Chapter 11

10.3K 140 0
                                        


MAHIGIT isang linggo pa bago ang araw ng mga puso. Ibig sabihin, matagal pa bago makita ni Dulce ang Galileo na iyon. Iyon ay kung totohanin nga nito ang sinabi nitong ide-date siya nito sa Valentine's Day.

Wala naman kasi sa tono nito ang nangangako sa kanya, bagkus ay nakakairita pa nga ang paraan ng pagkakasabi nito. Masyadong presko ito. Akala marahil nito ay kung sino ito por que guwapo ito.

Pero mas naiinis siya sa sarili niya dahil sa kabila ng katotohanang iyon ay umaasa siya na totohanin nito ang pakikipagkita sa kanya.

Pagkatapos ng birthday niya, sa halip na lumuwas na sila kinabukasan ng kanyang mama ay tinamad siya. Pinigilan siya ng kanyang Lolo Kanor at nagpapigil naman siya.

Laking pasasalamat niya dahil gusto naman talaga ng mama niyang manatili sa probinsiya nang ilang araw pa. Pero may problema pa rin. Hindi alam ni Galileo na naroroon pa siya at mananatili pa siya roon nang ilang araw. Bigla na lamang kasi itong nawala.

Hay, bakit ba binibigyan mo ng problema ang sarili mo, Dulce? naiinis na sabi niya sa isip.

Kahit natutukso na siyang tanungin ang Tita Beatriz niya tungkol kay Galileo ay nakuha pa rin niyang magtimpi. Nahihiya siya. Ayaw niyang isipin nitong bigla siyang naatat sa isang lalaki.

Eh, ano pa nga ba'ng tawag sa ginagawa mo, Dulce? Nagpasya kang mag-stay hanggang Valentine's Day dahil umaasa kang baka sumulpot ang Galileo na iyon at yayain kang mamasyal.

Napabuga siya ng hangin.

Asa ka pa, Dulce! kutya ng isang maliit na tinig sa kanyang isip.

Muli na naman siyang nagpakawala ng hininga. Bakit ko ba iniisip ang mayabang na iyon?

Sa isang banda, wala naman siyang maaaring isiping iba. Kusa naman kasing sumusulpot sa kukote niya ang naturang lalaki. Nang nagdaang gabi nga, kahit puyat siya dahil inabot nang alas-dose ang sayawan ay nahirapan siyang makatulog sa kakaisip dito.

Malaking palaisipan sa kanya kung bakit basta na lamang ito umalis. Hindi raw ito nagpaalam sa Tita Beatriz niya. Ayon pa sa tita niya, hindi rin daw namalayan ng dalawang kasama ng lalaki ang pag-alis nito. Nanamlay ang pakiramdam niya sa nalaman ngunit pinilit niyang hindi iyon mahalata ng mga kamag-anak niya. Katunayan nga ay game siyang nakipagsayawan sa mga bisita bagaman sa kaibuturan ng kanyang kalooban ay umaasam siya na muling makikita si Galileo. Nahiling niyang sana ay bumalik ito subalit nangawit lang ang leeg niya sa kakatanaw sa gate ngunit ni anino nito ay hindi na niya nasilayan.

Pinutol ng sunud-sunod na katok sa pinto ang pagmumuni-muni niya. Agad siyang umalis sa pangangalumbaba sa pasimano ng malapad na bintana.

Ang nakangiting si Lolo Kanor ang nabungaran niya nang buksan niya ang pinto.

"Kayo po pala, 'Lo. Good morning po."

"Magandang umaga rin sa 'yo, apo. Nakatulog ka ba nang mabuti?"

"Opo," matipid na tugon niya.

"Siyanga pala, nandiyan ang mga pinsan mo. May dalang nilupak at ginataang halo-halo. Hayun at nagkakagulo sa kusina."

Pilit siyang nagpakita ng excitement. "Naku, ang tagal ko na nga hong hindi nakakatikim ng nilupak. 'Buti naman po at naisipan nilang magdala ngayon."

"Kaya tara na at baka maubusan ka. Ako na'ng nagsasabi sa 'yo, kahit sila na ang may dala ng merienda ay hindi paliligtasin 'yon."

Natatawang ikinawit niya ang kamay sa braso nito.

"Hindi na tayo nagkakuwentuhan kagabi dahil naparami ang nainom kong lambanog. Ano nga pala'ng masasabi mo ro'n sa binatang pinsan ni Gelay? Sayang nga lang at maagang umalis, 'no? Ang sabi sa akin ni Gelay ay nagkaroon daw ng emergency sa farm ng kanyang pinsan kaya ito ora-oradang umalis."

Natatandaan niyang nagpaalam naman sa kanya si Gelay at ang kapatid nito na uuwi na bandang alas-singko ng hapon pero wala naman itong binanggit tungkol sa pinsan nito. Iyon pala, sa lolo niya ito nagsabi.

Kahit narinig na niya ang dahilan kung bakit umalis ito ay hindi pa rin nababawasan ang pagkayamot niya kay Galileo dahil sa ginawa nito.

"Papasa ba naman sa 'yo sakaling manligaw ang binatang 'yon?"

"Ewan ko lang po, 'Lo," matapat na sagot niya. "Si Mama po pala?" pag-iiba niya sa paksa.

"Umalis kasama ang Tita Beatriz. Magpapatahi raw ng damit ang mama mo sa suking modista ni Beatriz. Hindi na nga nagpaalam ang mama mo sa 'yo dahil natutulog ka pa."

Napailing na lamang siya. Magkasundo na uli ang mama niya at si Tita Beatriz gayong kahapon ay nagkairingan pa ang mga ito dahil kay Galileo. Marahil ay napanatag din kaagad ang loob ng kanyang mama dahil hindi naman nagtagal sa party ang lalaki.

Pumapanaog sila ng lolo niya sa hagdan ay naririnig na niya ang pagkakantiyawan ng mga pinsan niya.

"Happy birthday uli, pinsan!" sabay-sabay na sabi nina Karen, Sweet, at Joanne nang makita siya.

Naitirik niya ang mga mata. "Hindi matapus-tapos ang birthday ko, ah," natatawang puna niya.

"Talaga," nakalabing sang-ayon ni Karen. Nagte-training ito papunta sa Japan. Vocalist ito ng isang banda. "Kaya dapat lang na samantalahin natin na nandito pa ako at free din si Ate Dulce. Maglamyerda tayo ngayon."

"Puwede ba tayong mamasyal, Ate Dulce?" tanong ni Sweet. Ito ang pinakabata sa lahat ng mga pinsan niya ngunit may asawa na at may isang anak.

"Saan naman tayo maglalamyerda?" kaswal na tanong niya kasabay ng pagtanggap sa platitong may lamang nilupak.

"Nalibot mo na ba ang buong Alfonso?"

Nahihiyang umiling siya.

Nagtawanan ang mga ito.

"Bah, kailangan ka pala naming i-tour sa buong siyudad. Hometown ito ng iyong mother dear kaya dapat pamilyar ka naman sa pasikut-sikot dito," sabi ni Joanne.

"Sige, maglibot tayo. Parang picnic na rin dahil marami tayong food," excited na wika ni Sweet. "Sa wakas, mararanasan din naming makasakay sa kotse mo, Ate Dulce."

"Uy, uy, ano 'yang naririnig ko?" sabad ni Lolo Kanor, nasa tono ang paninita. "Kakarayin ninyo sa kung saan-saan si Dulce, eh, nagpapahinga 'yan. Hindi pa nakakabawi sa puyat 'yan. Isa pa, hindi niya kabisado ang lugar na ito."

"Ah, eh, Lolo, okay lang ho sa akin," magalang na sabi niya rito. Gusto niyang pagbigyan ang mga pinsan niya.

"Siyanga naman, 'Lo. Paminsan-minsan na nga lang naming nakakasama itong si Dulce, eh. Kaya hayaan n'yo na kaming maglakwatsa. Kami ang bahala sa kanya. Hindi namin siya pababayaan," pangungumbinsi ni Sweet.

"Sigurado kayo?" ani Lolo Kanor na inisa-isang tingnan ang tatlong apong babae.

"Naman, Lolo, kami pa?" pagmamagaling ni Karen.

Para tuloy gusto niyang manliit dahil kung tutuusin ay siya ang pinakamatanda sa mga ito pero siya pa ang lumalabas na dapat pangalagaan at protektahan.

Hindi tuloy niya maiwasang maghinagpis. Mukha na ba akong uugud-ugod at tatanga-tanga?

Mabilis niyang inawat ang sarili bago pa man iyon mauwi sa pagsesentimyento-de-asukal niya.

tospaQǑ

MECHANIC OF THE DAY: MR. SUAVE COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon