CHAPTER THREE

6.4K 134 2
                                    


NAGISING si Allie dahil sa malakas na tawanan na nagmumula sa ibaba ng bahay. Nilinga niya ang alarm clock na nakapatong sa bedside table. Alas-otso pa lamang ng umaga, wala pang limang oras siyang nakakatulog. Sino ang siraulong bisita nila ng ganoon kaaga? Dahil naputol na ang tulog ay nagpasya siyang bumangon na at maligo, kailangan pa nga pala niyang pag-isipan kung ano ang gagawin kay Coocai.

Nang matapos maligo at makapagbihis ay isinuot niya ang malaki at makapal na salamin niyang walang grado. Ginagamit niya iyon para itago ang mukha niya at hindi makilala ng ibang tao, iniipit din niya pataas ang buhok kahit na basa pa iyon saka tahimik na bumaba. Natagpuan niya sa sala si Coocai at isang lalaking nakatalikod sa kanya na masayang nagtatawanan.

"Isa pa, knock, knock?" sabi pa ng lalaking nakatalikod sa gawi niya.

Mukhang nakita na siya ni Coocai dahil biglang nanlaki ang mga mata nito at dali-daling tumalilis. Lihim na lamang siyang napailing, sineryoso ng paslit ang bilin niyang huwag magpahara-hara kapag nandoon siya. Maya-maya pa ay lumabas naman si Aling Minda sa kusina.

"Oh, Allie gising ka na pala." bati nito sa kanya.

Parang slow motion na lumingon sa kanya ang lalaking kabiruan kanina ni Coocai. Nakatitig lang ito sa kanya na para bang nakakita ng aparisyon. Kilala niya ito, nakatira ito sa tapat ng bahay niya at palagi niyang nakikita tuwing umuuwi siya ng umaga. Dahil parang wala itong balak na magsalita ay binalingan na lamang niya si Aling Minda.

"Pakihanda ako ng almusal." sabi niya sa kasambahay.

"Meron na, nakaluto na ako. Allie, ito nga pala si Cris, diyan siya sa tapat nakatira. Palagi doon si Coocai kaya naman inanyayahan ko siya ngayon na dito mag-almusal." pakilala nito sa katabing lalaki at paliwanag nito sa kanya.

Titig na titig ito sa mukha niya at siya ang tipo ng babae na sanay nang tinititigan dahil sa uri ng trabaho niya, pero sa hindi niya malamang dahilan ay parang naiilang siya sa uri ng pagsuri nito sa mukha niya, para bang kinakabahan siya kung papasa ba siya sa panlasa ng kaharap. Ang una niyang napansin dito ay ang prominente nitong panga at labi na parang may nakahanda palaging ngiti. Mas mataas ito sa kanya na sa tingin niya ay lampas anim na talampakan at masasabi niyang mas maputi pa ang kulay ng balat sa kanya. He possesses more and darker lashes and eyebrows. Masasabi niyang gwapo ito at pwedeng ihanay sa mga kapwa artist na nakakasalamuha niya.

Mukha namang nahimasmasan na ang lalaking nakatayo sa harapan niya kaya naman bago pa ito magsalita ay tinungo na niya ang dining room. Biglang kumalam ang tiyan niya ng makita ang mga pagkaing nakahain sa lamesa. Walang imik na umupo siya sa kabisera at nagsimula ng kumain. Natigil ang pagsubo niya ng kanin ng magsalita ang "bisita" nila na dinudulutan pa ni Aling Minda ng pagkain.

"Teka, nasaan po si Coocai, Aling Minda? Bigla po kasi siyang umalis kanina." tanong nito.

Tiningnan muna siya ni Aling Minda na para bang nanghihingi ng saklolo. Napabuntong-hininga siya, mukhang pati ito ay sineryoso ang sinabi niya na huwag magpapahara-hara si Coocai kapag nandoon siya. Hindi naman siya ganoon kasama para hindi pasabayin ang paslit sa pagkain nila.

"Pakitawag si Coocai, sabihin ninyong sumabay na sa pagkain." sabi na lamang niya kay Aling Minda.

Nakangiting sumunod naman ang matanda at lumabas na ng dining room upang hanapin ang paslit.

"Pinahihirapan mo ba si Coocai?" walang pasakalyeng tanong ni Cris sa kanya ng maiwan silang dalawa.

Kumunot ang noo niya sa tanong nito. Tiningnan niya sa mukha ang kaharap upang masiguro kung seryoso ba ito sa sinasabi. Hindi niya alam kung bakit pero nararamdaman niyang inis ito sa kanya.

Love Thy Neighbor (Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon