KAHIT nakauwi na si Allie sa sariling bahay ay minumura pa din niya sa isip ang reporter na sumulat ng article tungkol sa naging dinner nila ni Dani Lui at ng kanyang tiyuhin. Sa Cebu ang huling out of town nilang naka schedule na gig kaya naman sinamantala na niya ang pagkakataon na makausap ang tiyuhin niya tungkol sa kumpanya ng mga magulang niyang pinamamahalaan nito. Hindi na ito nagulat ng sabihin niyang gusto niyang ibenta rito ang shares niya pero tumanggi ito at sinabing sa kakilala na lamang nito niya ibenta iyon. Kaya sila nag dinner kasama si Dani Lui ay dahil ito ang sinasabi ng tiyuhin niya na pagbentahan niya ng shares niya dahil alam daw nitong magiging maayos ang pamamalakad ng binata sa BoatMan.
Nauunawaan ng tiyuhin niya na hindi niya pinangarap na ituon ang buo niyang buhay sa kumpanya nila, na hindi siya katulad ng mga magulang niya at nito na walang ibang inatupag kundi negosyo at nakalimutan ng hindi pera ang totoong makakapagpasaya sa isang tao. Sinabi nito na matanda na din ito at nais na lamang nitong maglibot sa ibat-ibang bansa at inaantay na lamang talaga siyang gumawa ng desisyon para sa kumpanya. Pilit pa nga siya nitong isinasama pero tumanggi siya dahil mas gusto niyang umuwi na lamang sa bahay niya upang makasama sina Cris at Coocai. Hindi niya kinakausap ng matagal ang mga ito sa telepono dahil mas lalo lang siyang nalulungkot dahil sa sobrang pagka-miss sa mga ito.
Dumalaw din siya sa puntod ng mga magulang niya upang mag-alay ng dasal at pasasalamat. Nagpasalamat siya sa mga ito na kahit parang wala sa plano ng mga ito ang magkaroon ng anak ay binuhay pa din siya ng mga ito. Nagpasalamat siya sa mga magulang niya na na naging dahilan ng pagiging matatag niya. Wala ng galit o tampo sa puso niya, mas naroroon ang panghihinayang dahil hindi na makikilala ng mga ito ang taong nagpapasaya sa kanya ngayon.
Okay na sana ang lahat dahil sa Maynila na gaganapin ang huling concert na gagawin nila. Maaari pa siyang umuwi muna upang makita si Cris. Nasa eroplano sila ng sabihin ni Milo na may nabasa itong balita nang nasa hotel pa sila. Tungkol daw iyon sa dinner niya kasama ang tiyuhin niya at ni Dani. Nang ikwento niya ang dahilan ng naganap na dinner ay sinabi nitong kontakin daw agad niya si Cris kapag nakalapag na ang eroplano upang hindi ito mag-isip ng kung ano. Pero ilang beses na niyang tinatawagan ito ng nasa sasakayan na siya pauwi sa bahay niya ngunit hindi pa din niya ito makontak. Nang tawagan naman niya ang opisina nito bandang alas-singko ng hapon ay sinabi ng sekretarya nitong maaga daw itong umalis.
Nang makarating sa village nila ay dumiretso siya ng baba sa tahan ng binata sa pagbabakasakaling nandoon na ito. Pero ang sabi ng ina nito ay hindi pa daw ito dumarating mula sa opisina. Kahit pagod ay inantay niya itong umuwi sa sa sarili niyang bahay sa halip na magpahinga dahil madami siyang gustong sabihin at liwanagin dito. Alas-otso na ng gabi ng magsabi sina Coocai at Aling Minda na matutulog na. Mukhang alam ng mga ito na inaantay niya si Cris ngunit nanatiling tahimik lamang.
"Coocai." tawag niya sa paslit ng patalikod na ito upang sumunod kay Aling Minda.
"Bakit po Ate Allie?"
"Okay lang ba sayo kung aampunin na kita ng tuluyan?" tanong niya na ikinapanlaki ng mga mata nito.
"Opo! Ibig pong sabihin, dito na talaga ako titira? Magiging miyembro na po ako ng pamilya?" maliwanag ang mukhang tanong nito.
"Oo, dito ka na talaga titira." nakangiting sabi niya.
"Yehey! Teka, ano pong itatawag ko na sa iyo?"
Napaisip siya sa tanong nito. "Ano bang gusto mo?"
"Pwede po bang Nanay?" nahihiyang tanong nito sa kanya.
Kung tutuusin ay papasa pa itong kapatid niya dahil kung ina ang magiging papel niya dito, ibig sabihin ay nabuntis na siya noong nineteen years old pa lamang siya. Pero gusto din niya ang ideya na may tatawag sa kanyang Nanay dahil ibig sabihin niyon ay may pamilya na talaga siyang uuwian at aalagaan.
BINABASA MO ANG
Love Thy Neighbor (Published under PHR)
RomanceIsang taon nang kapitbahay ni Cris si Allie pero nagkakasya lang siyang tinatanaw ito mula sa malayo. Para kasing may sariling mundo ito; hindi ito nakikihalubilo sa ibang tao. Nang magkaroon siya ng pagkakataon upang mapalapit dito ay sinunggaban n...