1

20.2K 257 4
                                    

Five years later

Dear Diary,

Kinindatan na naman ako ni Robin kanina. Kahit saan ako pumunta at kahit ano'ng ginagawa ko, parang nakikita ko lagi na nagpapa-cute siya sa akin. Kapag hindi niya ako tinitingnan, gusto ko namang kunin ang pansin niya para lang magkaharap kami at magkatitigan.

Alam ko, walang future ang nararamdaman kong ito para kay Robin. Sila pa ni Jinky. Napaka-pangit tingnan kung aagawin ko si Robin sa kaibigan ko. Tinutulungan ko pa nga sila kung minsan para magkaayos sila. Kung papatusin ko si Robin ngayon, para na rin akong naging bantay-salakay.

Pero bakit ginagawa sa akin ni Robin ang ganito? Crush din ba niya ako? Ang dami niyang kapalpakan sa buhay, sa totoo lang. Hindi ko gusto ang character niya. Pero bakit naa-attract pa rin ako sa kanya?

NAGISING si Gwen nang maramdaman niyang may dumamping basang bimpo sa kanyang noo. Pagdilat niya ay ang mama niyang si Clarita ang nakita niyang nagpupunas sa kanya ng bimpo. Nang nagdaang araw pa—paggising niya—ay masakit na ang mga kasu-kasuan niya. May sore throat din siya at inaapoy siya ng lagnat. Nagkatrangkaso siya dahil inabutan siya ng malakas na ulan sa daan.

Kinunan siya ng mama niya ng temperatura. "May sinat ka pa, anak," sabi nito. "Ano na ba'ng nararam-daman mo?"

Bumangon siya. "Medyo masakit pa ho ang ulo ko."

"Mag-almusal ka na para makainom ka ng gamot."

"Sige po, 'Ma." Tumuloy na siya sa banyo. Kahit weird isipin, mas gusto pa niyang nagkakasakit siya. Kapag ganoong inaalagaan siya nito ay nararamdaman niyang importante rin siya rito. Kapag wala kasi siyang nararamdaman, pirming nasa Ate Precious niya ang pansin nito maging ng papa niya.

Ayos lang sana iyon kung tunay na anak ng mga ito ang ate niya. Pero hindi. Inampon ng mga magulang niya ang ate niya noong pitong taon nang nagsasama ang mga ito at hindi pa rin nagkakaanak.

Tatlong taon pagkatapos ampunin ng mga magulang niya si Ate Precious ay ipinagbuntis siya ng mama niya. Hindi na nasundan iyon hanggang sa mag-menopause na ang kanyang mama.

Hindi ikinaila ng mga magulang niya sa Ate Precious niya na ibang babae ang nagluwal dito. Hindi rin kailanman ipinaramdam ng mga magulang niya sa ate niya na ampon lang ito. Pantay lang sila kung tratuhin ng mga ito. Ibinibigay ng mga ito ang mga pangangailangan nila. Pero sa atensiyon ay naka-lalamang sa kanya ang ate niya. Sa maraming pagkakataon ay pinalalampas lang niya iyon. Pero may mga pagkakataon din na sumasama ang loob niya sa kanyang mga magulang.

"Si Colette po, Mama?" tanong niya nang hindi niya nadatnan sa breakfast table ang kanyang pinsan.

"Dinaanan siya ng Tita Lea mo kaninang maaga-aga pa. Marami na raw trabaho sa farm kaya kailangan nila ng Tito Nonong mo ng tagabantay man lang doon."

Nalungkot siya nang malaman na wala na pala si Colette sa bahay nila. Naaaliw pa mandin siya sa mga kuwento nito. Dalawang linggo pa lang itong nagbabakasyon sa kanila. Reward iyon dito ng mga magulang nito nang maging valedictorian ito sa grade school.

Nang mga nagdaang araw ay napansin niyang mainitin ang ulo ng Ate Precious niya. Bihira siyang kausapin nito. Gusto nito na laging mapag-isa.

Ilang gabi na rin niyang naririnig ang impit na pag-iyak nito sa katabing silid niya. Hindi niya alam kung bakit. Tinanong na niya ito kung bakit pero ayaw nitong sabihin sa kanya ang dahilan. Malamang na may kinalaman doon ang narinig niyang pagtatalo nito at ng kanilang mga magulang noong isang araw. Sigaw nang sigaw ang papa niya pero wala siyang naunawaan kung ano ang dahilan ng pagtatalo ng mga ito.

"Gusto ko na hong magbakasyon kina Tita Lea, Mama," sabi niya.

"Magpagaling ka muna. Kung magbabakasyon ka roon, dapat ay malakas ka. Siguradong hindi ka magpapapigil na magbabad sa ilog kapag naroon ka."

"Naiinip na ho kasi ako. Nakakasawa nang tumunganga rito sa bahay araw-araw."

"Aba, sino ba kasi ang may sabi sa iyo na mag-resign ka sa bakeshop? Kay ayus-ayos at may maganda kang trabaho roon, sukat birahan mo ng pagre-resign."

"Nagsawa na ho kasi akong magtrabaho roon."

"Ano ngayon ang mas nakakasawa: Ang magtrabaho roon, o ang tumunganga rito?"

Bumuntong-hininga siya bilang sagot. Hindi kasi nito alam ang tunay na dahilan kung bakit siya nag-resign sa Rolling Pin Bakeshop. Kung kay Ate Malou lang na may-ari niyon, hindi siya aalis doon kahit pumuti na ang buhok niya. Napakabait nito at parang kapatid at kaibigan ang turing nito sa kanilang lahat na empleyado nito.

"Kapag maayos na ang pakiramdam mo sa isang linggo, sulong. Magbakasyon ka kina Lea. Baka sakaling mawala ang pagkainip mo kapag tinulungan mo sila sa trabaho sa farm."

Isang linggo pa pala ang ipaghihintay niya bago siya makaalis sa kanila. Kinahapunan, nilagnat uli siya. Sobrang sakit ng ulo niya at kahit dampi ay ayaw niyang ipahawak sa mama niya ang balat niya. Masakit ang mga buto niya. Ang kasambahay nilang si Ate Nora ang mapilit na punasan siya ng malamig na tubig na may sukang Ilocos. Hindi siya nakapalag dito dahil sa malaking mga kamay nito.

Kinabukasan ay may sinat pa rin siya. Sa pagpipilit ng papa niya ay napapayag siya nitong magpatingin na sa doktor. Sinamahan siya nito at ng mama niya sa family doctor nila. Muli, may kakaibang saya siyang naramdaman dahil pinaglaanan siya ng mga ito ng oras. Pero dagling nawala ang saya niya sa sinabi ng papa niya nang pauwi na sila.

"Kailangang gumaling ka na, Gwen, para kompleto tayo bukas sa dinner. May mga darating tayong bisita."

"Sino ho, 'Pa?"

"Ang pamilya ni Ferdie Jacinto."

"Ferdie Jacinto?" Wala siyang natatandaang kamag-anak o kakilala nila na ganoon ang pangalan.

"Nag-dinner na kami sa kanila ng Ate Precious mo noong isang linggo," sabi uli ng papa niya.

Natatandaan nga niyang umalis ang mga ito noong isang araw. Galing siya kina Agot noon at gabi na siya nakauwi. Si Ate Nora na lang ang nagbalita sa kanya na umalis ang mga magulang niya kasama ng ate niya.

"Kapitbahay at kaklase ko siya dati sa Poblacion. Nag-migrate sila sa States noong nasa junior high pa lang kami. Pero dito sa Pilipinas nag-aral ang mga anak niya at kamakailan lang sila umuwi. Dito na raw sila maninirahan at magnenegosyo dahil hindi na maganda ang ekonomiya ng Amerika."

"Simpleng dinner lang ho ba ito, Papa?" Nagtaka siya sa sarili kung bakit ganoon ang naging tanong niya. Kinukutuban kasi siya nang hindi maganda.

"Hindi. Mamamanhikan na sila ng anak niya."

Sinasabi na nga ba, inirereto nito ang ate niya sa anak ng kaibigan nito. No wonder, madalas niyang marinig na umiiyak ang ate niya. Sa pagkakaalam niya ay may boyfriend ito. Lihim nga lang iyon dahil natatakot ito na ipaalam iyon sa parents nila.

Ngayon niya naintindihan kung bakit napakahigpit ng papa niya sa kanilang magkapatid, lalo na pagdating sa love life nila. Beinte-sais na ang ate niya pero pinaghihigpitan pa rin ito ng kanilang ama. Iyon pala ay may napipisil na itong lalaki para sa ate niya. 

Diary Of A Heart Stealer COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon