Kabanata 3

6K 51 0
                                        

Mabilis kong inalis ang kamay ko sa talampakan ni Thalia. Naiilang akong ngumiti kay Klien.

"Anong ginagawa mo?"

"Ritwal?" patanong na sagot ko sa kan'ya.

"What?" Kalmado nang tanong niya.

"Ritwal, para magising siya," sagot ko. Nakagat ko ang ibabang labi ko sa pagsisinungaling ko na iyon. Sana lang ay maniwala siya, nakakahiya siguro ay iniisip niya na nga na hindi ako totoong diyosa.

"O...kay," tumango-tango siya.

Nakahinga ako nang maluwag nang maniwala siya. Agad na gumuhit ang ngiti sa mga labi ko, madali naman pala siyang kausap. Akala ko talaga ay isang leon siya kanina na handa na akong lapain dahil sa ginagawa ko.

"Sumama ka sa'kin, kakain na tayo," sambit niya bago nauna nang lumabas.

Nagningning ang mga mata ko sa sinabi niya. Iyon lang yata ang nagugustuhan ko sa mga lumalabas sa bibig niya. Ang kumain, masarap ang mga pagkain nila rito, kumpara sa mga alay ng tao sa Santora. Kadalasan ay walang lasa ang mga dinadala nilang alay. Tinitipid yata nila sa sangkap, gusto ko rin naman ng malasa.

Nang makarating kami sa baba ay namangha ako sa lawak ng kan'yang bahay. Maraming bagay akong nakikita na hindi ko naman alam kung para saan. May mga tao rin na nandoon at mukhang naglilinis ng bahay. Katulad nang pagkamangha ko ay mukhang namamangha rin ang mga ito. Nakaangat ang mga labi nila at tila buwan sa bilog ang kanilang mga mata.

Gusto ko sanang itanong kung ngayon lang ba sila nakakita ng tao pero naisip kong diyosa nga pala ang tingin nila sa akin kaya sila namamangha nang ganoon.

Tuloy lang sa paglalakad si Klien kaya naman ako ay sumusunod lang sa kan'ya.

Nang tumigil siya ay agad na namilog ang mga mata ko. Ang lawak! Napakahaba ng lamesa at maraming upuan. Marami kayang kumakain dito kaya ganito?

Naupo si Klien kaya naman naupo na rin ako. Nakatingin lang ako habang mabagal na kumakain si Klien. Hindi ba namin hihintayin ang iba? Nang mapansin niya na hindi ako kumakain ay napatigil siya at kumunot ang noo.

"Bakit hindi ka pa kumain?" Tanong niya.

Tumingin ako sa paligid at napansing wala pang dumarating para kumain sa mga libreng upuan.

"Hindi ba natin hihintayin ang iba?"

Pinunasan niya ang gilid ng labi niya bago ako pinagmasdan.

"So you really have powers? Alam mong may parating," sambit niya.

Ha? Anong sinasabi niya? Sa rami ng upuan ay iniisip kong may uupo talaga roon na kasabay naming kumain. Tumigil na siya sa pagkain at mukhang katulad ko ay naghihintay na rin.

Ilang saglit pa ay isa-isang dumating ang mga lalaking guwapo. Namamangha ako sa mga taglay nilang kakisigan, malaki ang mga katawan at makikinis ang mga balat. Ibang-iba sa mga tao sa Santora, wala naman akong nakitang ganyang itsura roon. Kahit nga yata mga binata ay hindi papantay sa kanilang angking kaguwapuhan.

"The Goddess is drooling over me," ani nang isa.

Hindi ko nauunawaan kaya naman lumingon ako kay Klien, baka sakaling ipaliwanag niya sa akin.

"You're so full of yourself, Vasier," sambit naman nang isang tila tsokolate ang kulay ng balat.

"Sinabi mo pa, Marco," si Klien.

Nilibot ko ang paningin ko at halos magtago na lang ako sa ilalim ng lamesa sa sobrang nakakatakot na enerhiyang nararamdaman ko sa kanila.

"Kumain na tayo," sambit ni Klien.

"Oo nga, himala lang at hinintay mo kami ngayon," sabi noong pangalan ay Vasier.

Sumulyap sa akin si Klien at binalewala ang sinabi ng kaibigan. Kung ganoon ay madalas hindi niya hinihintay ang mga ito. Nag-uusap sila sa mga bagay na hindi ko naman naiintindihan. Ang mahalaga ay tahimik akong kumakain. Nahihirapan nga lang ako dahil gumagamit ng kutsara, pakiramdam ko ay hindi ako mabubusog. Nahihiya naman akong kamayin ang pagkain gayong lahat sila ay ekspertong gumagamit ng kutsara at iba pang metal na kasangkapan.

"Why do you all want to come here anyway?"

Hindi ko nauunawaan ang sinabi ni Klien sa mga kaibigan niya pero sa tono ng pananalita niya ay mukhang tinatanong niya ang mga ito.

"Because of her," sambit ng pinakamalamig tumingin sa kanila bago lumingon sa akin.

Ha? Ano kayang ibig sabihin niya? Pinag-uusapan ba nila ako?

"Pinag-uusapan n'yo ba ako?" Tanong ko sa mga ito.

"Yes," sagot noong lalaking pinakamalamig tumingin at tumango pa. Mabuti naman at hindi ito nagsinungaling.

"Anong pangalan mo?" Tanong ko.

"Mirko," tipid na sagot nito.

Bumaling ako sa iba at itatanong ko rin sana ang mga pangalan nila pero sinita ako ni Klien.

"Hindi mo kailangang malaman ang mga pangalan nila. Umakyat ka na sa kwarto mo pagkatapos mong kumain," sabi niya. Bakit ang sungit niya? Wala naman sigurong masama kung gusto ko malaman ang pangalan ng mga kaibigan niya.

"Possessive, hahaha," sambit nang isa habang tumatawa at sinabayan ng ilan sa kanila. Mukhang pinagtatawanan nila ang inasta ni Klien.

Hindi ko maunawaan ang mga kinikilos nila, marahil ay dahil hindi ko naman naranasang makihalubilo sa mga tao. Hindi ko kailanman naranasang makisama o makipag-usap sa mga tao. Ngayon ko lang ito nararanasan, lahat ng bagay ay bago para sa akin.

Matapos kong kumain ay nagpaalam na ako sa kanila. Kahit na gustuhin ko pang makinig sa kanilang pag-uusap na wala naman akong naiintindihan, ay hindi maaari. Ayokong suwayin ang utos ni Klien, ayokong magagalit ito sa akin. Baka mamaya ay palayasin ni ako o kaya naman ay itapon sa gitna ng dagat kung saan maaaring kainin ako ng pating. Madalas ko iyong marinig sa mga mamamayan ng Santora pero hindi ko naman alam kung ano ba ang itsura ng isang pating.

Naisipan kong pumunta muna sa kwarto ni Thalia siguro kung palagi ko itong pupuntahan ay baka sakaling magising ito. Kung palagi akong mag-iingay sa kwarto niya, hindi ba't nakakairita iyon, maaabala ang kan'yang pagkakahimbing.

"Thalia," tawag ko rito nang makarating ako sa kan'yang silid.

"Alam mo ang ganda mo, sayang ang ganda mo kung matutulog ka lang."

Para akong baliw na kinakausap iyong tulog. Ano kayang magandang sabihin para gumising na siya? Aha! Alam ko na!

"Kapag hindi ka pa gumising aagawin ko sa'yo si Klien!" Banta ko sa kan'ya. Huh! Siguradong gigising na siya.

"What did you say?"

Napatakip ako sa bibig ko at nanalalaki ang matang lumingon sa pintuan. Bakit ba lagi na lang niya akong nahuhuli?!

The Goddess HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon