CHAPTER ONE

18K 184 12
                                    


"CRIS, anak!" hiyaw ng ina ni Cris sa kanya na may kasama pang paghara sa telebisyon na pinapanuod niya.

"Mama, ano na naman ba iyon?" nauumay niyang tanong sa ina kahit na nahuhulaan na niya kung tungkol kanino o sino na naman ang ikukwento nito.

Sa isang "oldies" na subdibisyon sila nakatira. Oldies ang tawag niya doon dahil majority ng may ari ng bahay ay pawang matatanda na. Ang village yata nila ang naisip ng mga ito na gawing retiring place. At isa ang kanyang Mama sa "sikat" doon. In short, dahil matatanda halos ang mga naninirahan sa lugar nila, walang ginagawa ang mga ito maghapon kung hindi ang magpalitan ng mga kuro-kuro tungkol sa ibang tao. Kawawa ang kapitbahay na magiging absent dahil malaki ang posibilidad na ito ang pag-usapan kaya naman sinisigurado ng Mama niya na palagi itong present.

Noong una ay okay lang iyon sa kanila ng kanyang ama dahil healthy para sa kanyang ina ang magkaroon palagi ng kausapin habang nasa trabaho sila. Inhinyero sila pareho at kahit na siya na ang nagpapatakbo sa Ortiz Engineering firm ay gusto pa din ng kanyang ama na pumasok doon araw-araw. Ayaw daw nitong sumapi sa samahan ng kanyang ina na walang gawa maghapon kung hindi ang mag-istoryahan. Kahit na palaging nagrereklamo ang kanyang ama sa ugali ng kanyang ina ay alam niyang mahal ng mga ito ang isat-isa. Solo siyang anak kaya naman hindi na siya tumutol ng sabihin sa kanya ng mga ito na huwag na muna siyang bubukod ng tirahan hanggat wala pa siyang sariling pamilya.

Pero mula ng maging kapitbahay nila ang babaeng nagngangalang "Allie Ramirez" isang taon na ang nakakaraan ay wala nang yatang ibang topic na pinag-uusapan ang tropa ng kanyang ina kung hindi ang pobre. Ang mga kwentong nasasagap nito mula sa mga "ka-session" nito ay detelyadong inere-report nito sa kanilang mag-ama. Kahit na anong reklamo niya at ng kanyang ama dito na tigilan na ang kapitbahay nilang wala namang ginagawang masama sa kanila ay pagtataasan lamang sila nito ng kilay. Madalas na nagkukunwari na lamang tuloy siya na nakikinig sa mga kwento nito.

"Anong bago kay Allie, Ma?" tanong niya dito na para bang ka-close talaga niya ang kapitbahay na pinag-uusapan ng mga ito palagi.

Sa totoo lang ay naku-curious din siya sa misteryosang kapitbahay. Isang taon na ito sa village nila, kasama nito ang isang driver at isang matandang katulong na nagngangalang Aling Minda ng maglipat ito isang araw. Ang lahat ng nagtangkang makipaglapit dito o makipagkaibigan ay umuuwing bigo. Ang matandang katulong ang nagiging proxy ng dalaga tuwing may pagtitipon sa village nila na imbitado ito. Kahit na hindi pumupunta si Allie sa mga imbitasyon ng mga kapitbahay nila ay himalang palagi pa din itong naiimbitahan. Lately lang niya nalaman ang dahilan. Nang mag birthday ang kanyang Mama ay ito pa mismo ang nagtungo sa bahay nina Allie upang mag-abot ng imbitasyon. Nagtaka pa siya dahil ang alam niya ay hindi naman ito dumadalo sa kahit na anong pagtitipon kaya bakit pa ito iimbitahan ng kanyang ina?

Nasagot ang misteryo ng dumating ang kaarawan ng kanyang ina. Ang dahilan ay hindi man gusto ng mga oldies si Allie, gusto naman ng mga ito ang pagiging galante ng dalaga. Si Aling Minda man ang nagpupunta sa mga okasyon ay parati itong may bitbit na regalo para sa nag-imbita kay Allie. Tanda pa niya kung papaano sila pinaringgan ng kanyang Mama na mas maganda pa daw ang regalo ni Allie sa kumpara sa regalo nila dito. Kung hindi ba naman pasikat ang magaling nilang kapitbahay, Prada handbag na kulay fuschia ang regalo nito sa kanyang Mama. Kaya naman todo balot ng pagkain ang kanyang ina para sa dalaga bago umuwi si Aling Minda. Mabait naman si Aling Minda at kasundo ito ng lahat, pero kapag may nagtangka nang magtanong tungkol sa amo nito ay itinitikom na nito ang bibig.

Dahil katapat lamang ng bahay nila ang bahay ni Allie ay ilang beses na din niya itong nakita. Masasabi niyang maganda ito kahit pa nga nakikita lamang niya ito mula sa malayo. Mataas ito kaysa sa pangkaraniwang Pinay na sa tingin niya ay amaabot ng five feet and eight-inches, morena ang kulay ng balat nitong napakakinis. Ang buhok nitong kulay chesnut brown ay bahagya lamang na lumampas sa balikat nito na palging nakapusod. Matangos ang ilong nito, may natural na mapupulang labi. Palagi itong may suot na shades tuwing aalis ng bahay.

Love Thy Neighbor (Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon