CHAPTER ONE
"TRINA, padaan dito si Miss Kurdapia!"
Narinig ni Aya ang sinabing iyon ng kaklase. Nakatingin ang grupo ni Trina sa kanya. Hindi niya iyon pinansin. Sanay na siya sa ginagawa ng mga ito. Kung masaya ang mga ito sa pagtatawa sa kanya ay hindi niya papatulan ang mga ito.
"My gosh! Look at that outfit! Green blouse and brown super habang skirt. Ano ka, puno?" titig na titig sa kanya si Trina kaya alam niya na siya ang kinakausap nito. Nagtawanan naman ang tatlong babae na kasama nito. Mga kaklase niya rin ang mga iyon. "Bakit ba kasi tumataggap ang university na 'to ng mga taong masakit sa mata ang hitsura? Gosh, ano ba ang akala nila, zoo ito?"
Nagkunwari siyang walang naririnig. Tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad. Taas-noong nilampasan niya ang kumpulan nila Trina. Kaya naman hindi niya napansin nang patirin siya ng isang ka-barkada nito.
Masaganang halakhak ang umalingawngaw sa tainga ni Aya kasabay ng pagdikit ng kanang pisngi niya sa malamig na tiles na sahig. Naramdaman niya ang kirot sa kanyang katawan ngunit wala nang mas tatalo pa sa kirot na nararamdaman niya sa kanyang puso dahil sa tawanang pumulandit sa buong hallway ng College of Engineering na kinaroroonan nila.
Third year college na siya ngayon. Magmula pa noong unang taon niya sa kolehiyo ay kaklase na niya si Trina. Noon pa man ay hindi na siya tinatantanan nito. Lagi siya nitong pinagtatawanan at ipinapahiya.
Dahil sa walang uniform na required sa kanilang university ay malaya silang magsuot ng damit na nais nila. Madalas kutyain ni Trina ang pananamit niya. Nineteen kopong-kopong pa daw ang fashion statement niya. Mahilig kasi siya sa mahahabang palda na halos umabot na sa kanyang sakong at wala na sa usong blouse. Alam niyang luma na nga ang style niya ngunit doon siya komportable kaya hindi na niya pinagtuunan pa ng pansin ang bagay na iyon.
Lumaki siya sa kanyang yaya Celing. Limang taon siya nang mamatay ang kanyang mga magulang sa isang aksidente. May dalawa siyang kuya na matanda sa kanya ng sampung taon. Ang yaya niya ang tumayong nanay at tatay niya kaya naman lahat ng nakagisnan nito ay naipasa nito sa kanya. Prinsipyo, mabuting kaugalian at pati konserbatibong pananamit ay kopyang-kopya niya. Noong isang taon lang ay pumanaw ang yaya niya. Naiwan siyang malungkot .
Sa edad niyang disi-nuwebe ay malabo na ang mga mata niya. Nasa grade three siya nang irekomenda ng doctor na kailangan na niyang magsalamin sa mata. Mula kasi nang matuto siyang magbasa ay hindi na siya tumigil humawak ng libro. Hanggang sa paglaki niya ay dala-dala niya iyon. Ang pagkahilig sa libro at ang salamin sa mata.
Speaking of salamin sa mata, tumalsik iyon nang matumba siya. Pilit niyang kinapa iyon but to no avail. Malabong-malabo talaga ang paningin niya 'pag 'di niya suot iyon.
"Hoy, ano'ng kinakapa mo?" narinig niyang sambit ni Trina.
"Ang salamin ko..." mahinang sambit niya. Pinilit niyang umupo.
"Ah, 'eto ba? Kunin mo kung kaya mo!" sa panggigilalas niya ay naramdaman niyang may nagbuhos nang malamig na tubig sa kanyang mukha. Tapos ay tawanan.
BINABASA MO ANG
Ang Tawag Nga Ba Rito ay Pag-Ibig?
RomanceYear Published: 2011 Tampulan ng tukso sa eskuwelahang pinapasukan si Aya dahil sa makalumang pananamit niya. Hindi na lang niya pinapansin iyon kahit pinagtatawanan siya ng ibang mga estudyante. Sanay na siya roon. Ngunit nang minsang pag-trip-an s...