Kabanata 2

7.2K 52 0
                                    

Nakaalis na si Klien nang dumating ang mga damit na sabi niyang ipapadala niya sa silid ko. Sinabi niya ang pangalan niya sa akin pero hindi naman siya nagtanong kung ano ang pangalan ko. Sabagay baka iniisip niya na ang pangalan ko ay Arvia, dahil iyon naman ang alam ng mga tao. Ako ang kinikilala nilang Diyosa Arvia. Thalia ang pangalan ko, iyon lang naman ang tanging natatandaan ko. Natatandaan ko na tinatawag ako sa pangalang iyon noong bata pa ako pero malabo ang lahat, hindi ko maalala ang pinagmulan ko o kahit pangalan manlang ng magulang ko.

"Ano kayang mas maganda?" tanong ko sa sarili ko habang namimili sa dalawang bestida na hawak ko.

Bumuntong hininga ako, bakit ba iniisip ko pa kung alin ang maganda? Hindi naman mahalaga iyon. Ang mahalaga ay may suot akong damit para hindi ako ginawin. Tinignan ko pa ang laman ng mga lagayan at may nakita ako roong mga panloob, alam ko namang panloob na kasuotan ito ng mga babae. Minsan ko na itong nakita sa mga sampayan sa Santora. Wala nga lang ako ng mga ito. Binibili pa iyon at wala naman akong pera na pangbili.

Tinuro na rin sa akin ni Klien ang banyo kung saan maaari raw akong maligo. Natakot pa ako noong una nang biglang may lumabas na tubig sa tinitawag niyang shower. Mabuti na lang at matapang ako kaya hindi ako tumakbo. Binuksan ko ang shower at agad na tumapat doon. Tuwang-tuwa akong naligo, may mga sabon din. Sa templo ay wala akong mga gamit na ganito, sa batis lang ako naliligo at walang mga sabon na ginagamit sa katawan.

"Hmmm... mmm...mmm," umaawit ako habang masayang pinapabula ang sabon sa katawan ko.

Inamoy ko pa iyon at napakabango!

Nang matapos na akong maligo ay nagtapis ako ng tuwalya. Alam ko naman kung paano iyon gawin. Ang problema ko lang ngayon ay kung papaano ko susuotin ang panloob na nilalagay sa dibdib. Hindi ko alam kung paano iyon isuot. Bilin pa naman ni Klien na dapat daw akong magsuot ng panloob na kasuotan, kung hindi ay ipapatapon daw niya ako sa dagat. Napanguso ako, ang tapang niyang takutin ako kahit na ang nasa isip niya ay isang diyosa ako. Ang lakas ng loob niyang lapastanganin ang isang diyosa!

Naisuot ko na ang panloob sa ibaba ang problema ko na lang ay itong para sa dibdib. Dinampot ko ito at sinipat na mabuti. Paano ba ito? Tinaas ko pa iyon at pinagmamasdang mabuti, nasa ganoong ayos ako nang bumukas ang pintuan at pumasok si Klien.

"What are you doing?" parang naiiritang tanong niya.

Lumingon ako sa kan'ya at winagayway ang hawak ko.

"Hindi ko alam kung paano suotin ito,"sambit ko.

"Tsk." Lumapit siya sa akin at inagaw iyon sa kamay ko.

Hinigit niya ang isang kamay ko at pinasok iyon sa parang tali at ganoon din ang ginawa sa kabila. Pinatalikod niya ako at tila may sinabit siya sa likod ko.

"Magsuot ka nang damit!"

Sinunod ko naman ang sinabi niya at kinuha ang bestida na napili ko kanina. Habang sinusuot ko 'yon ay hindi siya nakatingin sa akin. Pansin ko rin ang pamumula ng kan'yang leeg at tenga. Nilalagnat ba siya?

"Alisin mo na 'yang towel sa katawan mo," utos niya.

Sinunod ko naman siya. Bakit ba parang naiinis siya? Tinutulungan lang naman niya ako magbihis, nagagalit na siya.

"Bilisan mong mag-ayos, isasama kita sa silid ni Thalia," dagdag niya pa.

Tumango naman ako at agad na nagsuklay ng buhok. Matapos kong gawin iyon ay agad na humarap ako sa kan'ya.

"Tapos na," sambit ko.

Nauna na siyang maglakad palabas at sumunod naman ako. Nagulat lang ako nang biglang tumigil siya kaya naman bumangga ako sa likod niya. Bakit ang tigas ng likod niya? Bato ba ang katawan niya?

"B-Bakit?" Takang tanong ko sa kan'ya.

Humarap siya sa akin at bumaba ang tingin sa mga paa ko. Ano naman kayang problema niya sa paa ko? Nilinis ko naman iyon ng maayos. Nag-aalala ba siya na madudumihan ko ang sahig?

Bumuntong hininga siya at muling pumasok sa loob ng silid. Nagtungo siya roon sa mga pinamiling gamit para sa akin. May kinuha siya sa isang lagayan at dinala iyon papalapit sa akin.

"Isuot mo," sabi niya.

Naaalala ko noong bata pa ako ay may ganito rin akong sapin sa paa, maliit na nga lang kaya hindi ko na nasusuot. Sinuot ko iyon gaya ng utos niya. Nagsimula na ulit siyang maglakad at sumunod naman ako. Ang sabi niya ay magtutungo kami sa silid ni Thalia. Siguro ay iyon ang sinasabi niya na fiance, na ang ibig sabihin pala ay mapapangasawa.

Nakakatuwang isipin na magkapangalan pa talaga kami. Pero wala naman akong panahon para matuwa. Sa mga oras na ito ay kinakabahan na ako, hindi ko alam kung papaano ko pagagalingin si Thalia. Wala naman talaga akong kapangyarihan o mahika. Sa siyudad siya nakatira pero naniniwala siya sa mga ganoong bagay.

Tumigil siya sa harap ng isang pinto at binuksan iyon. Nang pumasok siya ay pumasok din ako, bumungad sa amin ang isang babae na nakahiga sa kama. May mga nakakabit sa kan'yang katawan, hindi ko naman nauunawaan kung ano ang mga iyon.

"Pagalingin mo siya sa loob nang dalawang linggo kung hindi ay..." hindi niya tinuloy kung ano man ang sasabihin niya.

"K-Kung hindi?" Kinakabahang tanong ko. Anong gagawin niya kung hindi ko mapagaling si Thalia?

Ngumisi siya nang nakakatakot... Agad na bumilis ang tibok ng puso ko, anong gagawin niya?

"Malalaman mo kapag hindi mo siya napagaling, pero binabalaan kita, hindi mo nanaisin iyon," banta niya.

Nanlaki ang mata ko, ano 'yon? Hindi na ako nakapagsalita at iniwan na rin niya ako roon. Kinakabahan akong lumingon kay Thalia.

"Anong gagawin ko?" tanong ko rito kahit na hindi naman ito sasagot.

Bumuntong hininga ako bago naupo sa upuang malapit sa kama niya. Pinagmasdan ko si Thalia, maganda siya. Ang buhok niya ay kulay itim, makinis ang balat, matangos ang ilong, ang labi niyang maliit ay mamula-mula. Bakit ang ganda niya kahit may sakit siya? Pero tulog lang naman siya 'di'ba? Ang sabi lang naman ni Klien ay hindi ito nagising simula noong maaksidente.

"Baka naman hindi ka nila ginigising kaya tulog ka pa rin," sambit ko kay Thalia.

Hindi ito sumagot, natural tulog siya e.

"Uyy," bahagya ko siyang sinundot sa braso.

Haayy, ang himbing naman nang tulog niya. Gaano na kaya siya katagal tulog? Bakit kaya hindi siya nagigising? Siguro ay maganda ang panaginip niya, baka nasa maraming pagkain siya tapos lahat pwede niyang kainin kaya ayaw niyang gumising. Kahit naman siguro ako, ayaw ko nang gumising kapag ganoon ang panaginip.

Aha! Agad kong sinundot ang tagiliran niya, pero walang naging epekto. Wala ba siyang kiliti roon? Baka sa kilikili, sinubukan kong iangat ang kan'yang kamay at kiniliti ang kilikili niya.

"Haayy, nasaan ba ang kiliti mo?" wala sa sariling tanong ko sa kan'ya.

"Sa paa!"

Mabilis akong nagtungo sa paahan niya at kiniliti ang talampakan nito.

"Kuchiii... Kuchii..." sambit ko habang kinikiliti.

"What the hell?!"

Napapitlag ako nang dumagundong ang boses ni Klien.

"What are you doing?!" Galit na tanong niya.

The Goddess HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon