Chapter 8

69.4K 1.8K 64
                                    

Isang mahinang katok ang nagpabalikwas sa kanya. Alanganing tinungo ang pinto at binuksan ito. Nasa harap niya ang isang babaeng sa tantiya niya'y mahigit nang singkuwenta ang edad. Nakapusod ang halos maputi nang buhok. Maamo ang nakangiting mukha at nakaupo sa silyang de gulong.

"Magandang umaga, hija."

Hindi agad nakapagsalita ang dalaga. At si Marco ay malaki at mataas na humigit pa siguro sa anim na talampakan.

"Ikaw pala ang anak ni Romano." May bahagyang lungkot at pait siyang naulinigan sa tinig nito subalit agad ding naparam. Muling ngumiti. "Nagagalak ako at pinagbigyan mo ang paanyaya ng anak kong magbakasyon dito, hija."

Magbakasyon! Hindi ba alam ng babaeng ito na labag sa kalooban niya ang pagkapigil dito?

'Be civil to my mother... sabihin mo sa akin ang lahat ng gusto mong sabihin kung tayong dalawa lang...' Iyon ang babala ni Marco sa kanya. 'Ang kalagayan ng Mama ay sanhi ng trahedyang dulot ng mga Fortalejo...'

"E-Emerald po ang pangalan ko. Kristine Emerald," mahinang sabi niya, napaupong muli sa kama.

Malungkot at mapait na ngumiti ang matandang babae. "Para kong nakita sa iyo si Esmeralda noong kami ay mga dalaga pa... siyang-siya ikaw." Sinuyod siya nito ng tingin.

Hindi siya makaapuhap ng sasabihin.

Why is she so friendly? Bakit tila welcome siya rito?

"Natutuwa ako at nakapag-isip-isip din ang anak ko, Emerald. Napakatagal na ng alitang ito na dapat nang kalimutan at ibaon. Hindi ko alam kung paano mo napalambot ang puso ni Marco. Mahabang panahong poot at galit ang namahay sa dibdib niya. Napakaganda mo, hindi kataka-taka."

Napalunok ang dalaga. "H-hindi... kayo nagagalit sa pamilya—?"

"Dapat lang, 'di ba? Nakulong ako sa silyang de gulong na ito sa mahabang panahon dahil sa nangyari. Asawa at anak ko ang nawala." Umiling ang matanda. "Natitiyak kong hindi ginusto ni Leon ang mga nangyari, hija. Ang katotohanang hindi niya natutuhang patawarin si Romano ay konsolasyon na sa akin. Pero hindi ko maaaring gatungan ang poot na namamahay sa dibdib ni Marco. Kailangan kong magpatawad at lumimot para sa kanya. Nasira na ng trahedya ang pagkatao ng anak ko. Lumaking matigas ang damdamin at marahil ay malupit. Ganoon pa man ay wala pa akong nalamang taong inagrabyado ng anak ko."

Ako lang, kung saka-sakali, gusto niyang sabihin.

"K-kung... ganoon, bakit may gulo pa ring namamagitan sa mga tauhan ng bawat pamilya? Bakit hanggang ngayon ay patuloy ang alitan?"

"Ako lang ang nakalimot at nakapagpatawad, hija. Hindi si Alfon at si Marco. Totoong walang ginagawang labag sa batas ang anak ko pero nasa dibdib niya ang poot at pagnanais na makapag- higanti. Lalo higit si Alfon na kung hindi dahil kay Marco, marahil ay higit pang dugo ang dumanak." sandali itong nagpahinga sa pagsasalita na tila napagod.

Kinabahan si Emerald. Nilapitan ang matanda.

"G-gusto ninyong ikuha ko kayo ng tubig?" nag- aalalang tanong niya.

Umiling ang matanda. "Huwag kang mag-aalala sa akin, Emerald. Hindi ko ikamamatay ang paghahabol ko ng hininga. Ngayon pang nakita ko na muling ngumingiti ang anak ko. Naikuwento niya sa akin kung paano kayo nagkatagpo at kung paanong hindi ka natakot sa kanya. Sa lahat nga naman ng tao, ang anak pa ni Romano, ha?" Ngumiti ang matanda. "Ang pagkakataon nga naman! Ang sabi ko nga, sana'y ito na ang maging daan para matapos na ang walang kabuluhang alitang ito. Nagpapasalamat ako, Emerald, at ikaw mismo ang gumawa ng hakbang para doon."

At ginamit iyon ng anak ninyo para isakatuparan ang paghihiganti! Your son has an ulterior motive at hindi n'yo alam iyon!

Kung sa matanda siya maaawa dahil nagawang itago ni Marco ang tunay na layunin o sa kanyang sarili ay 'di matiyak ng dalaga.

Maaaring nakapagpatawad ito pero the truth remains na may kasalanan pa rin ang Daddy niya.

At paano niya sasabihin sa matandang babae na bilanggo siya sa bahay na ito? Baka ikamatay nito ang kaalamang maaaring magdulot na naman ng panibagong karahasan ang pagkakaparito niya.

"Sana ay masiyahan ka sa pagbabakasyon mo rito, Emerald—"

"lyan ang titiyakin ko, Mama," si Marco na hindi napuna ng dalawang nakatayo sa may pinto. Sa tagiliran nito ay isa pang lalaki. Nakatitig nang husto kay Emerald.

"Marco, hijo. O, Bernard, halika anak at nang makilala mo ang anak ni Romano Fortalejo," nakangiting wika ng matanda.

Maliban sa pagsasalubong ng mga kilay ay hindi nagbitaw ng salita ang nakababatang lalaki. Nakatitig lamang kay Emerald,

"Dalhin mo na sa ibaba ang Mama, Bernard. Kasalukuyang naghahanda ng pananghalian. Susunod na kami," utos ni Marco.

"Halina kayo, Tiya Julia..." Inikot ng binata ang silyang de gulong at bago ito tuluyang lumabas ng silid ay muling sinulyapan si Emerald.

Isinara ni Marco ang pinto at muli ay napag-isa sila ng binata.

Kristine Series 1: The Devil's Kiss (Beso del Diablo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon