"AH, DULCE, siya 'yong sinasabi ko sa 'yong kaibigan ko. Galileo Magtalas ang buong pangalan niya. Galileo, meet my niece, Dulce Mariana," mataginting na pagpapakilala ng Tita Beatriz niya sa kanila ng katabi nitong lalaki.
Galileo Magtalas... usal ng isip niya. 'Sounds familiar...
Kahit alam niyang obvious ang ginawa niyang paghagod ng tingin sa kabuuan ni Galileo ay wala siyang pakialam sa magiging interpretasyon nito. May pakiramdam siyang nagkita na sila nito.
"I'm pleased to meet you, Dulce." Suwabe sa pandinig niya ang tinig nito. "Happy birthday."
Napilitan siyang abutin ang nakalahad na palad nito. "S-salamat," bahagya pang nautal na tugon niya. Hindi niya inaasahan ang reaksiyon ng katawan niya sa pagdadaop ng kanilang mga palad. Parang may nanulay na kuryente roon na nagpagising sa bawat himaymay ng kanyang ugat. Naging eratiko rin ang tibok ng kanyang puso.
"Hay, mukhang na-love at first sight sa 'yo ang pamangkin ko, hijo," narinig niyang sabi ni Tita Beatriz sa tonong kinikilig.
Bumuka ang bibig niya para kumontra ngunit inunahan siya ng tita niya.
"O siya, maiwan ko muna kayo. Bahala ka na, hija, kay Galileo. Sana'y magkaigihan kayo. Babu!"
Bago pa niya ito mapigilan ay mabilis na itong nakalayo.
At tila nakisama ang mga kaanak niya dahil walang nagtangkang lumapit sa kanya para makipagkuwentuhan. Pakiwari niya ay nakaintindi ang mga ito na hindi sila dapat istorbohin ni Galileo. O baka naman sadyang nabaling lang ang atensiyon ng mga ito sa pagkain?
Naramdaman niyang nanlalamig ang mga palad niya. Tensiyonado siya at hindi niya malaman kung paano eestimahin si Galileo. Aminado siyang guwapo ito. Malakas ang sex appeal nito. And he looked rich, too. Matangkad ito, matipuno ang pangangatawan at higit sa lahat, malinis ito at mukhang mabango, bagay na unang-una niyang tinitingnan sa isang lalaki.
Malakas itong tumikhim upang iparamdam ang presensiya nito. "Pasensiya ka na, wala akong nabitbit na regalo para sa 'yo. Nang imbitahin kasi ako ng tita mo, wala pa akong ideya sa personalidad mo. Ngayong nakita na kita, hindi na ako mahihirapang mag-isip kung ano ang nararapat sa isang magandang binibining kagaya mo."
Naramdaman niya ang pag-iinit ng mga pisngi niya. Gayunpaman, pilit niyang hinamig ang kanyang sarili dahil may kutob siyang nambobola lamang ito.
"Kung papayag ka, gusto ko sanang ihabol sa darating na katorse ng buwang ito ang regalo ko sa 'yo. Makikipagkita ako sa 'yo kung—"
"Hindi na k-kailangan," mabilis na sansala niya. "Huwag ka nang mag-abala pa."
"May lakad ka ba sa araw na iyon?" untag nito.
Napilitan siyang tumango.
Ngumiti ito, waring hindi ito kumbinsido sa sagot niya.
"Ang sabi sa akin ng Tita Beatriz mo, wala ka naman daw date. Still searching, right?"
Aba't... Ngalingaling dukutin niya ang mga mata nito. Feeling close ang drama ng kumag! Kung makaasta ito ay parang matagal na silang magkakilala. Ang tita naman niya, nagawang ibisto sa herodes na ito ang pagiging loveless niya. Sa palagay niya ay marami na itong alam tungkol sa kanya.
Tinitigan niya ito. Muli, naroon ang pakiramdam na nagkita na sila nito. Ipinilig niya ang kanyang ulo.
"Well, I'll be honest with you, Dulce. May mga kompromiso ako sa araw na 'yon pero dahil malakas sa akin ang tita mo kaya mas pinaboran ko na ang makasama ka sa araw na iyon."
Nanggilalas siya sa kayabangan nito. Ang laki pala ng bilib nito sa sarili nito! pagngingitngit niya. Kung hindi lang niya isinasaalang-alang ang mga tao sa paligid nila na halata namang nagmamasid, nakikiramdam at naghihintay ng mga kaganapan ay talagang matutukso na siyang tarayan ito.
Nagawa niyang magpaskil ng hilaw na ngiti sa mga labi niya. "Sorry to disappoint you, Mr. Magalas—"
"Magtalas," pagtatama nito. "At 'Leo' na lang ang itawag mo sa akin para mas magandang pakinggan."
Tinaasan niya ito ng kilay. "Kung anuman ang sinabi sa 'yo ng tita ko, hindi mo dapat paniwalaan 'yon. Para na rin sa kaalaman mo, hindi kami magtatagal dito. Hindi kami nakatira dito."
"Oh, I see," sabi nito. "Di bigyan mo ako ng address mo para sa bahay mo na lang kita pupuntahan."
"Have we met before?" hindi na nakatiis na usisa niya. "Para kasing nagkita na tayo. Pamilyar sa akin ang mukha mo."
Nagkibit-balikat ito. "I don't think so. Nag-iisa lang itong pagmumukhang ito. One in a million."
Hindi siya kumbinsido. Kaya naman itinuloy niya ang pangangapa sa memorya niya kung bakit ganoon ang pakiramdam niya rito.
Ngunit nabigo siyang alalahanin. Habang nagtatagal kasi silang magkaharap ay lalong tumitindi ang tensiyong bumabalot sa kanya kaya hindi siya makapag-isip nang matino.
"Pinsan!"
Paglingon niya, nakita niyang naglalakad patungo sa kanila ang babaeng ipinakilala ni Lolo Kanor sa kanya.
"Nagkakilala na pala kayo ni Dulce, pinsan," anito kay Galileo nang makalapit. "O siya, sige, maiwan ko uli kayo. Baka nakakaistorbo ako sa inyo." Binuntutan nito ng hagikgik ang sinabi.
Nag-init ang kanyang mukha sa lantarang panunukso nito sa kanila.
"Baka nagugutom ka na. Ikukuha kita ng pagkain." Tumayo siya.
Ngunit hindi pa man siya nakakahakbang ay pinigilan siya nito. Nilingon niya ito.
"Gusto ko lang ipaalam sa 'yo na may mantsang pula sa likod mo. Alam mo na siguro kung ano 'yon," halos pabulong na sabi nito.
Napamulagat siya nang mapagtanto kung ano ang tinutukoy nito. "M-marami ba?" lakas-loob na tanong niya.
"Medyo."
Nakagat niya ang ibabang labi. Siguro dahil sa tensiyon kaya lumakas kaysa sa normal ang buwanang dalaw niya. Nakakahiya dahil ito pa ang nakakita.
"Ano ngayon ang balak mong gawin?"
Iginala niya ang mga mata sa paligid. Hinanap niya ang kanyang mama para magpatulong dito. Ngunit mukhang nasa loob ito ng bahay dahil hindi rin niya makita ito. Hindi rin niya makita ang Tita Beatriz niya.
Mayamaya ay napansin niyang may pinagkaka-abalahan si Galileo. Inalis nito ang mantel sa isang mesa.
"Gawin mong tapis para matakpan 'yan," suhestiyon nito.
Kaysa mapahiya ay inabot niya iyon. Nang maitapi iyon ay lihim siyang natawa sa kanyang ayos. Mukha siyang magsasayaw ng pandanggo sa ilaw, minus the ilaw.
"Salamat," sabi niya bago ito tinalikuran.
Nakasalubong niya sa sala ang kanyang mama. "O bakit?" nagtatakang tanong nito nang mapansin ang ayos niya.
Sinabi niya ang dahilan.
"Nasaan na 'yong kausap mo?" interesadong tanong nito.
"Nasa labas ho."
"Nabistahan ko ang kanyang mukha. Sinasabi ko sa 'yo, mabigat ang dugo ko sa kanya, Dulce. 'Yang si Beatriz, napagsabihan ko na. Hindi naman pala niya lubos na kilala, basta na lang pinapunta rito upang ireto sa 'yo. Hindi nakakatuwa ang ginawa niyang iyon. Palibhasa'y tumatandang paurong." Halata ang disgusto sa mukha nito.
Naitirik na lamang niya ang mga mata sa inasal ng kanyang ina. Bago pa humaba ang usapan ay nagpaalam siya rito at dali-daling umakyat sa itaas.
BINABASA MO ANG
MECHANIC OF THE DAY: MR. SUAVE COMPLETED (Published by PHR)
Roman d'amourMECHANIC OF THE DAY: MR. SUAVE By Jinky Jamolin