16

11.5K 187 1
                                    


PARANG masayang panaginip ang mga sumunod na araw para kay Gwen. Madalas na sinusundo siya ni Paolo sa bakeshop kapag hapon na lumalabas siya. Kung saan-saan sila namamasyal. Kung minsan ay nanonood sila ng sine. Nang minsan ay isinakay pa siya nito sa yate ng kaibigan nito.

"Rosy na naman ang paligid ng isang babae riyan," tudyo sa kanya ni Ate Malou. Nadatnan kasi niya sa bakeshop ang isang bouquet ng pink carnation. Galing kay Paolo ang mga bulaklak. Sabi sa card ay may pupuntahan daw sila nito mamayang hapon paglabas niya. Sorpresa raw nito sa kanya iyon.

"Ikaw rin naman, ah. Noong nililigawan ka pa lang ni Kuya Odie, parang laging korteng puso ang lumalabas sa hininga mo," ganting tudyo niya rito.

"Oo nga. Pero ngayon korteng puyat na."

Natawa siya. "May ganoon bang korte?"

"Paano naman, namumuyat na nga ang baby ko, namumuyat pa ang daddy niya," pilyang sagot nito. "Oo nga pala, nag-text si Jinky sa akin kagabi. Nakapasok na raw siya sa bakeshop sa Bataan. Mukhang masaya ang loka. May love life na rin daw siya."

"Nasabi mo ba na nagtanan ng ibang babae si Robin?"

"Naku, hindi na. Baka masira lang ang magandang mood niya. Ewan ko ba sa pinsan kong 'yon, hindi iniisip ang mga desisyon sa buhay."

Naputol ang pag-uusap nila nang magtanong dito ang isa sa mga trainee nila.

Kinahapunan, naghihintay na siya sa pagdating ni Paolo nang mag-text ito. May emergency raw sa bahay ng mga ito kaya hindi raw siya masusundo. Bukas na lang daw siya susunduin nito. Hindi siya gaanong na-disappoint. Mas maganda rin siguro iyon para manabik sila sa isa't isa. Nang sumunod na araw ay bumawi ito. Dinala siya nito sa isang private resort sa Laguna.

"Ano nga pala ang emergency sa inyo kahapon?" naalala niyang itanong dito habang daan.

"Nag-away kami ni Papa," sagot nito.

"Bakit?"

"Mayroon lang kaming pinagtalunan. Hindi ako makaalis. Ang dami niyang sinabi."

"Alam na niya ang tungkol sa atin?"

Hindi ito umimik.

"Tutol siya sa akin, right?"

"Kahit tumutol pa siya, ako na ang masusunod ngayon sa buhay ko. Napagbigyan ko na siya. Tama na iyon."

Tama nga ang palagay niya na tutol ang ama nito sa kanya. May palagay siya na hindi iyon dahil mas pinapaboran nito ang ate niya, kundi dahil galit ito sa pamilya niya nang mapahiya ang mga ito at dahil may alitan pa ito at ang papa niya.

Nasorpresa siya nang makapasok sila sa resort. Maliit lang iyon. Isa lang ang bungalow-style na bahay. At may isang kidney-shaped swimming pool.

Mula sa front step ng pintuan hanggang sa loob ng silid ay may mga nakalatag na rose petals. Marami sa mga iyon ay sa ibabaw ng kama nakalatag.

Kapwa sabik na nagyakap sila ni Paolo. Inapuhap nila ang kanya-kanyang mga labi. Ilang saglit lang ay isa-isa na nilang natanggal ang kanilang mga saplot. Mula nang umuwi siya galing sa farm ay noon pa lang sila nagkasarilinan sa iisang silid. It meant a lot to her that he made this union special.

Nang magutom sila ay isang trolley ang ipinasok ni Paolo sa silid. Hinalikan niya ito sa pisngi nang makita niya kung anu-ano ang mga pagkaing ipinahanda nito. Lahat iyon ay pawang paborito niya.

"What was that for?" nakangiting tanong nito, his lips hovering above hers.

"That was for your effort. Hindi ko alam na may ganito kagandang resort dito sa Laguna. May rose petals ka pang isinaboy na parang prinsesa ang inaasahan mong darating dito. 'Tapos ito, favorite ko ang lahat ng mga pagkaing ipinahanda mo."

"Basta para sa mahal ko, lahat ng makapag-papasaya sa kanya ay gagawin ko," sinserong sabi nito habang nakatitig sa mga mata niya.

Napaluha siya. Noon lang nito sinabing mahal siya nito. Kahit hindi niya kailangan ang mga salita ng pagmamahal na magmumula rito—nararamdaman niyang mahal siya nito dahil sa mga ikinikilos nito—iba pa rin pala kapag sinasabi nito iyon.

"Hey, bakit ka umiiyak?" Marahang hinawakan nito ang baba niya. "Ayokong makita na umiiyak ka. Ginagawa ko ito para mapasaya kita."

"Tears of joy lang ito."

"Pero nag-uumpisa pa lang ako na paligayahin ka." Napapangiting pinahid nito ang mga luha niya.

"And there is more?"

"Definitely, sweetheart."

Oh, boy! That was another first. 

Diary Of A Heart Stealer COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon