13

12.3K 195 1
                                    


"I NEVER thought I'd see you here, Gwen," sabi sa kanya ni Paolo. Hindi na ito tumuloy sa loob ng convenience store. Inakay siya nito papasok sa katabing ice cream parlor. "Itinuloy mo na pala ang pagbabakasyon mo?"

Hindi niya magawang alisin ang tingin dito. Iilang araw pa lang ang lumipas mula nang huling magkita sila pero missed na missed na niya ito.

He was impossibly handsome. Kahit simpleng dark-colored fitted shirt at dark-colored jeans lang ang suot nito, sa tingin niya ay mas gumuwapo ito ngayon kaysa noong araw ng naudlot na kasal nito.

"Oo. Tuluy-tuloy na kasi ang trabaho ko pagkatapos nito. Kumusta ka na? Kumusta na sa inyo?"

"Okay naman sa amin. Si Daddy lang at ang mga kapatid ko ang naroon. Si Mommy, sinasamahan ko sa rancho ngayon. Hindi pa kasi siya gaanong malakas pagkatapos ng huling atake niya."

"I'm really sorry about what happened. Hindi namin gustong mangyari iyon sa mommy mo."

"Naiintindihan ko. Pare-pareho nating hindi ginusto ang mga nangyari."

"Kumusta ka naman? Alam kong malaking kahihiyan ang ibinigay sa iyo ng ginawa ni Ate Precious."

Naaaliw na pinagmasdan siya nito. "Nag-aalala ka pala sa akin?"

"Ano ka ba? Kahit kanino mangyari iyon at pamilya ko ang dahilan, mag-aalala ako. For a while, inisip kong baka gantihan n'yo kami."

Tumawa ito at umiling-iling. "Hindi mo lang alam, blessing in disguise pa ang pagwo-walk out ng ate mo sa kasal namin."

Napamata siya rito. "Bakit naman?"

Tinitigan siya nito sa mga mata. "In time, you'll find out why."

Nag-iwas siya ng tingin. "Dapat ba akong kabahan?"

"No, of course not."

Naging magaan na ang kuwentuhan nila pagkatapos niyon. Masasabi niyang noon lang talaga niya nakilala ito. Nalaman niyang pag-aaral lang talaga ang naging focus nito hanggang sa makapag-review ito sa board. Nang araw daw na pumasa ito sa board exam, sinabi ng ama nito na ipinagkasundo ito sa ate niya. At tulad nga ng sinabi nito sa kanya dati, dahil crush nito noon ang ate niya ay pumayag ito.

He was a bit disappointed when he saw her sister again. Hindi na raw ito ang dating babae na naging crush ni Paolo noon sa school. Malungkutin na raw ang ate niya at halos ayaw nang makipag-usap. Nararamdaman na raw nito nang mamanhikan ang mga ito na ibang lalaki ang mahal ng ate niya.

Marami pa silang napag-usapan ni Paolo. Noon lang sila nag-usap nang hindi binabantayan ang kilos ng isa't isa at hindi sila nagkukutyaan. Mabuti na lang at hindi nito binanggit ang tungkol sa halik na namagitan sa kanila sa bukal at noong bisperas ng naudlot na kasal nito.

Mayamaya ay nagyaya ito na mamasyal sila habang sakay lang ng kotse. Pumayag naman siya. Mabagal na pinatakbo nito ang sasakyan habang nagkukuwentuhan sila.

Pagdating nila sa isang maliit na park ay nagyaya ito na mag-stroll muna sila. Malinis ang lugar na iyon at well-manicured ang lawn na tinutubuan ng pantay-pantay na carabao grass. Hinubad niya ang kapares ng gel shoes na suot niya at dinama ng talampakan niya ang malambot na damo.

"'Feel like going barefoot?" tanong nito. Ito man ay nag-aalis na ng sapatos.

Natawa siya. "May doktor bang nagyayapak sa damuhan? 'Di ba lagi kayong conscious sa kalinisan?"

"Oh, but I'm not a doctor today," natatawang sagot nito. Sa tingin niya ay nag-e-enjoy ito sa ginagawa nila kahit wala naman iyong katuturan. Daig pa nila ang mga paslit na noon lang naranasang magyapak sa damuhan. Nakipag-hide and seek pa ito sa kanya nang mapagawi sila sa makapal na halaman sa hardin ng parke.

"Ang ganda ng view rito," sabi niya nang mapagod sila at umupo na lang sa love seat na kahoy na korteng duyan. "Nadaraanan ko na ito dati pa pero hindi ko pinapansin."

"Maganda talaga ang view rito. 'Tapos, ang bundok pa ng Maragondon ang background." Tiningnan siya nito. "Salamat, Gwen. Sinamahan mo ako rito. Ngayon din lang ako nag-abalang bumaba rito at pasyalan ang lugar na ito. I'm glad I came here with you."

Ngiti rin lang ang iginanti niya rito. Panay na naman kasi ang paglilikot ng puso niya. Laging ganoon ang nararamdaman niya tuwing tinitingnan siya nito na parang gusto siya nito.

"Alam mo, sabi ni Mommy, nagagandahan daw siya sa iyo."

Tumaas ang isang kilay niya sa sinabi nito.

"Totoo. Sabi niya, maganda si Precious pero mas soft daw ang beauty mo. Sa palagay ko, matutuwa siya kung dadalawin mo siya sa rancho."

"Ha?"

"Hindi ako nagbibiro. Sumama ka sa akin ngayon doon. I'm sure, matutuwa si Mommy na makita ka."

Kunsabagay, pagkakataon na rin niya iyon para personal na makahingi ng tawad sa ginawa ng ate niya. Wala yata isa man sa kanila ang nakahingi man lang ng dispensa sa pamilya Jacinto pagkatapos ng naudlot na kasal.

"Sige na, Gwen. Sumama ka na sa akin. Saluhan mo na rin kami ni Mommy sa lunch. Hindi tayo magtatagal, promise. At ihahatid kita sa farm n'yo pagkagaling natin sa rancho."

Hindi niya kayang pahindian ang pakiusap ni Paolo. Dahil kahit siya, gusto pa rin niyang humaba ang pagsasama nila. Pumayag na siya sa gusto nito.

Diary Of A Heart Stealer COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon