Chapter 16

74.9K 1.8K 48
                                    

SAMANTALA, sina Alfon at Emerald.

"Bakit tayo bumaba rito, Mang Alfon? Hindi ho yata ito ang daan palabas ng farm?" kinakabahang tanong niya.

"Ngumisi ang matanda. "Bakit, Emerald, sa palagay mo ba'y makalalabas ka pa ng farm?" "A-ano ang... ibig ninyong sabihin?"

"Siraulo ang pamangkin kong iyon. Buong akala ko'y pagsasamantalahan ka lang niya at ibabalik din sa asyenda. Pero gago si Marco. Nalimutang si Romano ang dahilan kung bakit nawalan siya ng ama at kapatid. Pero ako ay hindi kailanman makakalimot na nawalan ako ng minamahal!"

"H-hindi ko kayo maintindihan..." Sinisikap niyang huwag mag-panic. Kapag ginawa niya iyo'y mapapadali ang kapahamakan niya sa matandang ito. Bakit siya nagtiwala rito?

Muling ngumisi si Alfon. "Kung sabagay, malaman mo man ang iniingatan kong lihim ay bale-wala na rin dahil hindi naman nagsasalita ang patay, 'di ba?"

Kinilabutan ang dalaga, napaatras. Umabante si Alfon.

"Alam mo bang wala akong ibang minahal kundi si Alicia? Ang aking si Alicia..." Bahagyang gumaralgal ang tinig nito. "Mula pagkabata'y inalagaan at minahal ko siya pero nakatutok ang buong pansin niya kay Romano. At nang ipasya ni Ernesto na ipakakasal si Alicia sa ama mo ay natakot ako. Mawawala sa piling ko ang mahal ko. Ako lang dapat na magmay-ari sa kanya, ako lang!

Nanlaki ang mga mata ni Emerald. Humigit-kumulang ay narito ang sagot sa lahat ng pangyayari.

Halos hindi siya humihinga sa kinatatayuan, "Ano ang ginawa ninyo sa... pamangkin ninyo?" "Pamangkin ko lang siya sa pinsang makalawa pero alam kong hindi ako tatanggapin ni Ernesto para sa anak nito. Palaki at pakain lang nila ako. At palalayasin nila ako at hindi ko na makikita si Alicia ko."

Sa tingin ni Emerald ay baliw na ang kaharap niya.

"Nang gabing iyon ay nasa Asyenda Kristine sina Ernesto at Julia at pinag-uusapan ang planong kasal nina Romano at ng mahal ko. Kami lang dito at si Marco ay tulog na—"

"P-pinagsamantalahan mo siya!" bulalas niya. "Sinabi kong mahal ko siya pero ayaw niyang makinig kaya 'ayun...'' Tumalim ang mga mata nito habang binubuhay sa isip ang nakaraan.

"Nang sabihin niyang magsusumbong siya'y tinakot kong dadalhin ko rito sa ilog si Marco at papatayin. Mahal na mahal ni Alicia si Marco. Mula noon ay nagpapaubaya na siya sa akin."

Halos mapugto ang hininga ni Emerald sa narinig. Masusuka ba siya o ano? Tinutop ang bibig.

"Hindi ko siya gustong magpakasal kay Romano pero sinabi niyang mahal niya ako at upang patuloy kaming makapagtagpo nang lihim ay si Romano ang pinakamabisang dahilan na walang maghihinala. Papatayin ako ni Ernesto kung hindi man palayasin kapag natuklasan ang lihim namin at hindi na raw niya ako makikita. Umiiyak ang aking si Alicia. Mahal niya ako kaya sakripisyong makasal siya sa ama mo. Pumayag akong maitakda ang kasal nila ng ama mo tutal akin pa rin naman ang mahal ko. Magtatagpo kami nang palihim sabi ko at kapag nakaipon na ako ay tatakas kami rito"

Kumapit sa patalim si Alicia? Ang kawawang Alicia! Gustong matunaw ng puso niya para sa babaeng hindi na maaabot kailanman.

"Anak ninyo si Bernard!"

"Na hindi ko man lang maipaalam!" hiyaw nito. "Kung buhay si Alicia dapat ay sama-sama kaming tatlo."

"At hinayaan ninyong maniwala ang lahat na ang Daddy ko ang may kasalanan? Pinayagan ninyong may mga inosenteng taong madamay!"

Humakbang papalapit si Alfon. "Dahil kung hindi tinakasan ni Romano si Alicia ay buhay pa sana ito hanggang ngayon! Magsasama kami at lalayo!"

"At naniwala kayong gagawin ni Alicia iyon? Gusto niya kayong takasan! Takasan ang kahayupan ninyo sa pamamagitan ng Daddy. Dahil kung totoong minahal niya kayo, dapat ay inilaban niya ang relasyon ninyong dalawa lalo at nagdadalang-tao siya at kayo ang ama! Pero hindi niya iyon ginawa kaya nagkulong siya at naghisterya! Iyon din ang dahilan kaya hindi na niya ninais pang mabuhay. Ang Daddy lang ang mahal niya at kinamumuhian niya kayo. At duda akong pati ang batang nasa sinapupunan niya dahil dugo ninyo ito!"

Sa sandaling iyon ay nakadama ng habag si Emerald kay Bernard. At iyon ang naging pagkakamali niya. Nagpatangay siya sa emosyon.

Halos maglabasan ang ugat ni Alfon sa leeg sa galit. Nilapitan siya at hinablot ang damit niya na napunit.

Tumili ang dalaga.

"Pagkatapos ko sa iyo ay papatayin kita!" Tila hayup na sa tingin ni Emerald ang matanda. Muli nitong dinaklot ang damit niya, tuluyan siyang nahubaran sa pang-itaas.

"Kaya pala ayaw ni Marco na pakawalan ka, ha?" Malisyosong itinutok nito ang mga mata sa nakalantad niyang dibdib.

Sindak na itinakip ng dalaga ang mga braso niya at sumiksik sa batong malaki.

Muli siyang dinaluhong ni Alfon at niyakap.

Sindak at takot ang namuhay sa isip niya. Mamamatay na muna siya bago maisakatuparan ng matandang ito ang hangarin.

Subalit hindi siya makapanlaban dahil sa histerya at sindak.

Kristine Series 1: The Devil's Kiss (Beso del Diablo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon