DINALHAN ni Gwen ng mainit na salabat at nilagang mais ang dalawang matanda sa duluhan. Gumagawa si Lolo Pedro ng panibagong plot para sa mga kulitis. Mabili raw ang mga iyon, lalo na ngayong tag-araw. Sa katunayan ay nagpapadagdag pa raw ng order ang umaangkat sa tanim na mga gulay ng mga ito. Dinadamuhan naman ni Lola Elang ang mga tanim nitong sili at talong.
Mahigit isang buwan na siya roon. Nalulungkot siya dahil hindi niya kasama ang mga magulang niya at kapatid. Ngunit hindi matatawaran ang kapayapaan ng isip na nakukuha niya sa lugar na iyon. Pati ang lifestyle niya ay nabago. Kung noon ay sanay siyang natutulog nang alas-onse ng gabi, ngayon, alas-otso pa lang ay natutulog na sila. Gumigising sila nang alas-kuwatro ng umaga. Kung noon, madalas na karne o pagkain sa fast-food ang kinakain niya, lalo na tuwing pumapasok siya sa trabaho, ngayon, araw-araw ay gulay ang ulam niya. Dalawang beses sa isang linggo lang sila nakapag-uulam ng karne ng baboy at baka. Bihira lang ang isda roon pero lagi silang nag-uulam ng manok dahil maraming alagang manok si Lolo Pedro.
Ang almusal nila ay madalas na nilagang mais, nilagang kamote o gabi, at nilagang saging na saba. Sa kabila niyon, sa palagay niya ay bumigat ang timbang niya. Masigla rin ang pakiramdam niya. Hindi na siya nahihilo gaya noong unang buwan ng pagbubuntis niya. Nakakatulong marahil ang ehersisyo niyang paglalakad sa taniman at pagtulong sa dalawang matanda sa pag-aalaga ng mga halaman.
Wala na siyang balita sa kanyang pamilya. Mas mabuti pa ang mga pangyayari sa buong Pilipinas ay alam niya. Araw-araw silang nakakapanood ng balita sa TV. Hindi na niya binuksan pa ang kanyang cell phone. Natatakot siyang matunton ng papa niya dahil doon.
"Lolo Pedro, Lola Elang, mag-merienda ho muna kayo," tawag niya sa dalawang matanda. Eksperto na siya sa tamang paglalaga ng mais at kamote—kung paano hindi mangungulubot ang butil ng mais at hindi lalabsa ang laman ng kamote—hindi tulad dati na lagi lang siyang nagpapa-deliver ng merienda sa malapit na fast-food at pirming pritong burger patties lang ang alam niyang lutuin.
"Nag-merienda ka na ba, ineng?" tanong sa kanya ni Lolo Pedro nang lapitan siya nito sa silungan na nasa gitna ng dalawang balon.
"Opo, Lolo. Bakit po hindi pa lumalapit si Lola Elang?"
"Puntahan mo na kaya. Kung minsan, mahina na ang pandinig ng isang 'yon."
Pinuntahan nga niya ang matandang babae sa plot ng mga tanim nitong sili. Ngunit napahinto siya nang makitang kausap nito si Colette. Aatras sana siya ngunit nalingunan na siya ng pinsan niya.
"Ate Gwen?"
Napipilitang itinuloy na lang niya ang paglapit dito. "Mag-isa ka lang ba, Colette?"
"Oo, Ate Gwen. Bakit nandito ka? Alam mo ba, hinalughog nina Tito Gildo ang farm sa paghahanap sa 'yo? Alalang-alala sa 'yo si Tita Clarita. Bakit ka ba biglang umalis sa inyo?"
"Mahabang kuwento, Colette. Isa lang ang ipapakiusap ko sa iyo. Huwag na huwag mong maikukuwento kahit kanino na narito ako."
"Kahit kay Mama?"
"Oo, kahit sa mama at papa mo. May balita ka ba sa amin?"
"Ang narinig ko lang, nanggulo yata sa bakeshop na pinapasukan mo si Tito Gildo. Akala yata niya ay itinatago ka lang ng mga kasama mo. 'Tapos, pinuntahan din niya si Ate Agot. Pero talagang walang makapagturo ng pinuntahan mo. Ang galing mong magtago, Ate Gwen. Nandito ka lang pala."
Nalungkot siya sa mga ginawa ng papa niya. Hindi niya alam kung bakit may mga ama na gustong kontrolin ang buhay ng mga anak nila; tulad ng papa niya. "M-may balita ka ba sa Kuya Paolo mo, Colette?"
"Nasa States pa rin siya. 'Yon lang ang alam ko. Bakit mo itinatanong, Ate Gwen?"
"Ahm, w-wala," sabi na lang niya. Mabuti nang hindi nito malaman ang totoo. Baka matukso pa itong magkuwento kina Tita Lea o sa mama niya. Mahirap na. "Colette, kung hindi rin lang importante, puwede bang huwag ka na munang pumasyal dito?"
Tila nasaktan ito sa sinabi niya. "Bakit, Ate?"
Niyakap niya ito. "Hindi naman sa ayaw kong narito ka. Ang totoo, gusto ko. Kahit paano may nakakausap akong tao na malapit sa akin. Nag-iingat lang ako na malaman ni Papa ang kinaroroonan ko kaya sinabi ko sa iyo na kung puwede, huwag ka na munang pumasyal dito."
"Naiintindihan ko na, Ate Gwen."
Bago ito umuwi ay pinapangako uli niya ito na ililihim nito sa lahat ang tungkol sa kinaroroonan niya.
MAY ISINABIT na duyan si Lolo Pedro sa pagitan ng dalawang puno na malapit sa balon sa kanan ng kubo. Malilim doon kapag hapon kaya doon nagpapahinga si Gwen tuwing pagkatapos nilang magtanghalian.
Tatlong buwan na ang kanyang ipinagbubuntis. Wala pa siyang naihahandang kahit ano para sa kanyang panganganak. Kahit minsan ay hindi pa siya nakapagpa-prenatal checkup. Mabait sa kanya ang dalawang matanda, ngunit napakahirap pala ng nagtatago at pirming nag-aalala kung may mga matang nakatingin sa kanya.
Naisip niyang umuwi na lang sa kanila at harapin ang konsekwensiya ng kanyang ginawa. Pero natatakot siya na baka pilitin siya ng kanyang papa na ipalaglag ang sanggol. Siguro, kung uuwi siya sa kanila na malaki ang tiyan niya ay wala nang magagawa ang mga magulang niya kundi tanggapin ang kalagayan niya.
"I'm sorry, anak," pagkausap niya sa kanyang tiyan habang hinihimas iyon. "Ang dami kong hindi maibigay sa iyo sa ngayon. Kailangan kasi nating magtago sa lolo mo. Pero kung hindi lang dahil doon, ipagmamalaki ko sa lahat na nasa sinapupunan kita.
"Malaki ka na ngayon. Umuumbok na ang tiyan ni Mommy. Sana, anak, lagi kang malusog. Kasi hindi tayo puwedeng lumabas para matingnan ako ng doktor. Excited na nga ako sa paglabas mo. Excited na rin akong malaman kung sino ang kamukha mo. Pero lalaki ka man o babae, ikaw ang pinakamamahal ko sa lahat.
"Sana, anak, mapatawad mo si Mommy kung hindi natin makakasama ang daddy mo kapag lumabas ka na. Hindi ko rin puwedeng ibigay sa iyo ang pangalan niya. Sorry kung hindi na kita mabibigyan ng daddy. Kasi, hindi na ako magmamahal ng iba, a-anak." Nabasag na sa puntong iyon ang tinig niya. Walang katiyakan kung makikita pa niya si Paolo. "K-kasi mahal na mahal ko ang daddy mo."
"Mahal na mahal ko rin ang mommy mo, anak."
Muntik na siyang mahulog sa duyan nang marinig niya ang boses na iyon.
ng mata
BINABASA MO ANG
Diary Of A Heart Stealer COMPLETED (Published by PHR)
RomanceDiary Of A Heart Stealer By Dawn Igloria First encounter pa lang ni Gwen kay Paolo ay palpak na. Marami itong nabisto tungkol sa kanya: ang habit niya na makipag-usap sa sarili, ang singing voice niya na parang pinupunit na yero, ang plano niyang ag...