HALOS magiba ang pinto ng katabing silid ni Gwen sa malakas na pagkatok doon. Lalong sumakit ang ulo niya sa malakas na ingay.
"Teka, sandali, Gildo. Kukunin ko na lang 'yong duplicate key," anang mama niya.
Isinalya ng papa niya ang pinto at saka ito nagmura nang malakas. Nakaramdam siya ng takot. Naririnig niyang umiiyak ang mama niya habang kumakalabog ang kung anong bagay sa silid, na sinipa o ibinalibag marahil ng papa niya.
"Gildo, huminahon ka. Baka nasa labas lang si Precious. Naririto pa ang mga damit niya. Hindi naman siguro tatakas ang anak mo."
Dasal siya nang dasal na sana ay nakalayo na sina Dennis at ang ate niya. Natatakot siyang isipin kung ano ang mangyayari sa mga ito kapag nalaman ng papa niya ang kinaroroonan ng mga ito.
Napakislot siya nang biglang bumukas ang pinto ng silid niya. Magkasunod na lumitaw roon ang papa at mama niya.
"Sigurado akong may nalalaman ka sa kinaroroonan ni Precious," walang pasakalyeng sabi sa kanya ng papa niya. Halos umusok ang bumbunan nito sa sobrang galit na nakamarka sa mukha nito.
Napaurong siya nang lumapit ito sa kama niya.
"Maawa ka sa anak mo, Gildo. May sakit pa si Gwen. Baka mabinat siya sa ginagawa mo," pakiusap ng mama niya.
"Mabibinat talaga siya kapag hindi siya nagsabi sa akin ng totoo!"
"Naghihintay na sa ibaba ang mga bisita. Halika na. Hayaan mo na rito si Gwen. Bumaba na tayo."
Sa halip na lumabas ay lalong lumapit sa kama niya ang papa niya. "Magtapat ka na, Gwen, kung ayaw mong pati ikaw ay samain. Saan pumunta ang Ate Precious mo?"
"H-hindi ko ho alam, Papa. Maniwala kayo, h-hindi ko ho talaga alam," takot na takot na sabi niya.
"May nakakita sa kanya kanina na sumakay sa kotse ko. Ngayon, sabihin mo sa akin, paano nakalabas ng garahe ang kotse ko nang walang driver? Pareho nating alam na hindi marunong mag-drive ang kapatid mo."
Hindi na siya nakakibo. May alam na ang papa niya. Wala nang silbi kung magsisinungaling siya.
Dinaklot nito ang braso niya at pilit na ibinangon siya. "Ikaw ang tumulong sa kanya para tumakas. Sabihin mo na ang kinaroroonan ni Precious kung ayaw mong lalong masaktan!"
"Gildo naman, maawa ka sa anak mo!"
"Maaawa lang ako sa kanya kapag nagsabi siya sa akin ng totoo!"
Nagtaka siya dahil biglang nagbago ang boses ng papa niya. Napadilat siya. Nagulat siya nang makitang walang mukha ang lalaking pumipigil sa braso niya. Lalo siyang natakot.
"Sabihin mo sa akin kung saan mo dinala ang fiancée ko!"
Sa sobrang takot ay umiling lang siya.
"Magsalita ka! Nasaan siya?"
Niyugyog siya nito nang malakas. Halos humiwalay ang ulo niya sa kanyang leeg. Dahil yata roon kaya nahulog ang puso niya. Saka pa lang ito humintong yugyugin siya. Tinapak-tapakan nito ang puso niya hanggang sa magkadurug-durog iyon. Napasigaw siya sa sakit. Biglang nagdilim ang lahat sa kanya.
"Gwen! Gwen! Gising, 'oy!"
Napadilat siya. Si Ate Nora na ang may hawak sa braso niya sa halip na ang lalaking walang mukha. "A-Ate Nora?"
"Ano ba'ng napanaginipan mo?" usisa nito. "Nakakatakot ba? Umuungol ka kanina. Binangungot ka yata. Basang-basa ka ng pawis, o."
Napayakap siya rito sa sobrang relief na naramdaman niya. Nananaginip lang pala siya.
"Ikaw talaga." Kumalas ito sa kanya at sinalat nito ang noo at leeg niya. "Wala ka na palang lagnat. Hayan at pinagpapawisan ka na." Kinuha nito ang isang manipis na hand towel sa tabi niya. Pupunasan na sana siya nito nang agawin niya rito ang tuwalya.
"Ako na lang, Ate Nora. Si Ate Precious?"
"Nasa kuwarto niya. Nakadalawang tawag na nga ako sa kanya kasi ipinapatawag na kayo ng papa ninyo. Nasa ibaba na ang mga bisita. Naku, ang guwapu-guwapo ng mapapangasawa ng ate mo."
Napangiti siya dahil noon lang niya nakitang kinilig ito. Pero napawi rin agad ang ngiti niya. Wala nga pala ang ate niya sa silid nito.
"Kaya mo na bang bumaba sa komedor?"
"Sige, Ate Nora. Susunod na lang ako."
Naghilamos siya at mabilisang nagpunas ng maligamgam na tubig. Medyo mabigat pa ang ulo niya. Mas gusto niyang matulog kaysa bumaba at sumabay sa dinner.
Nakabihis na siya nang marinig niya ang pagkakagulo sa labas. Napakagat-labi siya. Nalaman na ng lahat na tumakas ang Ate Precious niya. Nang buksan niya ang pinto ay humahangos doon si Ate Nora.
"Naku, Gwen. Tumakas pala ang ate mo. Galit na galit ang papa mo. Hay, ayoko munang magpakita kay Kuya Gildo. Para siyang kakain nang buhay sa sobrang galit. Pinagalitan niya ako. Ano raw ang ginagawa ko at natakasan ako ng ate mo? At alam mo ba? Hinimatay iyong nanay n'ong fiancé ng ate mo. Mahina pala ang puso. Natakot yata nang makitang nagagalit ang papa mo. At iyong lalaki, sa tingin ko ay nagalit din sa papa mo."
"Nasaan na sila?"
"Nasa 'baba pa. Parang nahimasmasan 'yong babae nang painumin ng gamot ni Paolo. Doktor pala ang isang 'yon."
"Paolo?"
"Iyong poging fiancé ng ate mo."
Iniwan na niya ito at bumaba siya. Sumilip siya sa pasilyong naghihiwalay sa sala at komedor. Nagkamalay na nga ang ginang na sinasabi ni Ate Nora. Tahimik na ang papa niya. Ang ama na lang ni Paolo ang nagsasalita.
"Mukha namang ayaw ng anak mo na magpakasal dito sa anak ko, Gildo. Bakit natin siya pipilitin? Tingnan mo nga at nilayasan niya tayo."
Dumako ang tingin niya sa lalaking pakakasalan sana ng ate niya. Pamilyar ang mukha nito sa kanya kahit naka-side view ito. Pagharap nito sa gawi niya ay nanlaki ang kanyang mga mata.
Kilala niya ito. Ito ang lalaking nagtawa sa kanya sa ilog ilang taon na ang nakararaan. Ito ang dahilan kung bakit biglang nawala ang habit niya na pagkausap sa sarili. Ito ang antipatikong lalaking nagsabing maluwag daw ang turnilyo niya sa ulo.
e
BINABASA MO ANG
Diary Of A Heart Stealer COMPLETED (Published by PHR)
Любовные романыDiary Of A Heart Stealer By Dawn Igloria First encounter pa lang ni Gwen kay Paolo ay palpak na. Marami itong nabisto tungkol sa kanya: ang habit niya na makipag-usap sa sarili, ang singing voice niya na parang pinupunit na yero, ang plano niyang ag...