10

11.3K 183 1
                                    


OFF ni Gwen kaya naroon lang siya sa kanilang bahay. Nagkaroon tuloy siya ng pagkakataong pagmasdan ang ate niya. Sa tingin niya ay lalong lumala ang lungkot nito. Gabi-gabi pa rin niyang naririnig na umiiyak ito. Halos ayaw na nitong kumain. Lagi lang itong nagkukulong sa silid at ayaw makipag-usap kahit kanino, kahit sa kanya.

Isang hapon, pag-uwi niya, nakita niyang umiiyak ito habang nakatanaw sa malayo. Parang piniga ang puso niya sa awa niya rito. Nilapitan niya ito. "Ate Precious..."

Sumulyap lang ito sa kanya at muling itinuon ang tingin sa labas.

"Ate, nahihirapan din akong makita kang ganyan. Kung may maitutulong lang ako, sabihin mo lang. Gagawin ko."

Pinahid nito ang magkabilang pisngi nito. "Kung tutulungan mo nga ako at pagkatapos ay sasabihin mo rin kay Papa kung saan ako pumunta, huwag na lang, Gwen."

"Bakit ko naman gagawin 'yon?"

Tiningnan siya nito na parang nang-uusig. "'Di ba nga ginawa mo na? Kaya nga nahuli kami ni Papa. At muntik pang mamatay si Dennis." Niyakap nito ang sarili at umiyak nang umiyak. "Awang-awa ako sa kanya sa ginawa sa kanya ni Papa."

"Mali ang akala mo, Ate. Wala akong sinabing kahit ano kina Papa at Mama. Si Ate Nora lang ang nakaalam ng ginawa ninyo ni Dennis. Nalaman lang niya iyon nang umagang bumalik na kayo rito. Kahit nga kay Mama, hindi ko sinabi."

"Nagsasabi ka ba ng totoo?"

"Oo naman. Hindi kita kayang ipahamak, Ate." Inabutan niya ito ng panyo. "Pero paano mo nalaman na buhay pa si Dennis?"

"Napadaan dito si Kuya Tony noong isang araw. Pinakiusapan ko siyang pumunta kina Dennis. Sa kanya ko nalaman na nabali ang mga buto ni Dennis sa ginawang pambubugbog sa kanya. Nagpapagaling pa siya ngayon."

"Ate, paano na kayo ngayon ni Dennis?"

"Hindi ko alam. Kapag tumakas uli ako at nahuli na naman kami ni Papa, baka hindi na niya buhayin si Dennis."

"Thirteen days pa bago ang kasal mo, Ate. Malay mo, may maisip pa tayong paraan para hindi matuloy ang kasal mo kay Paolo."

"Sana nga, Gwen. Isang paraan na lang kasi ang naiisip kong gawin. Kaya lang, hindi ko alam kung makakaya kong gawin."

Nanghilakbot siya sa sinabi nito. May ideya siya kung anong paraan ang sinasabi nito. Hinawakan niya ang mga kamay nito. "Please, Ate, iyon ang huwag na huwag mong gagawin. Mangako ka sa akin na kahit ano'ng mangyari, hindi mo 'yon gagawin."

Umiling-iling lang ito habang lumuluha.

"Please naman, Ate. Mangako ka na hindi mo iisipin man lang ang tungkol doon."

"Wala na kasi akong ibang choice," malungkot na sabi nito. "Baka sakaling matauhan si Papa kapag itinuloy ko ang pagpapakamatay. Baka sakaling hindi na niya gawin sa iyo ang ginagawa niya sa akin ngayon."

"Please, Ate, huwag mo 'yang sabihin. Hindi option ang iniisip mo. Basta mangako ka na hindi mo 'yon gagawin," umiiyak na ring sabi niya.

BAGO matapos ang linggo ay dumalaw sa bahay nina Gwen si Paolo. Dala na nito ang wedding invitation. Ayaw itong harapin ng ate niya. Sinabi lang ni Paolo sa mama niya na importante ang sasabihin nito sa kapatid niya kaya napilitang lumabas ng silid ang ate niya.

Matagal na nag-usap ang dalawa. Nasisilip niya sa sala ang mga ito. Nahiling tuloy niya na sana ay siya na lang ang ipakasal ng mga magulang nila kay Paolo.

Pinagalitan niya ang sarili sa naisip niya. It was unthinkable. Hindi niya magagawang agawin si Paolo kahit ayaw rito ng ate niya. Hindi niya gugustuhing mangyari iyon.

Really, Gwen? Hindi nga ba?

Nakagat niya ang kanyang ibabang labi. Hindi dahilan ang minsang halik at yakap na namagitan sa kanila ni Paolo para isipin niyang agawin ito sa kapatid niya. Kaya hindi rin dapat niya hayaan ang sarili na lalo pang mahulog ang loob dito.

Sa kabila niyon, nang magpaalam si Paolo sa Ate Precious niya ay nakasunod pa rin ang tingin niya rito. Nagulat siya nang magkamay ito at ang ate niya. Lalo siyang nagulat nang ngumiti ang ate niya. Tanggap na ba nito si Paolo? Tinanggap na ba ng ate niya na wala na talagang pag-asa ang pagmamahalan nito at ni Dennis kaya susunod na lang ito sa agos?

Minabuti niyang magkulong sa kuwarto niya at kunin ang kanyang sketchbook. Ilang cake designs na ang nasa isip lang niya at hindi na niya nagawang ilipat sa pamamagitan ng pagguhit.

Ngunit sumisingit pa rin ang mukha ni Paolo sa imahinasyon niya habang gumuguhit siya. Frustrated na ibinagsak niya sa kama ang sketchbook. Bakit ba siya nagkakaganoon?

de+)n

Diary Of A Heart Stealer COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon