Chapter 4

11.5K 186 6
                                    


"PUWEDE ba, tantanan n'yo na ako? Kahit ano pa'ng sabihin ninyo, confident ako sa gender ko. I'm a certified he-man," nabubugnot nang sabi ni Galileo sa mga pinsan niyang sina Gelay at Jomar. Magkapatid ang mga ito.

Pumalatak si Jomar, ang pinsan niyang numero unong alaskador at may reputasyon na babaero. Mahigit isang linggo na ang nakararaan nang palayasin ito ng asawa nito. Sa kanya ito kasalukuyang nanunuluyan. "Eh, bakit pumipilantik 'yang mga daliri mo, pinsan?" buska nito.

Ang lakas ng tawa ng mga ito.

Hindi naman siya napipikon. Naiinis lang siya dahil iyon na lang lagi ang paksa tuwing magkikita-kita sila. Para sa mga ito, big deal ang pagiging single niya sa edad na treinta y tres, lalo pa at tatlong buwan na lang ay treinta y kuwatro na siya.

Para tuloy gusto niyang pagsisihan na pinatulan niya ang pangungulit ni Gelay sa kanya na dumayo siya sa lugar nito. May inirereto ito sa kanyang babae at mayamaya lang ay pupunta na sila sa sinasabi nitong handaan.

"'Wag mong sabihin na gusto mong sundan ang yapak ni Tito Rudy, Galileo. Tingnan mo siya. Hayun at nagsisisi kung bakit hindi siya nakaisip mag-asawa. Na-realize daw niya ang kahalagahan ng may anak at asawang makakasama sa pagtanda niya," susog ni Gelay na nakapagbihis na ng isang bulaklaking bestida na para sa kanya ay mas bagay na maging kurtina. Hindi niya alam kung kinulang sa tela o sadyang ginusto nitong maging hapit sa katawan nito ang tabas kaya lalo tuloy na-emphasize ang pigura nitong susun-suson ang bilbil.

Umasim ang mukha niya. Hindi naman kasi dating ganoon ang pigura ni Gelay. Natatandaan niyang bago siya nagtrabaho sa Middle East ay hugis-gitara ang hubog ng katawan nito. Ang sabi nito, nagsimula raw itong tumaba nang ipanganak nito ang panganay nito hanggang sa parang hinipang lobo na ito.

Hindi niya ma-imagine na magiging ganoon din ang misis niya pagdating ng panahon. Kung sakali, gaganahan pa kaya siya?

Ang babaw mo, Galileo, kastigo ng konsiyensiya niya.

Napahiya siya sa sarili niya nang maisip niya na hindi lang naman ang mga babae ang dumaranas ng pagbabago sa pisikal na kaanyuan. Maaari ding lumaki ang tiyan niya kagaya ng tatay niya at posible ring mapanot ang bumbunan niya. Thank God, wala sa lahi nila ang nakakalbo.

Nagpakawala siya ng hininga. Kaya nga dapat lamang na mahal na mahal niya ang babaeng pakakasalan niya, and vice versa. Pero matagal pa iyon, siguro mga tatlong taon pa bago siya maghahanap ng babaeng seseryosuhin niya.

"Puwede pa naman si Tito Rudy," hirit ni Jomar. "Wala pa naman siyang singkuwenta. Iyong iba nga, sesenta na, lolo na pero nakabuo pa rin. Kagaya n'ong lolo ng kabarkada ko."

"Hay, naku, wala nang martir na babae sa ngayon, 'no! Alam ni Tito Rudy na malabong may magkagusto sa kanya, lalo na kapag nalamang may diabetes siya. Nakita n'yo naman, putol na ang isang binti niya."

Sa sinabing iyon ni Gelay ay nalungkot siya para sa kanilang tiyuhin. Isa siya sa mga tumutustos para sa pagpapagamot nito. Malapit siya rito mula pagkabata. Kapatid ito ng kanyang ina. Ito rin ang tumulong sa kanya para makapagtrabaho siya sa abroad kaya naman ibinabalik niya rito ang lahat ng kabutihan nito sa kanya noon.

Sa kanya nakatira si Tito Rudy pero noong isang linggo pa ito nasa Maynila. Sinundo ito ng bunsong kapatid nito para sa regular na checkup nito at tuloy ay para ipasyal na rin.

"Kaya ikaw, Galileo, mag-isip-isip ka. Alam ko naman kung bakit wala kang interes na mag-asawa. Natatandaan ko ang katwiran mo noon, ayaw mong magpakain ng taong hindi mo kaanu-ano."

MECHANIC OF THE DAY: MR. SUAVE COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon