"BAKIT dinala mo ang babaeng 'yan dito, Marco?" pagalit na tanong ni Alfon. Kung nakadama ng takot si Emerald kay Marco ay bale-wala kung ihahambing sa nadarama niya sa lalaking kaharap.
Malaking tao at mabalasik ang anyo nito, nasa late forties na marahil. Kinikilabutan siya sa talim ng mga mata nito habang sinusuyod siya ng tingin.
"Kailan pa nangyaring kinuwestiyon mo ang desisyon ko, Tiyo Alfon? Bisita ko siya rito sa bahay at huwag mo siyang pakialaman," mariing sagot ni Marco na inihagis ang sumbrero sa sulihiyang divan.
"Hindi ba dapat ay itali mo sa puno ang babaeng iyan at ibilad sa araw hanggang sa mamatay?" poot nitong sinabi. "Ang mama niya ang sanhi ng pagkamatay ng Papa mo at ni Alicia!"
Hindi sinasadya at wala sa loob na napasiksik si Emerald sa tabi ng binata sa poot na nakikita niya sa mukha ni Alfon.
Napatingin sa kanya ang binata, 'tapos ay muling tumingin sa tiyuhin.
"Ako ang bahala sa kanya, Tiyo Alfon, Iwan mo na kami," utos nito.
Matalim na sinulyapan nito si Emerald bago pagalit na lumabas ng kabahayan. Natanawan ni Marco ang isang katulong at tinawag ito. "Nasaan ang Mama at si Bernard, Agnes?"
"Nasa silid si Ma'am, Sir. Si Bernard ay nasa kamalig marahil."
Tumango ang binata at lumabas na uli ang katulong.
Nanlalambot na napaupo sa divan si Emerald.
"Huwag mong pansinin ang Tiyo Alfon," si Marco na naupo sa harapang silya.
"Ano ba ang inaasahan ko sa teritoryo ng mga kaaway?"
Amused na ngumiti si Marco. "Eh, bakit kaninang nagpupuyos sa galit si Tiyo Alfon ay nagsumiksik ka sa tabi ko?"
Ginawa ba niya iyon? Bakit? Dahil kaya kahit alam niyang napopoot sa pamilya niya si Marco ay hindi siya naniniwalang pahihintulutan nitong may mangyaring masama sa kanya? At hindi lamang siya naniniwala, iyon ang nadarama niya. Kung paanong masidhi niyang nadaramang malinis ang pangalan ng Daddy niya sa mga ibinibintang dito.
But she'd die kaysa aminin dito ang bagay na iyon.
"I can always choose the lesser evil, hindi ba?" ismid niya.
"Ako? Lesser evil?" Tumawa ito nang malakas na lalong nagpadagdag sa galit ni Emerald. Halos naririnig na niya ang tunog ng pagtatagis ng sariling mga bagang. "This is the demon's lair, my dear. At ako ang pinuno rito kaya baka nagkakamali ka."
"Tama ka," aniya sa nagngangalit na mga ngipin. "Ikaw nga ang demonyo!"
Muling tumawa ang binata. Nangingislap ang mga mata sa merriment. "Ese hombre demonio! Malimit sabihin ni Leon Fortalejo sa akin 'yan. At ngayon ay ang magandang apo.Tsk-tsk-tsk! You'll find this demon a very good lover, Emerald." Pinamulahan ng mukha si Emerald na tinutop ang bibig upang hindi makapagsalita ng mga bagay na pagsisisihan din niya.
Anuman ang sabihin niya ay bale-wala na at pagtatawanan lamang nito. Tumayo si Marco at hinawakan siya sa kamay na agad din niyang binawi. Pero muli iyon ginagap ng binata at hinigpitan ang hawak.
"Sasamahan kita sa silid mo sa itaas," kaswal nitong sinabi.
Walang kibong sumunod si Emerald. Hindi niya maiwasang hindi iikot ang mga paningin sa loob ng bahay sa kabila ng lahat.
Mas malaki ang Villa Kristine kaysa bahay ni Marco pero contrast ang dalawang bahay kung ayos ang pag-uusapan.
Classic ang villa, modern ang sa mga de Silva. Mula sa mga kasangkapan hanggang sa kaliit-liitang bagay.
Sadya kayang ninais ni Marco na wala kahit na anong bagay ang maihahalintulad sa Villa Kristine? In a remote place like Paso de Blas at sa isang malawak na lupaing napapaligiran ng mga berdeng pananim at walang kapitbahay ay nakatayo ang bahay ni Marco. At tulad ng sa Villa ay wala rin itong bakod.
Walang photographer na tatangging kunan ng larawan ang dalawang magka-contrast na bahay. Both were works of art.
Ang Villa Kristine, in its pre-Spanish glory at ang bahay ni Marco na naitayo ng isang mahusay na arkitekto na marahil ay siyang masterpiece nito, ay nasa elevated area o burol, in modern architecture.
Paparating pa lamang sila sa bahay na ito ay hindi na niya mapigilang humanga. Oh well, kahit siguro taga-Forbes Park ay bibigyan din ng second look ang bahay ng binata kung doon ito nakatayo. At iyon ang ikinaganda nito, ang lugar na kinatatayuan at ang mga nakapaligid. A twentieth century house in ancient paradise.
"ito ang magiging silid mo" Isang malaki at modernong silid ang ipinakita ni Marco. Wall-to-wall carpet na kulay-talong. Mamahalin ang wallpaper sa dingding in soft beige. At pandalawahang-taong kama na yari sa brass. Para siyang pumasok sa isang silid ng five-star hotel.
"Really? Isang ginintuang-kulungan?" tuya niya rito at walang sabi-sabing pumasok at naupo sa maliit na settee.
Nagkibit ng mga balikat ang lalaki. "Kung iyon ang gusto mong itawag. May sariling banyo ang silid. Kung anuman ang kailangan mo ay hingin mo kay Agnes." Itinuro ng mga mata nito ang interhouse phone. Pagkatapos ay iniwan na siya.
Agad siyang tumayo at ini-lock ang pinto. Moderno ang silid at maganda pero walang labis. Hindi overdecorated. Ang ipinagtataka niya, bakit tila panlalaki ang silid na ito?
Agad na bumangon ang kaba niya at binuksan ang closet. Walang laman maliban sa mga beddings, towels, at mga bimpo.
Nakahinga siya nang maluwag, Ang nasa isip niya'y baka silid ito ni Marco.
Nasulyapan niya ang tokador na maliban sa mga necessities ay walang gamit na panlalaki. Siguro nga ay guest room lamang ang silid na ito.
Tulad sa Villa Kristine ay may veranda rin pero naka-lock ang daanan patungo roon. Walang pinto subalit ang buong bahagi ay nakarehas ng kuwa- kuwadradong bakal at natatabingan ng manipis na kurtina from ceiling to floor.
Nakakulong ba siyang talaga?
inilatag niya ang sarili sa magandang kama at niyakap ang isang unan. Nami-miss niya ang kanyang silid sa Maynila at nakadama siya ng lungkot.
Ano itong napasukan niya? Siya ang nagdala sa sarili ng kasalukuyang kalagayan at kung tutuusi'y wala siyang dapat sisihin.
BINABASA MO ANG
Kristine Series 1: The Devil's Kiss (Beso del Diablo)
RomansaDumating sa Paso de Blas si Emerald upang sa unang pagkakataon ay makatagpo si Leon Fortalejo, ang lolo niya. At upang linisin ang pangalan ng daddy niya. Subalit sa unang araw pa lang ay sa mga kamay na ng kaaway siya bumagsak, kay Marco de Silva. ...