Chapter 2

13.5K 202 1
                                    


"KAILAN ba talaga kami makakahigop ng mainit na sabaw, ha, Galileo?" tanong ng Tita Cory niya sa kanya. "Alalahanin mo, ikaw na lang ang natitirang binata sa inyong magpipinsan. Tuloy parang gusto na naming magduda na baka naman 'ano' ka."

Ang lakas ng halakhak niya. "Ano, Tita? Bading? Tita Cory, naman, itong pagmumukhang ito, pag-iisipan ninyong bading?" Inilagay niya sa ilalim ng kanyang baba ang kanyang kamay, astang kandidato sa Mr. Pogi contest. "Kilala n'yo naman kung sinu-sino ang mga naging girlfriends ko."

"Malay namin kung front mo lang 'yon. Tingnan mo nga't hindi nagtatagal ang mga babae sa 'yo," sabad ng pinsan niyang si Gelay na kanina pa niya napapansin na nakailang balik na sa buffet table.

"Uy, Gelay, hinay-hinay lang sa pagkain. Sa palagay ko, dapat ka nang uminom ng pamurga," pang-aalaska niya rito. "'Dami mo sigurong alaga sa tiyan."

Inirapan lang siya nito.

Maraming handa dahil kasal ng isang pinsan nila. Limang baboy at isang baka ang kinatay. Halos nalimas din ang laman ng poultry niya dahil sa kanya kinuha ang mga manok na ipinanghanda. Pero sa dami ng mga bisita, sa palagay niya, mayamaya lang ay parang nilimas na ng piranha ang mga pagkain.

Kunsabagay, hindi na siya dapat magtaka. Ganoon naman talaga ang handaan sa probinsiya nila. Buong baryo ang pakakainin dahil maski hindi na imbitahin ay talagang dumarating ang mga tao.

Kaya nga walang-wala sa isip niya ang magpakasal. Itatanan na lamang siguro niya ang magugustuhan niyang babae para menos gastos.

Napangisi siya sa ideyang iyon. Lahat kasi ng mga babaeng nagkaroon ng kaugnayan sa kanya ay handang makisama sa kanya kahit walang kasal. Pero dahil wais siya, alam niyang taktika lang iyon ng mga babae. Sa una lang okay, pero sa katagalan ay magde-demand na sa kanya ng kasal. Kaya nga maingat siya pagdating sa pakikitungo sa ganoong tipo ng babae. Marami pa siyang gustong gawin sa buhay. Hindi pa siya kontento sa kung anong mayroon siya sa kasalukuyan. Kaya nga kung maghahanap din lang siya ng makakatuwang sa buhay, gusto niya ay hindi lang mahusay sa gawaing-bahay, dapat din ay marunong sa buhay.

"May irereto nga pala ako sa 'yo, Kuya Gal," sabad ni Connie na pinsan din niya. Sa edad na disisiyete ay may asawa at isang anak na ito.

Sa kanilang angkan, trademark na ang maagang pag-aasawa at ang pagkakaroon ng malaking pamilya. Ang mga magulang niya ay nag-asawa rin sa batang edad. Beinte ang papa niya at disisais naman ang kanyang mama.

Sampu silang magkakapatid, pang-apat siya. Lahat ng mga kapatid niya ay may kanya-kanyang pamilya na. Tatlo ang nasa ibang bansa, tatlo ang nasa iba't ibang panig ng Maynila, at apat silang nasa iba't ibang panig naman ng Cavite.

Naiwan sa mga magulang nila ang kanilang bunso na may asawa na rin. Siya ay bumukod na ng bahay mula nang makabili siya ng lupa mula sa pitong taong pagtatrabaho niya sa Middle East.

"Uy, kilala ko 'yang irereto mo kay Gal, Connie. Palibhasa'y kaututang-dila mo ang Jeng na iyon kaya gusto mong mapabilang sa angkan natin. Puwede ba? 'Wag ang babaeng 'yon. Balita ko'y may naging anak na 'yon," sabad ni Gelay.

Inismiran ito ni Connie. "Excuse me, mahusay na negosyante si Jeng. Marunong sa buhay. Katunayan nga niyan ay marami nang ari-arian ang babaeng 'yon. And in fairness sa kanya, sexy at maganda rin naman siya. 'Tsaka haka-haka lang ng mga tsismosa 'yong may anak siya. Inampon niya 'yong bata, 'no!"

"Hay, naku, kahit ano pa ang sabihin mo, hindi legal ang negosyo ng Jeng na 'yon. Hindi ako boto sa babaeng 'yon para kay Gal."

"Anong hindi legal? Uy, ha, for your information, walang masama sa pagpa-five-six."

"Sandali, awat na," sansala niya sa mga ito dahil mukhang malapit nang magkapikunan ang mga ito. "Don't worry, pareho ko kayong pagbibigyan. Ako na'ng bahalang kumilatis sa mga babaeng ipakikilala n'yo sa akin."

Kandatulis ang nguso ni Gelay.

"Magse-set ako ng date ninyo ni Jeng. Kailan ka libre, Gal." Ayaw talagang paawat ni Connie.

Tahimik niyang kinonsulta sa isip ang kanyang schedule. "Next, next week pa maluwag ang schedule ko, Connie," sagot niya, pagkuwa'y binalingan si Gelay. "Siyanga pala, Gelay, may hihingin sana akong pabor sa 'yo. Baka puwedeng sa 'yo ko na lang ipalakad ang pagkuha ng building permit para sa ipatatayo kong two-storey house?"

"Payag ako pero sa isang kondisyon," maagap na sabi nito.

Kumunot ang kanyang noo.

"Gusto kong pumunta ka sa amin sa Linggo. Gusto kong makilala mo ang apo ng kapitbahay namin. Maganda siya at may stable job sa Maynila."

"Nakita mo na ba siya sa personal?"

"H-hindi pa. Pero maganda siya sa picture. Malay mo, siya na pala ang hinahanap niyang pihikan mong puso. Alalahanin mo, pinsan, malapit na ang Valentine's Day kaya dapat lang na may ka-date ka."

Natawa siya. Malabong maubusan siya ng date dahil siya nga itong umiiwas sa mga babae. Ayaw niyang maggagagastos dahil magpapagawa siya ng kanyang dream house.

"O, ano?" untag ni Gelay.

"Oo na," napipilitang sagot niya. Kung tutuusin, mas interesado siya sa inirereto sa kanya ni Connie. Natumbok nito ang hinahanap niya sa isang babae—marunong sa buhay, negosyante at marami nang ari-ariang naipundar.

Nang bumalik si Gelay sa buffet table para kumuha uli ng pagkain, nakipagkasundo siya kay Connie na itatawag niya agad dito kung kailan siya libreng makipag-date kay Jeng. 

MECHANIC OF THE DAY: MR. SUAVE COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon