang nalalapit na ang huling araw niya sa mundo.
"You!” Nanlilisik ang mga matang sikmat ni Georgina sa kaniya.
Hindi pa ito nakontento na tingnan lang siya ng masama dahil itinulak pa siya nito. Bahagya siyang napaatras at nagtatanong ang mga matang tiningnan ang babae.
“Anong problema mo?” Pinaningkitan niya ito ng mga mata.
Naikuyom niya ang mga palad dahil sa pagtitimpi niyang gumanti sa ginawa nito.
“Anong problema ko?” Pasarkastikong tumawa ang babae at ang mga kasama nito. “Ikaw! Ikaw lang naman ang problema namin. Imagine! Ang isang lalaki na kagaya ni Hunter, naging boyfriend mo? Impossible! Umamin ka nga, ginamitan mo siya ng gayuma, 'di ba?” Nanggigigil na asik nito sa kaniya.
Hindi agad siya nakahuma lalo pa at narinig niya ang pagbubulungan ng mga taong nasa paligid nila. Ilang taon siyang namuhay ng tahimik habang nag aaral siya sa unibersidad na iyon at hindi niya inaasahan na mangyayari ang ganoong bagay sa kaniya.
Huminga siya ng malalim at hindi na pinansin ang mga ito.
“Excuse me.”
“Umamin ka na kasi!” Angil ulit nito sa kaniya.
“Wala naman kasi akong alam sa sinasabi mo kaya wala rin akong aaminin sa inyo.” Tanging naisagot niya dito.
“Really? Pwes! Ipaliwanag mo nga kung bakit ka niya nagustuhan, ha? Ano? feeling mo fairytale lang ang lahat nang nangyayari? At sino ka naman, si Cinderella?” Nakataas ang isang kilay na pinamaywangan siya nito.

BINABASA MO ANG
HALF A HEART WITHOUT YOU (PUBLISHED UNDER PHR PUBLISHING)
RomanceNaging raket na ni Ami ang gumawa ng projects at thesis ng mga tamad na estudyante sa kanilang university. At isa sa mga suki niya ay ang napakaguwapo at kilalang commercial model na si Hunter Alexzaynder Majid. Isang araw ay nangailangan si Hunter...