CHAPTER TWO

7.3K 127 2
                                    


NANG papasukin si Cris ni Aling Minda ay nag-iisip na siya ng maaaring idahilan dito kung bakit siya nasa labas ng gate ng mga ito. Nauna paglalakad papasok ang matanda habang akay sa isang kamay ang paslit na dahilan kung bakit siya nasa ganoong sitwasyon. Hindi niya napigilan ang magmasid sa paligid ng makapasok siya sa loob ng bahay. Iyon ang unang pagkakataon na nakapasok siya roon dahil nga hindi na siya nagtangka pang makipagkaibigan sa kapitbahay nilang halata namang ayaw makipagkaibigan sa iba.

Ordinaryo lamang ang hitsura ng bahay ni Allie. Kasinlaki din iyon ng kanilang bahay ngunit ang bahay nito ay parang nababalutan ng kalungkutan. Walang kahit na anong larawan na nakasabit o nakadisplay doon. Halatang mamahalin ang mga appliances at furniture na dadalawa lamang ang kulay, itim o puti. Maaaring elegante ang tawag doon ng ibang tao ngunit para sa kanya, ang tahanan ay repleksyon ng taong naninirahan doon.

Hindi niya naiwasang ikumpara ang sarili nilang bahay sa bahay ni Allie. Ang kanilang tahanan ay idinesenyo ng kanyang ama para sa kanyang ina. Ibinatay daw iyon ng ama niya sa uri ng buhay na gusto nitong ipadama sa Mama niya, makulay. Kaya naman kapag pumasok ang sino man sa kanilang tahanan ay natutuwa sapagkat para daw silang nakatira sa rainbow.

"Cris, upo ka muna, sandali lamang at ikukuha kita ng maiinom." pakli ni Aling Minda sa kanya ng makarating sila sa sala.

Hindi na siya nakatanggi pa dahil tumalikod na ito agad ito at pumasok sa isang pintuan na sa tingin niya ay ang kitchen. Naiwan din sa sala kasama niya ang batang paslit na parang nagdadalawang isip pa kung kakausapin siya o hindi.

"Hello, ako nga pala si Cris. Kapitbahay nyo ako, diyan lang ako sa tapat ng bahay niyo nakatira." pakilala niya sa sarili at nginitian ang batang babae. "Anong pangalan mo?" tanong niya dito.

Akala niya ay hindi na nito sasagutin ang tanong niya dahil hindi agad ito sumagot. "Coocai." maya-maya pa ay sagot nito.

"Ang cute naman ng name mo, Coocai, ilang taon ka na?" tanong ulit niya.

"Nine."

Nagulat siya sa sagot nito. Akala niya ay mga anim na taon lamang ang bata. Ang akala naman ng kanyang Mama ay pitong taon ito, pareho pala silang mali. Maliit lamang pala itong bata kumpara sa tunay nitong edad.

"Kaano-ano mo si Allie?" tanong niya sa totoong pakay. Napailing na lamang siya sa sarili, mukhang nahahawa na siya ng kanyang ina.

Hindi niya alam kung bakit parang kinabahan siya sa kung anong isasagot ng paslit. Parang hindi rin niya magawang mag-exhale habang hindi ito sumasagot. Tumingin muna ito sa pintong pinasukan ni Aling Minda bago nagsalita.

"K-kapatid ako ni Ate Allie."

Parang nakahinga siya ng maluwag sa sagot nito. Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na mag-usisa pa dahil lumabasa na sa pintuan si Aling Minda at may hawak na isang baso ng juice. Tumayo siya at kinuha sa matanda ang inumin na iniabot sa kanya.

"Upo ka, hijo. Ano nga pala ang maipaglilingkod ko sa iyo?" nakangiting tanong nito sa kanya.

"Ahm, itatanong ko lang po sana kung kumakain ba kayo ng leche flan? Napadami po kasi ng gawa si Mama kanina, sayang naman dahil hindi namin iyon kayang ubusin lahat." panghahabi niya ng kwento.

Totoong gumawa ang kanyang Mama ng leche flan kaninang umaga dahil mahilig doon ang kanyang ama. Pero hindi totoong napadami ang gawa ng kanyang ina. Kukulimbat na lamang siya ng ilan sa refrigerator upang ibigay iyon kay Aling Minda pag nagkataon.

"Ah, ganun ba. Naku, hindi naman mahilig si Allie sa matatamis at bawal naman iyon sa akin." sagot nito at binalingan naman si Coocai. "Ikaw, Coocai, gusto mo ba ng leche flan?" tanong nito sa paslit.

Love Thy Neighbor (Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon