Chapter 10

74K 2K 201
                                    

SA HAPAG kainan ay nasa kaliwa ni Marco si Julia de Silva at nasa kanan siya. Katabi niya si Bernard at kaharap si Alfon.

Hindi niya gustong mag-angat ng ulo dahil sa tuwing magkakasalubong ang paningin nila ng matandang lalaki ay kinikilabutan siya sa mga tinging ibinibigay nito.

Ang lalaking ito ang mahigpit na kaaway ng mga Fortalejo. Marahas at malupit. Walang pakundangan. Ganoon din marahil si Marco pero sa banayad na paraan.

Bata lamang marahil kay Julia de Silva ang lalaking ito ng ilang taon pero malaki ang pangangatawan. At hindi niya maiwasang hindi makadama ng takot sa tuwing titingin siya sa lalaki.

"Bernard, mag-utos ka ng dalawang tauhan sa Villa Kristine. Ipakuha mo ang mga gamit ni Emerald," utos ni Marco.

Hindi sumagot ang inutusan na patuloy sa tahimik na pagkain.

"Anong kalokohan ang sinasabi mo, Marco?" si Alfon. "Bakit ka mag-uutos ng mga tauhan sa lupain ng mga mamamatay-taong 'yon?"

Napahugot ng hininga si Emerald sa sinabing iyon.

"Gusto mo bang may mga tauhan tayong mapapatay?"

May simpatya sa mga mata ni Julia nang sumulyap kay Emerald. Muli siyang nagyuko ng ulo.

"Walang mangyayari sa mga tauhan natin, Tiyo Alfon. Itinawag na ni Emerald ang bagay na iyan sa kabilang asyenda," pormal na sagot ni Marco na inabot ang bandehado ng ulam. Naglagay sa pinggan ng dalaga at bumulong. "Kumain ka nang maayos. Huwag mong tusuk-tusukin ng tinidor 'yang repolyo sa pinggan mo. Malapit nang maging coleslaw iyan " Amusement ang nasa tinig nito para sa pandinig lamang niya.

"Ano ba talaga ang plano mo sa babaeng 'yan, ha, Marco? Bakit hindi mo man lamang sinabi sa akin na balak mong iuwi dito iyan?" pagalit pa ring sinabi ni Alfon. "At ano ang nangyayari sa inyong mag-ina at tila isang panauhing pandangal ang babaeng iyan, ikaw, Julia?"

Muling nagsalita si Marco bago pa nakasagot si Julia de Silva. "Nawalan tayo ng isang babae sa bahay na ito, Tiyo Alfon, hindi ba? Hindi ba dapat na palitan ni Emerald Fortalejo iyon bilang anak ni Romano?" makahulugang wika ng binata.

Isang malisyosong ngiti ang ibinigay ni Alfon, "Hindi masama. At ipasa mo sa akin pagkatapos." Ngumisi ito.

Tumikhim si Bernard. Napahumindig si Emerald. Si Julia ay ibinagsak ang tinidor sa plato.

"Alfon! Hindi masama ang ibig sabihin ni Marco. Bakit mahalay ang dating ng sinasabi mo? Nasaan na ang respeto mo sa harap ng pagkain at sa akin?" pagalit na wika ni Julia.

Nagkibit ng mga balikat si Alfon. Malisyoso pa ring nakangisi. May kislap sa mga mata ni Marco nang tumingin dito si Emerald.

"Gusto kong alalahanin ninyong lahat na nawala sa atin si Alicia. Walang maaaring humalili sa kanya sa marangal na paraan. Nawalan ka ng ina, Bernard," muling sinabi ni Alfon.

"Pinunan lahat ng Tita Julia iyon," marahang sagot ng binata na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsalita. Buong pagmamahal na ngumiti si Julia rito. Hindi nakaila kay Emerald ang adoration ni Julia para sa dalawang binata.

"Si Alicia ang ina mo, Bernard. Huwag mong kalilimutan 'yan!"


MULING nagbalik sa silid si Emerald pagkakain.

Si Marco ay narinig niyang nagpaalam sa Mama nito, may aasikasuhin daw sa bayan at kakausapin si Judge Adriano.

"Ipinagbilin ko saTiyo Alfon na bantayan kang maigi, Emerald. Huwag mong subukang tumakas dahil alam ni Tiyo Alfon kung ano ang gagawin sa iyo. At wala ako rito kung saka-sakali. So better behave, my dear," banta ng binata bago ito umalis.

Hindi niya gustong maniwala pero kasabay niyon ay ang takot kay Alfon.

Gustuhin man niyang mapahinga ang isip at katawan ay hindi niya magawa. Natatakot siyang kapag sumayad ang likod niya sa kama ay maidlip siya.

At aminin man niya o hindi ay hindi siya makadarama ng katiwasayan hangga't hindi bumabalik si Marco.

Ilang minuto na siyang nakatanaw sa paddock (koral ng mga kabayo) at pinanonood ang panginginain ng mga ito nang isang katok ang nagpalingon sa kanya sa pinto.

Bumukas iyon bago pa siya nakalapit. Si Bernard.

"Maaari ba tayong mag-usap?" alanganing tanong nito.

"S-sige," alanganin ding sagot niya. Itinuro ng mga mata ang maliit na sofa.

Pumasok at naupo roon ang binata. Siya ay sa gilid ng kama naupo. Panganib ba si Bernard sa kanya considering na anak ito ni Alicia? Ilang sandali muna siyang pinagmasdan ng binata.

"So....you are my... sister."

"Bernard...?"

"Gusto kong masuklam at magalit sa inyo... sa iyo. Pero hindi 'yon ang nararamdaman ko. Why should I go against my feelings and why should I hate my own sister? Wala ka namang kinalaman sa nangyari and you were not even born yet when it happened," naguguluhang sinabi nito. Tumayo mula sa pagkakaupo at nagpalakad-lakad sa loob ng silid.

"Sino ang nagtanim ng hatred sa isip mo?" banayad nitong tanong. Siya man ay naiipit sa dikta ng puso at isip,

"Mula nang magkaisip ako'y itinanim na ni Tiyo Alfon ang mamuhi ako sa mga Fortalejo. Hindi ako natatakot makipag-away at mamatay, Emerald. Pero hindi ako naniniwala sa walang kabuluhang alitan at paghihiganti. I don't want to waste my life hating other people, may rason man o wala. I won't run a fight pero hindi ko hahanapin iyon. Pagkapoot at pagnanais na makapaghiganti, iyon ang nagpatigas kay Marco. Hindi niya kailanman pinatulan si Tiyo Alfon sa walang pakundangang pagkamuhi nito sa inyo. Pero alam kong kinikimkim niya sa dibdib ang poot at iniinda sa sariling paraan. At bakit ka narito, Emerald? Hindi ako naniniwalang bukal sa loob mo ang pagpunta rito."

"A-ako... ang nagsabi kay Marco na gusto kong pumarito, Bernard." Somehow ay nagsasabi siya ng totoo. "Sinabi kong gusto kitang makilala."

Ngumiti si Bernard sa kauna-unahang pagkakataon. Lumitaw ang dimple nito sa magkabilang pisngi.

"Then I'm glad you're here, Emerald. May kapatid ka pa bang iba?" may pananabik nitong tanong.

Nakadama ng bigat sa dibdib ang dalaga. How she really wished he was his brother kung para din lamang sa ikasisiya ng damdamin ng binata. Pero mas malaking ginhawa na totoong hindi niya ito kapatid. Para sa Daddy niya at sa dalawang pamilya.

"Naniniwala ka bang magkapatid tayo sa ama, Bernard?" she asked softly.

Nawala ang ngiti nito. "Mayroon bang ibang dapat paniwalaan?"

"I wish you really were my brother, Bernard. Pareho kaming babae ng kapatid kong bunso and having a big brother is very much welcomed. Pero natitiyak ko at nararamdaman kong hindi kita kapatid. Kung anuman ang nangyari twenty-four years back then, sana ay malaman ko. I'll give anything malaman ko lang ang totoo."

Isang mapait na ngiti ang lumabas sa mga labi ng binata. "Kung totoo mang hindi tayo magkapatid ay hindi ko alam kung paano mo mapatutunayan iyon. That's next to impossible. Mas gusto kong panghawakan ang paniniwalang iyan kaysa hindi ko alam kung sino ang ama ko," mapait nitong sinabi.

"Oh, Bernard!" gustong mag-init ng mga mata niya.

Walang kibong lumabas ng silid niya ang binata.

Kristine Series 1: The Devil's Kiss (Beso del Diablo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon