"PILITIN mong ubusin ang kinakain mo, Gwen. Iyang sopas na nga lang ang hapunan mo, hindi mo pa uubusin. Paano ka lalakas agad niyan?" sabi sa kanya ni Ate Nora.
Paano siya gaganahang maghapunan? Bukod sa medyo mapait pa ang panlasa niya, siya lang mag-isa ang kumakain. Wala ang papa at mama niya. Umalis ang mga ito kasama ng mga Jacinto. Hahanapin daw ng mga ito ang ate niya.
"Ano na kaya ang mangyayari ngayon? Sana, hindi nila mahanap si Ate Precious."
"Ano ka ba? Kailangan nilang mahanap ang ate mo. Masuwerte nga siya kay Paolo, bukod sa guwapo na, doktor pa."
"Hindi lamang ang mga qualities na iyon ng isang lalaki ang makakapagpaligaya sa isang babae. Nakita ko kanina kung gaano kamahal nina Ate Precious at Dennis ang isa't isa. Iyon ang dahilan kaya nila nagawang suwayin sina Papa."
Napamaang ito sa kanya. "Sabihin mo nga sa akin, nakita mo bang tumakas si Precious?"
Nakagat niya ang knuckles niya. Me and my big mouth. "Actually, ako ang naghatid sa kanya sa meeting place nila ni Dennis."
Namilog ang mga mata nito. "Ikaw talaga. Pinagalitan ako ni Kuya Gildo kanina. Iyon pala, ikaw ang may kasalanan. Naiisip mo ba kung ano ang maaari nilang gawin sa iyo kapag nalaman nila ang ginawa mo?"
"Huwag mong sasabihin kay Papa, ha? Malalagot talaga ako. Naaawa lang kasi ako kay Ate kaya ko siya tinulungan."
"Ano'ng sasabihin ko kapag kinausap na naman ako ng papa mo at inusisa niya sa akin si Precious? Paano kung madulas ako at masabi kong tinulungan mong makatakas ang ate mo?"
"Naku, hindi puwedeng madulas ka. Papatayin kami pareho ni Papa kapag nalaman niya ang ginawa naming magkapatid. Mag-focus ka lang, Ate Nora. Huwag mong kalilimutan na kunwari ay wala kang alam sa pagtakas ni Ate Precious."
"Hay, ang hirap sabihing wala akong alam kahit meron."
Wala pa yatang isang oras siyang nakatulog. Magdamag na hindi umuwi ang mga magulang niya. Wala talagang inaksayang sandali ang papa niya makita lang nito ang kapatid niya. Malamang na ginamit na nito ang koneksiyon nito matunton lang ang ate niya.
Sana lang ay hindi makita ang ate niya. Hindi muna ngayon. Nasa edad na ang ate niya. Maaari na itong magpakasal kay Dennis nang walang parental consent. Kapag nangyari iyon, hindi na mapipilit ng papa niya ang ate niya na pakasalan ang lalaking hindi nito mahal.
Alalang-alala na siya. Kinabukasan, bandang alas-sais ng umaga ay saka lang siya nakahinga nang maluwag nang makita niyang pumasok sa driveway ang van nila. Nagulat siya nang bumukas ang front door at pumasok doon ang ate niya kasunod ang papa at mama nila.
Putok ang labi ng ate niya at nagsisimula nang mangitim ang kaliwang pisngi nito. Magulo ang mahabang buhok nito na hindi na nito pinagkaabalahang suklayin.
Napaluha at nanlumo siya nang makita ang ayos nito. Sayang lang pala ang pagsisikap nitong makatakas. Awang-awa siya rito. "Ate Precious..."
Matigas ang anyong tinapunan lang siya ng tingin nito at umakyat na ito sa silid nito.
"Mula ngayon, babantayan n'yo nang mabuti si Precious," bilin sa kanila ng papa niya. "Makakalabas lang siya rito kung ako ang kasama niya. Bawal siyang maki-text o makitawag sa mga cell phone ninyo. Nakumpiska ko na ang cell phone niya kaya wala na siyang dapat magamit na kahit anong means of communication para tawagan ang lalaking iyon. Bawal na rin siya sa entertainment room dahil baka gumamit siya ng Internet. Lahat ng sulat na darating sa kanya, ipakita n'yo muna sa akin. Siguro naman ay nagkakaintindihan tayo sa bagay na ito."
Hindi umimik ang mama niya. Sila lang ni Ate Nora ang sumagot. Sa tingin niya sa paghihigpit na ginagawa ng papa niya sa kanyang kapatid, parang mas may karapatan pa ang isang preso sa bilibid kaysa rito.
"Hanggang kailan mo gagawin ito sa anak mo?" tanong ng mama niya.
"Hangga't hindi pa sila naikakasal ni Paolo," matigas at tila nagbababalang sagot ng papa niya.
Walang paalam na iniwan sila ng mama niya. Nagtungo ito sa banyo at nang muling lumabas ay may bitbit na itong first aid kit. Pumasok ito sa silid ng kapatid niya.
Mula noon ay lalong naging malulungkutin ang ate niya. Nahuhulog na rin ang katawan nito dahil halos ayaw nitong kumain. Hindi rin ito gaanong nagsasalita. Ilang ulit na niyang kinausap ito ngunit hindi ito umiimik. Tinititigan lang siya nito na parang may nagawa siyang kasalanan dito.
lv}9
BINABASA MO ANG
Diary Of A Heart Stealer COMPLETED (Published by PHR)
RomansDiary Of A Heart Stealer By Dawn Igloria First encounter pa lang ni Gwen kay Paolo ay palpak na. Marami itong nabisto tungkol sa kanya: ang habit niya na makipag-usap sa sarili, ang singing voice niya na parang pinupunit na yero, ang plano niyang ag...